Wednesday, November 27, 2013

Presidential Communications Operations Office - Balitang Malacanang

Presidential Communications Operations Office - Balitang Malacanang
 




Dinagsa ng mga taga-Tacloban ang 'Diskwento Caravan'

(LUNGSOD NG TACLOBAN, Leyte) Hindi inalintana ng libu-libong biktima ng bagyo ang matinding sikat ng Araw nang pumila sila upang makabili ng murang paninda sa "Diskwento Caravan" ng Kagawaran ng Kalakal at Industriya dito Miyerkoles.

Walong trak na galing sa Lungsod ng Cebu ang dumating dito na puno ng mga pangunahing bilihing tulad ng tinapay, de lata, tubig, sabong panlaba, hygiene products at iba pa.

Sa unang pagkakataon din ang Diskwento Caravan ay may dala ring mga GI sheets, pako at mga bumbilya. Ang halaga ng GI sheets ay depende sa sukat nito na: 8 talampakan—tig-P170; 10 talampakan—tig-P210 at 12 talampakan—tig-P250.

Sinabi ni Ronald Napales, kinatawan ng DTI sa Biliran na ang halaga ng GI sheets o yero ay mababa kaysa sa ipinagbibili sa labas ng lungsod na ito.

“Sa Dulag, ayon sa balita ko, P500 ang bentahan ng bawa’t GI sheets,” sabi pa ni Napales.

Ang mga paninda sa caravan ay limang porsiyento ang baba kaysa sa merkado, “ dugtong pa ni Napales.

Ang Caravan ay ginanap sa Plaza RTR mula ika-8:00 hanggang ika-5:00 ng hapon at iba-ibang kompanyang pribado ang kalahok dito.

Idinaos ito ng DTI para tulungan ang mga sinalanta ng bagyo sa pamamagitan ng mga pangunahing kailangang higit na mababa ang halaga kaysa sa pamilihan.

Inihayag din ni Stanley Tablando, OIC Regional Director ng DTI na naghahanap pa sila ng ibang lugar upang pagdausan ng caravan upang matulungan ang taong bayan na makabili ng mga pangangailangan sa mababang halaga hanggang hindi pa nanunumbalik nang lubusan ang negosyo sa mga pook na sinalanta ng bagyong Yolanda. PND (jb/zaf)

Nagsagawa ang gobyerno ng dental, medical missions sa Tacloban

(LUNGSOD NG TACLOBAN, Leyte) Nagsagawa rito Miyerkoles ng dental and medical missions ang Hukbong Katihan ng Pilipinas, katuwang ang Japan Disaster Relief-Self Defense Force (JDR-SDF) Units sa mga biktima ng bagyong "Yolanda" na kinukupkop sa mga evacuation centers sa lungsod na ito.

“Mula ika-9:00 ng umaga sinimulan ang dental and medical mission,” sabi ni AFP Major Luther Punzalan ng 8th Infantry Division.

Sinabi ni Punzalan na may mga evacuees na binunutan ng ngipin ng mga dentista at mayroon namang nilapatan ng lunas ng mga duktor na nagsadya sa Tacloban City Convention Center kung saan nakatuloy ang mga biktima ng bagyo. Tiniyak ng pamahalaan na may sapat na gamot para tulungan ang mga may karamdaman o sugat.

Sinabi ni Major Punzalan na sasadyain nila ang 31 pang ibang evacuation centers para malapatan ng lunas ang sino mang dapat gamutin.

Samantala, ang Japan Disaster Relief Force ay nagbigay ng libreng bakuna sa tigdas, oral polio at namahagi rin ng bitamina at health supplements sa mga evacuees.

Ayon kay Tetsuro Amano, ministro at deputy chief of Mission Consul General ng Hapon, apat na duktor ang nagbakuna ng gamot laban sa tigdas.

Sinabi ni Amano na inaasahan nilang mahigit na 200 evacuees ang mapagkakalooban nila ng libreng serbisyong medikal.

“Ang binabakunahan namin ay ang mga batang mula sa limang buwan hanggang anim na taong gulang,” paliwanag ni Amano.

Ang pagbabakuna at libreng panggagamot ay ginawa sa pakikipag-ugnayan sa World Health Organization ng Bansang Magkakaanib at sa Kagawaran ng Kalusugan ng Pilipinas. PND (jb/zaf)

Walong ospital na ang bukas sa Lungsod ng Tacloban

(LUNGSOD NG TACLOBAN, Leyte) Walong ospital na ang bukas sa lungsod na ito upang lapatan ng lunas ang mga maysakit na dapat lunasan, tatlong linggo makaraang wasakin ng napakalakas na bagyong "Yolanda."

Sinabi ni Katulong na Kalihim Paulyn Rosell-Ubial na sa walong ospital na nagbukas na, lima ang tertiary level kung saan maaaring magsagawa ng operasyohn at tatlo ang primary level na outpatients ang tinatanggap, nguni’t hindi maaari ang operasyon.

Ang limang tertiary-level na ospital ay ang Eastern Visayas Medical Center, RTR Medical C Cente, St. Paul’s Hospital, Bethany Hospital at field hospitals ng mga Australiano na matatagpuan sa may paliparan.

Ang tatlong primary-level na pagamutan ay ang Mother of Mercy Hospital, Tacloban Doctors Hospital at Tacloban City Hospital.

Ang mga pasyenteng kailangan ang maselang operasyon ay dinadala sa Peace Ark na bapor na ospital ng mga Intsik na noong Linggo dumating sa bansa.

Inihayag din ni Ubial na hindi na sila kailangang magsugod ng pasyente sa Cebu o sa Maynila kung kailangan ang operasyon dahil sa mga nabuksang tertiary hospitals.

Binigyang diin ni Ubial na sinisikap nilang sa mga ospital magluwal ng sanggol ang mga buntis upang maiwasan ang ano mang katulad ng natalang dalawang sanggol na namatay dahil sa neonatal tetanus. Ang isa rito ay sa palengke ipinanganak at ang isa ay sa bahay.

Ayon kay Ubial, naipadala nila sa Cebu ang dalawang may kaso ng tetano at ang dalawa pa ay sa Maynila naman isinugod.

Iniulat din niyang isang tao ang namatay sa leptospirosis at 13 pang iba ang nakaratay na ang hinala ay dahil din sa sakit na ito.

Binabantayan din ng Kagawaran ng Kalusugan ang mga kaso ng dengue rito. Sinasabi sa mga ulat na mula noong Agosto, may 3,000 kaso na ng dengue ang naireport sa kanila.

May 12 makinang pambomba ng gamot laban sa dengue ang ginagamit dito upang mapatay ang mga lamok na pinagmumulan ng nasabing sakit. Siyam na makinang pambomba ng gamot para mapatay ang lamok ang ginagamit sa ibang panig ng Leyte.

Bukod dito, nagsagawa rin ang Kagawaran ng Kalusugan ng maramihang pagbabakuna sa mga bata laban sa tigdas sa buong Leyte.

Idinagdag pa ni Ubial na ang mga manggagamot ng DOH ay pupunta sa malalayong pulo at baranggay upang mamigay ng gamot at manggamot sa mga biktima ng bagyo. PND (jb/zaf)

Pinagtibay na ng Pangulong Aquino ang pagbabagong tatag sa mga pook na malubhang sinalanta ng bagyong 'Yolanda'

Pinagtibay na ng Pangulong Benigno S. Aquino III ang tatsulok na plano ng Gabinete upang mabilis na makabangon at magbagong tatag ang mga mamamayang apektado ng napakalakas na bagyong Yolanda na pumuti ng buhay at nag-iwan ng malawakang pinsala sa ari-arian sa Kabisayaan at Timog Luson.

Ito ang inihayag ng Tagapagsalita ng Pangulo Edwin Lacierda matapos pulungin ng Pangulo ang Gabinete Miyerkoles.

“Ang panukala ay hati sa tatlong yugto. Una, puspusang pagtulong sa lahat ng pook na nasa-lanta, pagsisikap na makagawa agad ng karampatang hakbang para makaahon sa problema ang mga apektado ng bagyo at pangatlo ay ang totohanang pagbabagong tatag at rehabilitasyon,” sabi ni Lacierda sa isang pahayag na inilabas Miyerkoles.

Sinabi ni Lacierda na inatasan ng Pangulo ang Gabinete na gawin sa madaling panahon ang mga maaari nang gawin.

“Dapat gawin, kayang gawin, ngayon na,” mahigpit na bilin ng Pangulo sa mga kagawad ng Gabinete ayon kay Lacierda.

Sa pulong na ito ng Gabinete, iniharap ni Socio-economic Planning Secretary Arsenio Balisacan ang “Yolanda Recovery and Rehabilitation Plan.”

Idinagdag ni Lacierda na inatasan ng Pangulo si Balisacan at ang kinauukulang kagawad ng Gabinete na magbigay ng mga detalya tungkol sa nasabing plano.

Sinabi pa ni Lacierda na pupulungin uli ng Pangulo ang Gabinete sa Biyernes upang makita ang mga mahahalagang bahagi ng nasabing plano, kasama na ang mga maaaring gawin agad. PND (jl/zaf)

No comments:

Post a Comment