Thursday, November 28, 2013

Presidential Communications Operations Office - Balitang Malacanang

Presidential Communications Operations Office - Balitang Malacanang 

28 NOBYEMBRE 2013





Inatasan ng Pangulong Aquino ang mga ahensiya ng pamahalaan na sikaping huwag nang maulit ang pinsalang nilikha ng ‘Yolanda’

Pinakilos ng Pangulong Benigno S. Aquino III ang mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na gawin ang karampatang hakbang para hindi na maulit ang pagkaputi ng mga buhay at napakalaking pinsalang likha ng lupit ng Kalikasan na tulad ng napakalakas na bagyong “Yolanda” (Haiyan).

Sa pulong-balitaan sa Malacanang Huwebes, sinabi ni Kalihim Herminio “Sonny” Coloma, Jr. ng Presidential Communications Operations Office na bukod pa ito sa pagpapatibay ng Pangulo sa mga mungkahi ng mga kagawad ng Gabinete na mga kaukulang hakbang na dapat gawin makaraan ang pananalanta ng Yolanda sa Kabisayaan at Timog Luzon.

“Uunahing harapin din ang tulong pangkabuhayan sa mga magsasaka at mangingisda dahil sa malubhang pinsala sa pananim at mga puno ng niyog, bukod pa sa hindi makapangisda dahil sa ibinunga ng bagyo,” paliwanag ni Coloma.

Pupulungin uli ng Pangulo ang Gabinete Biyernes ng hapon upang ipagpatuloy ang talakayan tungkol sa mga panukalang rehabilitasyon at pagbabagong tatag sa mga pook na napinsala.

Sa panukalang ito ay kasama rin ang mga dapat gawin sa Bohol, Zamboanga at sa Gitnang Luzon na napinsala naman ng bagyong Santi.

Sinabi ni Coloma na ang panukalang supplemental budget para rito ay P38.8 bilyon, na halos 80 porsiyento para sa paggawa ng mga nawasak na mga bahay at pagkukumpuni ng mga silid-aralan, pagamutan, pamilihang bayan at mga gusali pamahalaang bayan at tanggapan ng pamahalaan.

Ayon kay Coloma ang mga sumusunod ang utos ng Pangulo:

-- Kay Kalihim Mario Montejo ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya: ayusin ang listahan ng mga bayan at lungsod na pinakamalubhang nasalanta para unahin sa rehabilitasyon at rekostruksiyong gagawin, batay sa 50-km radius na sakop ng pagkilos ng mata ng Bagyong “Yolanda.” Ang pinakapuyo ng “Yolanda” ay may hanging hanggang 250 kph ang lakas na may kasamang malakas na daluyong ng naglalakihang alon.

-- Kay Kalihim Ramon Paje ng Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Kayamanan: maglabas ng detalyadong Memorandum Order para sa pagpapatupad ng No-Build Zones. Ito ay pagbabawal sa pagtatayo ng gusali sa loob ng tatlong metro sa
urban areas, 20 metro sa mga pook na sakahan; at 40 metro naman sa mga pook ng kagubatan.

. -- Inatasan din ang DENR na iutos ang pagtatanim ng mga bakawan sa mga baybayin ng mga lalawigan ng Leyte at Samar, gayundin sa iba pang apektadong pook.

. --- Kina Kalihim Joseph Abaya (Trasportasyon) at Rogelio Singson (Pagawaing Bayan) na unahin ang pagkukumpuni sa Paliparan ng Tacloban na itinuturing na sentro ng trasportasyon sa Silangang Kabisayaan.

Iniutos din sa dalawa na pag-aralan ang pagtatayo ng “all-weather airport” kaugnay ng programa ng DPWH na gawing matatag ang mga istraktura.

-- Sa lahat ng mga ahensiya ng gobyerno: magharap sa DOST at DPWH ng kompletong geo-tagging reports ng mga nawasak na gusali at pasilidad ng gobyerno na siyang gagawing saligan sa mga pangangailangan ngayong tapos na ang kalamidad, gayundin ang pagtaya at angkop na panukala sa rekostruksiyong dapat na gawin.

-- Sa Grupo ng DOST at Komunikasyon: Pagbutihin ang mga programang ukol sa komunikasyon, edukasyon at impormasyon sa pamamagitan ng mga kagamitan ng media ng pamahalaan.

Binanggit ni Coloma ang sinabi Montejo na sa pagpapatalastas tungkol sa mga panganib na dala ng naglalakihang daluyong hindi maaaring itulad ang daluyong sa tsunami sapagka’t malaki ang pagkakaiba ng mga ito, kabilang na rin ang oras ng paghahanda na dapat gawin.

“Niliwanag ni Montejo na ang daluyong (storm surge) ay nangangailangan ng maayos na paglilikas na maaaring gawin sa loob ng 24 hanggang 48 oras na paghahanda, samantalang ang tsunami alert naman ay mabilisang paglilikas ang kailangan dahil maaaring 30 minuto o kalahating oras lamang ay magka-tsunami na,” wika ni Coloma.

Ayon kay Coloma, iniutos din ng Pangulong Aquino ang paglalabas ng Memorandum Circular No. 59 na nag-aatas sa lahat ng istitusyong pinansiyal ng pamahalaan (GFIs) na bigyan ng anim na buwang moratoryom ang mga utang na dapat bayaran sa kanila.

Idinugtong ni Coloma na sabi ng Pangulo, pautangin din nang walang interes ang mga taong nasalanta ng “Yolanda.”

Saklaw ng kautusang ito ng Pangulo ang: Land Bank of the Philippines, Development Bank of the Philippines, Government Service Insurance System, Social Security System, National Home Mortgage Finance Corporation (Pag-IBIG), People’s Credit and Finance Corp., Philippine Postal Savings Bank, Philippine Retirement Authority, Quedan Rural Credit and Guaranty Corporation, United Coconut Planters Bank. PND

Bumalik sa Bohol ang Pangulong Aquino upang ispeksiyunin ang mga kinumpuning tulay na iwinasak ng lindol na 7.2 ang lakas

(LUNGSOD NG TAGBILARAN, Bohol) Bumalik dito ang Pangulong Benigno S. Aquino III Huwebes upang personal na ispeksiyunin ang mga kinumpuning tulay na winasak ng lindol na 7.2 ang lakas noong Oktubre 15.

Pagdating dito pinulong ng Pangulo ang mga kagawad ng Gabinete, kasama sina Gobernador Edgar M. Chato, ang mga pinuno ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council at ang mga lokal na pinuno sa Café Dolores, Bohol Tropics Resort Club sa Graham Avenue ng lungsod na ito.

Iniulat ng mga lokal na pinuno sa Pangulo ang nagawa na kaugnay ng sinisikap na rehabilitasyon ng mga pook sa Bohol na napinsala ng lindol.

Dakong ika-2:00 ng hapon nang sadyain ng Pangulo ang bayan ng Albuquerque upang makita ang nakumpuni nang Tulay ng Tagbuane na nasira ng lindol at hindi madaanan kaya nagdala ang Kagawaran ng Pagawaing Bayan at Pambansang Lansangan ng kagamitan para mailagay ang pansamantalang steel bridge.

Ang tulay na 39.624 metro ang haba ay sinimulang ayusin noong Oktubre 28 at nadaanan na noong Nobyembre 3, habang aayusin pa nang matagal-tagal ang paggawa sa tulay na nasira, gayundin ng mga lansangang dapat ding gawin.

Pagkatapos ispeksiyuhin ang Tulay ng Tagbuane, tumuloy ang Pangulong Aquino sa bayan ng Maribojoc upang tingnan naman ang Tulay ng Abatan doon.

Ito ang ikatlong pagdalaw ng Pangulo sa lalawigan ng Bohol sapul nang lumindol dito nang malakas noong Oktubre 15. PND (js/zaf)

'Political will' paiiralin ng Palasyo sa pagpapatupad ng 'no-build zones' sa baybay dagat na tatamnan ng bakawan

Dahil sa maraming buhay na naputi at nawasak na ari-ariang pambayan at pribado man dahil sa pananalanta ng napakalakas na bagyong “Yolanda,” tiniyak ng Malacanang na matatag na paninindigan ang paiiralin nila sa pagpapatupad ng no-build zones (walang papayagang magtayo ng bahay) sa napakamapanganib na mga pook sa baybaying dagat.

Ito ang tiniyak ni Kalihim Herminio “Sonny” Coloma, Jr. ng Presidential Communications Operations Office, na tutulungan ng pamahalaan ang mga mangingisda at taong bayan na maaaring maapektuhan ng hakbang na ito.

“Makatitiyak kayo na magiging matatag ang paninindigan ng pamahalaan sa pagpapatupad ng patakarang ito dahil sa napakaraming namatay at malaki ring pinsala ang iniwan ng Bagyong Yolanda, wika ni Coloma sa pulong-balitaan Huwebes sa Malacanang.

Binanggit ni Coloma ang data buhat sa Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Kayamanan na nagsasabing dapat matamnan ng bakawan ang mga pook, lalo na sa baybaying dagat, para mapangalagaan ito sa malalaking daluyong ng alon.

“Ang mga bakawang ito ay maaari ring maging tirahan ng mga hipon, alimasag, alimango, at iba pang crustaceans,” sabi ni Coloma.

“Kung napanatili lamang ang mga bakawang dati ay likas na tumutubo sa ating mga baybayin, marahil ay naiwasan ang gayong kalalim at kalawak ng kalamidad,” wika ng Kalihim.

Sinabi ni Coloma na tutulungan ng pamahalaan ang mga mangingisda sa nasabing mga pook at maaari ring gumawa ng mga daang-tubig para naman magamit nila sa pagtungo sa mga pook na pangisdaan.

Idinagdag ni Coloma na tutulungan ng gobyerno ang mga mangingisda at hindi sila pagbabawalang mangisda.

“Itatalaga lamang marahil ang malayu-layo sa dalampasigan dahil kailangan nating simulan na ang pagtatanim ng mga bakawan na mga punungkahoy na yumayabong sa mga
baybay-dagat.

Ipinaliwanag ni Coloma na ayon kay Kalihim Rogelio Singson ng Pagawaing Bayan, ang pagtatanim ng bakawan ay gagawin nang maayos para naman hindi mabawasan ang kita ng mga mangingisda.

Sa kabilang dako, sinabi ni Coloma na magiging mahinahon ang pamahalaan sa paghimok sa taong bayan sa mapapanganib na pook na lisanin na ang kanilang mga bahay roon.

“Daraanin naman po sa mahinahon at mahusay na pagpapaliwanag at pakikipag-usap upang kumbinsihin sila na para rin sa kanilang kabutihan at kapakanan kaya ginagawa ito. Nais ng pamahalaan na pangalagaan ang buhay at ari-arian ng mga tao kaya sila inilalayo sa panganib at kapahamakan,” dugtong pa ni Coloma. PND (jl/zaf)

Nakahanda ang Malacanang na patibayang kailangan ang panukalang 'supplemental budget'

Nakahanda ang Malacanang na patibayang kailangang-kailangan ang panukalang batas na magkakaloob ng P38.8 bilyong karagdagang budget sa 2014 na gagamitin sa rehabilitasyon ng mga sinalanta ng napakalakas na Bagyong “Yolanda.”

Sinabi ni Kalihim Herminio “Sonny” Coloma, Jr. ng Presidential Communications Operations Office na ang bagay na ito ay masasalig sa hakbang na gagawin ng dalawang kapulungan ng Kongreso tungkol sa naturang panukalang batas.

“Palagi naming binibigyang diin na nakahanda kaming gawin ang nararapat. Depende ito sa proseso nila,” wika ni Coloma sa pulong-balitaan sa Malacanang Huwebes.

Idinugtong niya na ang pagpapatibay na kailangang-kailangan ang panukalang batas ay kung may nalalabi pang mga araw ng sesyon at ang panukalang batas ay dapat mapagtibay sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa iisang araw lamang.

Ang legislative calendar ng ika-16 na Kongreso ay nagsasaaad na ang dalawang Kapulungan ng Kongreso ay may Christmas break sa Disyembre 21 hanggang Enero 19, 2014.

Idinugtong ni Coloma na kung patitibayan ng Pangulong Benigno S. Aquino III na urgent ang panukalang batas ay masasalalay ito sa aksiyon ng Kongreso.

“Handa ang Pangulo na gawin ang kailangan. Hinihintay natin ang hudyat na manggagaling sa Kongreso,” dugtong pa ng Kalihim ng PCOO. PND (jl/zaf)

Inispeksiyon ng Pangulong Aquino ang naayos nang tulay ng Abatan

(MARIBOJOC, Bohol) Inispeksiyon ng Pangulong Benigno S. Aquino III ang kinumpuning Tulay ng Abatan na nasira ng 7.2 lindol na yumanig dito noong Oktubre 15 bilang bahagi ng pagsisikap na manumbalik ang normal na kalagayan sa lalawigan ng Bohol.

Pagkaispeksiyon sa Tulay ng Abatan sa Barangay Lingkod dito, tiningnan naman ng Pangulo sa loob ng ilang sandali ang kalagayan ng trapiko.

Ang Tulay ng Abatan ang nag-uugnay sa mga bayan ng hilagang Bohol sa ulung-lungsod nito na Tagbilaran. Nadaanang muli ang tulay 18 araw pagkaraang masira ng lindol na malakas.

Tumuloy pagkatapos ang Pangulo sa kalapit na “Bgy. Lingkod Livelihood Product Center” kung saan ipinaalam sa kanya ni Kalihim Rogelio Singson ng Pagawaing Bayan at Pambansang Lansangan ang kalagayan ng iba pang ginagawang imprastraktura sa lalawigan.

Pag-alinsunod sa utos ng Pangulo, si Singson ay nagpadala agad ng mga inhinyero rito upang tayahin ang structural integrity ng mga istraktura sa lalawigan.

Ang puspusang pag-aayos sa nasirang Tulay ng Abatan ay sinimulan noong Nobyembre 6. Bagaman nahirapang madala roon ang mga tauhan at kagamitan ng DPWH dahil natambakan ng gumuhong lupa ang nag-iisang lansangan patungo sa Tulay ng Abatan, sinikap nilang mapuntahan at makumpuni ang tulay.

Nakabalam din sa pagkayari ng pansamantalang tulay ang mga Bagyong Yolanda at Zoraida.

Unang pinuntahan ng Pangulo rito ang Tulay ng Tagbuane sa bayan ng Albuquerque. Umaga ng Huwebes dumating sa Bohol ang Pangulo. PND

No comments:

Post a Comment