Sunday, September 15, 2013

PIA | Tagalog news: 500 wheel chairs, ipinamahagi sa mga nangangailangan

LUNGSOD NG LUCENA, Quezon, Set. 13 (PIA) -- Ang Rotary Club mula sa Estados Unidos at Canlubang, Laguna ay namahagi kamakailan ng 500 wheel chairs sa mga taong nangangailangan sa lungsod at karatig bayan.


Sinabi ni William “Bill” Bidden ng RC 7670 ng North Carolina at team leader ng wheel chair distribution na dumating sila sa Pilipinas, partikular sa Lucena at lalawigan ng Quezon, ito ay upang ipakita umano kung paano manilbihan ang mga Rotarian sa mga taong nangangailangan.


Idinagdag din nito na siya ay napamahal na sa mga Pilipino kaya’t sa Pilipinas niya nais magdala ng paninilbihan.


Sinabi naman ni Immediate Past President ng Rotary Club ng Cabuyao circle na si Liezel Castro Ampatuan na pangalawang beses na nilang isinagawa ang ganitong programa at ninais ng kanilang grupo na sa Quezon naman dalhin ang programang ito dahil sa tingin nila ay marami rin ang nangangailangan ng ganitong kagamitan.


Ang mga wheel chair na nagkakahalaga ng may $500 bawat isa ay isa-isang ipinamahagi ng Rotary Club Lucena South kasama nina Mayor Roderick DonDon Alcala at dating Congressman Irvin Alcala sa mga mapapalad na mamamayan ng lungsod at mga karatig bayan nito gaya ng Tayabas, Pagbilao at Sariaya.


Lubos naman ang ginawang pasasalamat ng lahat ng mga taong nabiyayaan ng libreng na wheel chair.(RMO, PIA-Quezon/ PIO Lucena)

No comments:

Post a Comment