Tuesday, March 26, 2013

Tagalog news: Police visibility mas pa-iigtingin pa ngayong bakasyon


1.   Tagalog news: Police visibility mas pa-iigtingin pa ngayong bakasyon




LUNGSOD NG LUCENA, Quezon, Marso 23 (PIA) --Mas paiigtingin ngayon ang gagawing pagbabantay ng Quezon Police Provincial Office (QPPO) sa ilalim ng pamumuno ni PSSupt Dionardo B Carlos sa mga matataong lugar sa Quezon sa darating na bakasyon kung saan inaasahan ang pagdagsa ng mga tao sa mga tourist spots ng Quezon at iba pang mga lugar na dinarayo kapag bakasyon.

Bilang paghahanda, noong ika-20 ng Marso 2013, ipinatawag PD Carlos ang ilang hepe ng kapulisan, kabilang ang Lucban, Dolores, Tiaong, Candelaria, Sariaya, Pagbilao, Atimonan, Plaridel, Gumaca, Lopez, Unisan, Padre Burgos, Agdangan, General Luna, Catanauan, Tayabas, Lungsod ng Lucena at Company Commander ng Quezon Police Public Safety Company (QPPSC) upang maging handa at mas paghusayin ang pagbabantay sa mga lasangan, tourist spots, dalampasigan, pamilihan at ilang mga lugar kung saan dumarayo ang maraming tao.

Kabilang sa mga paalala ni PD Carlos ay ang pagsigurado ng mabilis na paglalakbay ng mga byahero na dadaan sa Maharlika Highway kung saan nagbigay siya ng ilang panukala o suhestyon upang mas gumaan ang daloy ng trapiko.

Ilan sa mga direktiba ni PD Carlos sa mga hepe ng Quezon ay ang pagtatalaga ng sapat na bilang ng mga pulis sa Public Assistance Centers (PAC), Motorist Asssitance Centers (MAC), ang pagpapatrolya at pagbuo ng isang checkpoint lalo na sa mga lugar kung saan mataas ang insidente ng krimen, ang paglalagay ng tourist police sa mga dalampasigan at ilang lugar na dinarayo ng mga turista gayundin ang pakikipag-ugnayan sa mga katuwang na ahensya gaya ng Bureau of Fire, ilang Non Government Organizations at ilang managers ng commercial establishments upang matiyak ang kaligtasan ng mga tao sa kani-kanilang lugar.

Isa rin sa kanyang binigyang pansin ay ang pagtatalaga ng pina-igting na police visibility sa mga simbahan, daungan, plaza, terminals at ilang tourist destinations at ang pakikipag-ugnayan sa mga tricycle, jeepney at bus draybers upang mapanatili ang kaayusan sa lansangan.

Hinihikayat din niya ang mamamayan na maging alisto at ipagbigay alam ang alinmang kaganapan o katauhan na kahinahinala sa kani-kanilang lugar at ipagbigay alam lamang sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya. (RMO- PIA-Quezon / may ulat mula sa QPPO)

No comments:

Post a Comment