Wednesday, January 1, 2014

Presidential Communications Operations Office - Balitang Malacanang

Presidential Communications Operations Office - Balitang Malacanang
26 DECEMBER 2013






Tagatangkilik ng pelikulang Pilipino ang Pangulong Aquino

Ipinakita ng Pangulong Benigno S. Aquino III ang malasakit niya sa pelikulang Pilipino sa pamamagitan ng panonood ng isa sa mga pelikulang kalahok sa Metro Manila Film Fesrival (MMFF) sa taong kasalukuyan.

Pasko nang panoorin ng Pangulo ang pelikulang My Little Bossings na itinatampok ang kanyang pamangkin na si Bimby at ang kapatid na TV-host at artistang si Kris Aquino.

Sinabi ni Briccio Santos, tagapangulo ng
Film Development Council of the Philippines, na ang 2013 ay “pambihirang taon” para sa mga gumagawa ng pelikulang Pilipino dahil sa paraming pelikulang matataas na uri ang nagawa, lalo na sa Sineng Pambansa “na tumipon sa mga pinakadalubhasa na may kanya-kanyang bagong masterpieces.”

Binigyang diin ni Santos na ang pelikulang Pilipino ay kinikilala na sa pandaigdig na tanghalan ng ikapitong sining.

“Umaasa kami na sa 2014 ay magiging higit na tagumpay ng pelikulang Pilipino habang ating pinamamalagi ang pambihirang pitak sa puso at diwa ng mga tagatangkilik sa loob at labas man ng bansa,”dagdag pa ni Santos.

Naka-polo na dark blue ang Pangulong Aquino nang dumating sa SM Manila dakong ikaapat ng hapon, kasama sina Kris, Bimby, Joshua at ang batang artistang si Ryzza Mae Dizon.

Naupo ang Pangulo sa pagitan nina Bimby at ng panganay na anak ni Kris na si Joshua habang pinanonod ang pelikula.

Sa panayam kay Kris, sinabi nito na ipinagkakapuri niya ang unang pelikula mg kanyang anak na isa sa pinakamalaki ang kinita sa unang araw pa lamang ng MFFF.

Bukod sa pamilya ni Kris, kasama rin na nanood at nasiyahan ang pamilya ng ilang tauhan ng Presidential
Security Group na inanyayahang manood ng nasabing pelikula.

Pagkatapos ng panonood ng pelikula, ang mga bata at kaanak ng mga ito ay nagkaroon ng pagkakataong magpakuha ng larawan, kasama ang Pangulo.

Nakita pang kinarga ng Pangulo si Ryzza na naging malapit sa pamangkin niya sa pagsisiyuting nila. Nasabi na ni Kris na ibig niyang magkaroon ng isa pang pelikula ang kanyang anak at ang walong taong gulang na batang babaing artista.

Ang panonood ng sine ay isa sa bahagi ng pagpapahinga ng Pangulo na payo sa kanya ni Kalihim Enrique Ona ng Kalusugan.

Ika-39 taon na ng MMFF sa taong ito. Itinatampok dito ang walong pelikulang Pilipino na ipalalabas sa lahat ng teatro sa buong Metro Manila mula Pasko hanggang Enero 8. Ang iba pang kalahok sa MMFF ay ang “Kimmy Dora (Ang Kiyemeng Prequel); Girl, Boy, Bakla, Tomboy; 10,000 Hours; Boy Golden; Shoot-to-Kill; Pedro Calungsod; Batang Martir; Pagpag Siyam na Buhay at Kaleidoscope World.

Ang Manila Film Festival ay nagsimula sa dating Pista ng Pelikulang Pilipino noong 1966 nang pasimulan ng noon ay Gatpuno Antonio J. Villegas kung saan iniutos niyang sa loob ng dalawang linggo ay pawang pelikulang Pilipino lamang ang ilalabas sa mahigit na 100 sinehan sa buong Maynila. Noon, tatatlong sinehan, Life, Dalisay at Illussion lamang ang nagpapalabas ng pelikulang Pilipino dahil ang malalaking sinehan ay pawang pelikulang dayuhan ang ipinalalabas. Noong 1976, ginawa nang Metro Manila Film Festival ito at sa lahat ng sinehan sa buong Metro Manila, pelikulang Pilipino lamang ang itatanghal. Noon nagsimula angwalang katulad na pag-unlad at paglaganap ng pelikulang Pilipino hanggang sa ibayong dagat. PND (jb/zaf)

Tatapusin ng Pangulong Aquino ang Philippine Development Plan at hindi aalintanahin ang resulta mga survey, wika ni Coloma

Matatag ang paninindigan ng Pangulong Benigno S. Aquino III at ang mga kagawad ng Gabinete na ipagpapatuloy at tatapusin nila ang mga pangunahing programa ng Philippine Development Plan ano man ang resulta ng mga survey, sabi ni Kalihim Herminio “Sonny” Coloma, Jr.

“Tulad nang binigyang diin ng Pangulo, gagawin namin ang wasto para sa ating mga mamamayan at sisikaping maging katuparan ang kanilang pangarap na higit na magandang kinabukasan,” sabi ni Coloma sa pulong-balitaan sa Malacanang Huwebes matapos lumabas ang Fourth Quarter 2013 Social Weather Stations Survey (SWS).

Salig sa Fourth Quarter 2013 SWS Survey na inilathala ng BusinessWorld karamihan sa mga Pilipino ang nananatiling nasisiyahan sa pagtupad ng Pangulong Aquino sa tungkulin nito. Ang naturang fourth quarter survey ay ginawa buhat Disyembre 11 hanggang 16 nang kaharap ang 1,500 may sapat na gulang na mamamayan.

Ang net satisfaction score ng Pangulong Aquino sa SWS survey ay good +49 na ang 69% ang nagsabing nasisiyahan sila sa paraan ng pagsasakatuparan ng Pangulo sa kanyang gawain at 21% naman ang iba ang palagay.

Hindi ito nagbago buhat sa ginawa tatlong buwan na nakararaan, bagaman ang ilang tinanong—19 porsiyento ang nagpahayag na hindi sila nasisiyahan, samantalang 68% naman ang positibo ang pananaw.

Ang resulta ng ikaapat na kuwarter ay nagbigay sa Pangulo ng iskor na very good +55 para sa buong taon mula noong 2011 at 2012 na very good +53. Nakakuha ang Pangulo ng very good +62 sa unang taon niya bilang Punong Tagapagpaganap ng bansa. PND (js/zaf)

Puspusang gagawin ng administrasyon ang pagbabagong tatag ng sinalanta ng 'Yolanda'

Bagaman ikinalulugod ng Pangulong Benigno S. Aquino III ang good net satisfaction ratings niya sa ikaapat na kuwarter ng 2013, ang administtrasyong Aquino ay mananatiling nakatuon sa mga dapat gawin, lalo na sa rehabilitasyon ng mga pook na malubhang sinalanta ng napakalakas na bagyong "Yolanda" (Haiyan).

Sinabi ni Kalihim Herminio “Sonny” Coloma, Jr. ng Presidential Communications Operations Office na alam ng pamahalaan ang maraming dapat gawin para patuloy na tulungan ang mga taong nasalanta ng bagyong Yolanda upang sila ay makabangon sa dinanas na pinsala.

“Siyempre kung iyan ang opiniyon, tinatanggap namin ang pasiya. Nguni’t isinasaalang-alang pa rin natin na napakalaki ng dapat na gawing programa,” sabi ni Coloma.

Lumitaw sa survey ng Pollster Social Weather Station mula Disyembre 11 hanggang 16 na 69 porsiyento ng mga Pilipino ay nasisiyahan sa pagtupad ng Pangulong Aquino sa tungkulin niya, samantalang 21 porsiyento ay hindi. Dahil dito ay good +49 net rating ang nakuha ng Pangulo.

Binigyang diin ni Coloma na hindi lingid sa pamahalaan ang mabibigat na hamon na kaakibat ng pagsasagawa ng mga programa sa rekostruksiyon sa mga pook na sinalanta ni Yolanda na nag-iwan pa ng mahigit na 6,100 patay.

“Marami pa tayong dapat lakdawang mga hamon at pagsubok sa pagpapatupad ng mga programa ng rekostruksiyon at rehabilitasyon,” sabi ni Coloma.

Idinugtong niya na ang resulta ng survey ay palatandaang ang Pangulong Aquino ay hindi apektado ng mga pilantik sa pamahalaan sa ginagawa nitong rehabilitasyon sa sinira ni Yolanda.

Ang resulta ng survey ay nagpapahiwatig na hindi apektado ang Pangulo ng mga pagpuna kaugnay ng standoff sa Lungsod ng Zamboanga noong Setyembre at ng napakalakas na 7.2 lindol sa Bohol noong Oktubre. PND (jl/zaf)

Ang Pangulong Aquino ang magpapasiya kung mananatili sa Gabinete ang sino mang kalihim, sabi ni Coloma

Tanging ang Pangulong Benigno S. Aquino III ang may karapatang magpasiya kung tatanggapin o hindi ang pagbibitiw sa tungkulin ng mga kagawad ng kanyang Gabinete.

Ito ang binigyang diin ni Kalihim Herminio “Sonny” Coloma, Jr. ng Presidential Coommunications Operations Office at idinugtong na nakatakdang mag-usap ang Pangulong Aquino at si Kalihim Carlos Jericho Petilla ng Enerhiya.

“Ang Pangulo ay may tanging kapangyarihan upang magpasiya kung sino ang nais niyang makasama sa Gabinete kaya bawa’t kagawad ng Gabinete ay naglilingkod nang alinsunod sa nais at lubos na tiwala ng Pangulo,” sabi pa ni Coloma sa pulong balitaan sa Malakanyang .

Sinabi ni Coloma na ang lahat ay dapat umalinsunod sa performance contracts.

Ayon kay Coloma, sinabi sa kanya ni Petilla na luluwas ito sa Maynila upang makipagkita sa Pangulo ngayong hapon.

Sinabi ni Petilla na tutuparin niya ang pagbibitiw sa tungkulin kapag hindi niya naibalik ang koryente sa mga pook sa Kabisayaan na sinalanta ng napakalakas na bagyong Yolanda noong Nobyembre 8.

“Sa aking personal na nasaksihan bilang kasama sa Gabinete, nakita ko sa kanya ang isang taong propesyonal sa pagkilos,” dugtong ps ni Coloma.

Idinagdag pa ni Coloma na sinabi sa kanya ni Petilla na “na hindi ako quitter at hindi ko tinatalikuran ang ating nga kababayan. Subali’t ako ay nangako.”

“Para sa akin, iyan ay kahanga-hangang deklarasyon ng isang lingkod ng bayan,” sabi ni Coloma.

Sa kabilang dako, sinabi ni Coloma na hindi pinintasan ng Pangulong Aquino si Petilla sa puspusang pagsisikap nito na maibalik ang koryente sa mga pook na sinalanta ng kalamidad.

Bukod dito, ang pinsalang idinulot ng Yolanda ay malawakan at hindi bababa sa 250 transmission towers ng National Grid Corporation ng Pilipinas ang iwinasak nito.

Nangako si Petilla na mababalik ang koryente Disyembnre 24 sa hangaring kahit paano “mabawasan ang matinding dalamhati ng mga taga-Leyte at upang ipakita ang kanyang puspusang pagsisikap na maayos ang bagay na ito.

Si Petilla, ayon kay Coloma, bago itinalagang Kalihim ng Kagawaran ng Enerhiya ay siyang gobernador ng lalawigan ng Leyte. PND (jl/zaf)

Gagawin ng pamahalaan ang nararapat laban sa 'Mexican drug cartel' sa bansa

Tiniyak ng Malacanang sa sambayanang Pilipino Huwebes na gagawin ang karampatang mga hakbang upang masugpo ang Mexican drug cartel na nagparamdam na sa Pilipinas.

Binigyang diin ni Kalihim Herminio “Sonny” Coloma, Jr. ng Presidential Communications Operations Office na katungkulan ng mga alagad ng batas na dakpin ang sino mang lumalabag sa mga batas upang pangalagaan ang sambayanan.,

“Siyempre po, pag-iibayuhin ang pagsisikap para masabat o mahuli ang mga lumalabag sa batas, pigilin ang kanilang krimen at pangalagaan ang kapakanan ng mga mamamayan,” sabi pa ni Kalihim Coloma sa pulong balitaan Huwebes.

Una rito, inihayag Huwebes ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nakapasok na sa Pilipinas ang kinatatakutang Sinoloa drug syndicate ng Mexico.

Ibinunyag ng puno ng PDEA Arturo Cacdac, Jr. ang bagay na ito matapos ang pagsalakay sa Batangas kung saan nasamsam nila ang 84 kilos ng methamphetamine hydrochloride o shabu na ang kabuuang halaga ay P420 milyon. PND (jl/zaf)

No comments:

Post a Comment