Tuesday, March 18, 2014

http://www.pcoo.gov.ph/balitang_malacanang.htm

http://www.pcoo.gov.ph/balitang_malacanang.htm





 










OPS2007-ban-balita.jpg (34469 bytes)








































Pinapanumpa sa tungkulin ng Pangulong Aquino
ang bagong pamunuan ng ‘League of Municipalities and Local Government Units’






























 






























Pinapanumpa sa tungkulin ng Pangulong Benigno S. Aquino
III ang mga bagong pinuno ng League of Municipalities of the Philippines (LMP)
at ng mga liga ng mga lokal na pamahalaan sa seremonyang idinaos sa Manila
Hotel Martes.



Unang nanumpa sa harap ng Pangulo ang 22 mga bagong pinuno ng LMP na
pinangungunahan ni Alkalde Leonardo “Sandy” Javier, Jr. ng Leyte.



Sinundan ito ng maramihang panunumpa ng mga bagong pinuno ng mga liga ng
lokal na pamahalaan na kinabibilangan ng League of Provinces of the
Philippines, League of Vice Governors of the Philippines, League of Cities
of the Philippines, Vice Mayors League of the Philippines, Philippine
Councilors League, provincial Board Members League of the Philippines,
National Movement of Young Legislator at Liga ng mga Barangay sa Pilipinas.



Pinangunahan ni Alkalde Mayor Herbert Bautista, pambansang pangulo ng League
of Cities of the Philippines ang panunumpa ng kanyang grupo. Si Bise Alkalde
Isko Moreno ng Maynila naman ang nanguna sa Vice Mayors League of the
Philippines.



Kasama ng Pangulo sa Manila Hotel sina Kalihim Manuel Roxas II ng Kagawaran
ng Interyor at Lokal na Pamahalaan at Kalihim Corazon “Dinky” Soliman ng
Kagalingang Panlipunan at Kaunlaran.



Pagkatapos manumpa ang pamunuan ng mga liga ng lokal na pamahalaan, tumuloy
ang Pangulo sa Fiesta Pavilion ng nasabi ring otel para naman daluhan ang
pangkalahatang kapulungan ng LMP sa taong kasalukuyan.



Nagdaraos ang LMP ng taunang pangkalahatang kapulungan na dinadaluhan nang
mahigit na isang libong alkalde sa buong bansa. Sa pulong na ito itinatakda
ng Lupong Tagapagpaganap ng LMP ang mga layunin nito at tinatalakay ang mga
isyung may kaugnayan sa liga. Ito rin ang pagkakataon na ang Pangulo ay
makipag-ugnayan sa mga alkalde sa buong bansa. PND (jb/zaf)

































Nagpugay ang Malacanang sa OFWs dahil sa ‘record
remittance’






























 






























Nagpugay at pinasalamatan ng Malakanyang ang Overseas
Filipino Workers (OFWs) dahil sa remittances (perang ipinauwi sa bansa) na
malaki ng pitong porsiyento kaysa noong nakraang taon.



Sa pulong balitaan sa Malacanang Martes, sinabi ni Kalihim Herminio Coloma,
Jr. ng Presidential Communications Operations Office na kabuuang P23 bilyon
ang naipauwi ng mga OFWs noong 2013 na malaki kaysa sa P21.4 bilyon noong
2012.



“Nagpupugay kami at nagpapasalamat sa ating Overseas Filipino Workers sa
halos pitong porsiyentong itinaas ng ipinadala nilang pera noong Enero 2014
kaysa sa katulad ding panahon noong 2012. Umabot sa P23 bilyon na halos 7.4
porsiyento ang naragdag kaysa sa P21.4 bilyon noong 2012,” sabi ni Kalihim
Coloma.



“Kinikilala ng pamahalaan ang halaga ng mga perang ipinauuwi (remittances)
ng OFWs sapagka’t ito ay nagiging daan para maragdagan ang ating foreign
currency reserves na nag-papasigla ng consumer spending na malaking suporta
sa pangkalahatang paglago ng ekonomya,” dugtong ni Coloma.



Idinugtong ni Coloma na sa pamamagitan ng Philippine Overseas Employment
Agency, patuloy na isinusulong ng pamahalaan ang mga programang lilikha at
magiging daan ng pagdaragdag ng pagkakataong magkaroon ng hanapbuhay ang mga
propesyonal at skilled workers na Pilipino.



“Ito ay kaagapay naman ng mga kauring program sa ating bansa na paglikha ng
trabaho na higit na may malaking suweldo sa manufacturing,” paliwanag ni
Coloma.



Bukod dito, sabi ni Coloma, puspusan din ang pagpapatupad ng Kagawaran ng
Paggawa at Hanapbuhay sa P2 bilyong national reintegration program na
pinamamahalaan ng Overseas Workers Welfare Administration na nakalikha na ng
4,000 trabaho para sa mga umuuwing OFWs sapul nang ilunsad ang programang
ito.



“Sa pamamagitan ng Land Bank of the Philippines, ang programang ito ay
nakapaglabas na ng kabuuang pautang na halagang P632.5 milyon. Karamihan sa
halagang ito ay ginamit na puhunan sa iba-ibang negosyo tulad ng general
merchandising, water purifying stations, groceries, auto supply, hardware,
trucking at ready-to-wear na mga damit, bukod pa sa mga gawaing may
kaugnayan sa pagsasaka na tulad ng negosyo ng bigas, pagbababuyan, manukan,
pagtitinda ng mga gamit sa pagsasaka, panaderya, pagtatanim punong namumunga,
paggugulayan, kalakalan ng kopra at pag-iisa,” sabi pa ni Coloma’



“Ito ang katunayan ng patakaran ng Pangulong Aquino na isang pamahalaang
lumilikha ng trabaho sa tahanan mismo upang ang pagpunta sa ibang bansa
upang magtrabaho ay hindi kailanganin maliban kung talagang gusto lamang ng
sino mang Pilipino,” dugtong ni Coloma at sinabi pang kung marapatin ng
isang Pilipino na maging overseas Filipino worker, ang kanilang karapatan at
kapakanan ay pangangalagaan ng pamahalaan. PND (rck/zaf)

































Gagantimpalaan ang mabuting pamamahala, sabi
ni Aquino sa mga lokal na pamahalaan






























 






























Hinamon ng Pangulong Benigno S. Aquino III ang mga lokal
na pamahalaan na pagbutihin pang lalo ang kanilang paglilingkod at ituloy
ang mabuting pamamahala at tiniyak na gagantimpalaan ng pambansang
pamahalaan sa pamamagitan ng Seal of Good Governance ng Kagawaran ng
Interyor at Lokal na Pamahalaan.



Sa pagsasalita sa may 1,500 pinuno ng lokal na pamahalaan sa pangkalahatang
kapulungan ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) sa Fiesta
Pavilion ng Manila Hotel Martes, binigyang diin ng Pangulo ang halaga ng
patuloy na matapat at mabuting pamamahala ng mga lokal na pamahalaan na
mahalagang papel ang ginagampanan sa pagsulong ng ekonomya at pagpawi sa
karalitaan.



“Kayo ang nasa lokal na pamahalaan. Kayo ang may malalim na pag-unawa sa mga
pangangailangan ng inyong mga kababayan. Kayo ang nasa magandang posisyon
para gumawa ng mga kongkretong hakbang upang tugunan ang mga ito,” sabi ng
Pangulo sa mga alkalde ng bayan.



“Ang gusto ko pong bigyan ng diin: Ang Performance Challenge Fund ay para sa
lahat ng gustong tuparin ang kanilang pangako bilang lingkod-bayan. Hindi po
kailangan ng palakasan at papogihan. Hindi ninyo kailangang sumipsip para
mabigyan ng Performance Challenge Fund,” tahasang wika ng Pangulo sa mga
kaharap na alkalde na ang tinutukoy ay ang insentibong ibinibigay sa mga
LGUs na nakapapasa sa Seal of Good Governance.



Sinabi ng Pangulo na noong nakaraang taon, umabot sa 719 lokal na pamahalaan
ang nabigyan ng Performane Challenge Fund na umabot sa kabuuang isang
bilyong piso ang halaga.



Binigyang diin ng Pangulong Aquino na ang insentibong ito ay ibinibigay
hindi lamang sa mga kapanalig, kundi sa lahat ng LGUs na nakapapasa sa mga
tuntunin ng good housekeeping.



“Kahit saang partido pa kayo nanggaling, basta nagpakitang gilas kayo sa
serbisyo at tapat na sumusunod sa mga patakaran, mabibigyan kayo ng
kaukulang pondo at insentibo upang maiangat pa ang pamumuhay ng inyong mga
nasasakupan,” paliwanag ng Pangulo.



Iniulat din ng Pangulo na aabot sa kabuuang 1,372 lokal na pamahalaan o
halos 84 porsiyento ng kabuuang bilang ng LGUs ang nakaalinsunod sa
kaukulang mga tuntunin ng good housekeeping.



Dahil dito, hinamon ng Pangulo ang nalalabing 20 porsiyentong sikaping
makabilang sila sa kabuuang bilang ng LGUs na nakasunod na sa mga tuntunin
ng good housekeeping.



“Sa bawa’t isa sa ating mga LGU: Sana naman po ay hindi lamang minimum ang
ating habulin. Sa halip, talaga pong ibuhos natin ang lahat ng ating
makakaya upang pagharap natin sa kanya-kanyang mga salamin ay masabi
nating:’Tinupad ko ang aking sinumpaang tungkulin; naging bahagi ako ng
pagbabago; tapat akong naglingkod sa kapuwa ko Pilipino,” mariing wika ng
Pangulo.



Ang pangkalahatang kapulungan ng LMP sa taong ito ay dinaluhan ng 1,228
alkalde ng mga bayan sa iba-ibang lalawigan at lungsod ng bansa. PND (jb/zaf)

































Naalinsunod sa batas ang pamamalagi ng
Pilipinas sa Ayungin Shoal—Palasyo






























 






























Naalinsunod sa batas ang pamamalagi ng bansa sa Ayungin
Shoal sa kabila ng pahayag ng Tsina na sinasaklaw ng Pilipinas ang kanilang
hurisdiksiyon sa South China Sea o West Philippine Sea.



Ito ang naging tugon ni Kalihim Herminio Coloma, Jr. ng Presidential
Communications Operations Office at binanggit ang isang pahayag ng Kagawaran
ng Ugnayang Panlabas na may petsang Marso 14 tungkol sa isyung ito.



Iniulat na binabalaan ng Tsina ang Pilipinas na talikuran na ang paghahabol
sa Ayungin Shoal at sinabi pa ng tagapagsaltia ng Ugnayang Panlabas nila na
sila ay naka-high alert sa Pilipinas at malamang gumamit na ng provocative
acts sa South China Sea.



“Ang BRP Sierra Madre. bapor ng Hukbong Dagat ng Pilipinas, ay itinalaga sa
Ayungin Shaol noong 1999 upang maging palagitang istasyon ng pamahalaang
Pilipino bilang sagot naman sa ilegal na pagsakop ng Tsina sa Mischief Reef
noong 1999. Ito ay bago pa nilagdaan ang Declaration of Conduct of Parties
in the South China Sea noong 2001.” Paliwanag ni Coloma sa mga reporter sa
pulong balitaan sa Malakanyang sa binasang pahayag ng DFA.



Ayon kay Coloma, inulit ng Pilipinas na ang Ayungin Shoal ay bahagi ng
continental shelf kung saan ang bansa ay may sovereign rights at
hurisdiksiyon.



“Iyan po ang malinaw na posisyon ng ating pamahalaan. Lahat naman po ng
pagkilos natin diyan ay ayon sa batas internasyonal at naaayon din sa ating
patakarang idaan sa mapayapa at diplomatikong paraan ang paglutas sa gusot
na ito sa teritoryo,” sabi ni Coloma.



Binabalaan ng Tsina ang Pilipinas sa ano mang probokasyon sa West Philippine
Sea pagkaraang ang dalawang bapor sibilyan ng mga Pilipino ay itaboy sa
Ayungin Shoal na tinanggihan naman ng Tsina.



Ang marines shelter ng mga Pilipino ay nasa kinakalawang nang bapor na noon
pang Ika-2 Digmaang Pandaigdig ginamit, ang BRP Sierra Madre na nasadsad sa
Ayungin Shaol noong 1999 nang sakupin ng Tsina ang Mischief Reef noong 1995.



Inaangkin ng Tsina ang buong South China Sea sa bisa ng kanilang nine-dash
line na isinama pati ang mga bahagi ng Philippine 200-nautical mile
exclusive economic zone.



Dahil sa walang nangyari sa sinikap na maayos na paglutas sa gusot,
minarapat ng Pilipinas na idulog ang kaso laban sa Tsina sa United Nations
International Tribunal on the Law of the Sea subali’t ayaw namang dumalo ng
Tsina sa pagdinig. PND (as/zaf)
































 






























 






























 






























 






























 

No comments:

Post a Comment