Tuesday, October 1, 2013

PIA | Tagalog news: Pangatlong automated weather station, ipinagkaloob sa lalawigan ng Quezon

Tagalog news: Pangatlong automated weather station, ipinagkaloob sa lalawigan ng Quezon
By: Ruel M. Orinday
Tuesday 1st of October 2013
 New  1  1  0  0
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon, Okt. 1 (PIA) --Pormal na ipinagkaloob  ng Therma Luzon Inc. sa pamahalaang panlalawigan ng Quezon ang ikatlong automated weather station (AWS) noong Set 24 sa turn-over ceremony na ginanap sa tanggapan ng punong lalawigan.

Ang AWS ay tinanggap ni Quezon Gov. David C. Suarez na lumagda rin sa kasunduan kasama ang mga kinatawan ng Therma Luzon Inc., Aboitiz Power at Weather Philippines Foundation bilang bahagi ng seremonya.

Sinabi ni  provincial administrator Rommel Edano na maituturing na makasaysayan ang naturang aktibidad sapagkat ito ay nagpapakita ng pagtutulungan ng pribado at pampublikong tanggapan para sa kapakanan ng mga mamamayan.

"Napakapalad ng Quezon dahil isa ito sa napagkalooban ng naturang programa. Malaking tulong ang naturang kagamitan para higit pang mapaghandaan ang anumang kalamidad dulot ng lagay ng panahon," wika ni Edano.

Ayon naman kay Benjamin Cariaso, Jr., president at chief operating officer ng Therma Luzon Inc., ang naturang automated weather station ay ipinagkaloob bilang pagtupad sa pangako nila kay Governor Suarez.

Sinabi naman ni Celso Caballero III, general manager ng Weather Philippines Foundation na pasimulang tulong pa lang nila ito sa pamahalaang panlalawigan para sa kanilang disaster risk reduction. Kasunod aniya nito ay ang pagsasagawa ng mga pagsasanay para sa tamang paggamit ng AWS.

Target ng Weather Philippines Foundation na makapaglagay ng 1,000 automated weather station sa buong bansa hanggang sa katapusan ng taong 2013 upang makatulong sa disaster preparedness ng iba’t ibang lugar.

Sa pamamagitan ng naturang kagamitan ay malalaman ang mga impormasyon tungkol sa localized weather, solar radiation, lakas at galaw ng hangin, temperature, humidity at lakas at dami ng ulan sa isang lugar na maaaring makita sa website na www.weather.com.ph.

Nagpasalamat naman si Mayor Jose Mendoza ng Atimonan dahil ang kanilang bayan ilalagay ang AWS.

"Malaking tulong ito hindi lamang sa aming bayan kundi pati na rin sa mga bayang nasa baybay-dagat tulad ng Perez, Alabat, Quezon, at Mauban kung saan pangunahing hanapbuhay ay pangingisda. Sa pamamagitan ng AWS, malalaman ang magiging panahon at maiiwasan ang anumang maaaring sakuna," sabi ni Mendoza.

Ang ipinagkaloob na AWS na ilalagay sa bayan ng Atimonan ay pangatlo na sa lalawigan ng Quezon kung saan ang naunang dalawa ay matatagpuan sa lungsod ng Lucena. (RMO/PIA- Quezon/ Quezon PIO)
- See more at: http://news.pia.gov.ph/index.php?article=701380528390#sthash.C9EsJEPz.dpuf

No comments:

Post a Comment