Tuesday, November 26, 2013

PIA | Tagalog news: Business opportunities forum idinaos para sa mga kooperatiba

PIA | Tagalog news: Business opportunities forum idinaos para sa mga kooperatiba



Tagalog news: Business opportunities forum idinaos para sa mga kooperatiba

By: Ruel M. Orinday
Tuesday 26th of November 2013
 
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon, Nov. 26 (PIA) --Nagdaos kamakailan ng business opportunities forum ang panlalawigang tanggapan ng Department of Trade and Industry (DTI) at ang Quezon Federation and Union of Cooperatives (QFUC) na dinaluhan ng mga miyembro ng  93 kooperatiba sa lalawigan ng Quezon.

Sinabi ni Pablito Budoy ng DTI-Quezon na layunin ng pagtitipon na ng mabigyan ng mga kaalaman ang mga kooperatiba upang sila ay magkaroon ng pagkakakitaan sa darating na taon (2014).

Binanggit ni Budoy na ang  mga negosyo na maaaring paglagakan ng puhunan ng mg kooperatiba ay ang pagtatanim ng kawayan, rubber tree,  kape na bibilhin ng Nestle Philippines, pangasius, stingless bee para sa produksyon ng honeybee, coco coir production at kalakip nito ay ang pagpaparami ng vitiber, gayundin ang pagbebenta ng raw materials para sa Chamber of Furniture Industries of the Philippines.

Ang DTI-Quezon, ayon kay Budoy, ay magbibigay ng technical assistance sa mga interesadong magnegosyo. 

"Hindi lamang ang kooperatiba ang magnenegosyo, maaari ding magnegosyo ang mga miyembro ng kooperatiba na pahihiramin ng puhunan ng kooperatiba," sabi ni Budoy.

Kaugnay nito, ang  mga magtatagumpay na kooperatiba ay maaaring humiling sa DTI-Quezon ng pasilidad na kakailanganin upang mapabilis ang kanilang produksyon.  Sa ilalim ng Shared Services Facility (SSF), ang DTI ay nagpapahiram ng mga kagamitan ng walang kabayaran ngunit maaari itong bawiin kung ito ay pababayaan o hindi gagamitin.

Ang Tagkawayan Agos ng Pag-asa multi-purpose cooperative ay isa sa mga nakatanggap ng SSF. Sa pamagitan nito, may 250 kilogramo ng dalanghita ang nakakatas nila sa kulang kulang na 2 oras, hindi katulad noong wala pa silang SSF na inaabot ng buong maghapon.

Marami pang ibang napagkalooban ng SSF na may kabuuang halaga na mahigit pa sa P20 milyon.  Ilan dito ay para sa meat at fish processing, buri products manufacturing, coco coir village decorticating, virgin coconut oil processing, dairy processing,  dalanghita processing at bamboo processing.

Naging bahagi rin sa forum ang pagbibigay ng updates ni Cooperative Developmtn Authority regional director Salvador Valeroso at Bureau of Internal Revenue officer Marlon Cabance. (RMO, PIA-Quezon)

No comments:

Post a Comment