Sunday, November 24, 2013

Presidential Communications Operations Office - Balitang Malacanang

Presidential Communications Operations Office - Balitang Malacanang  22 NOBYEMBRE 2013



22 NOBYEMBRE 2013
bulet-arow.gif (856 bytes) Umabot na sa isang milyon na food packs ang naipamahagi ng pamahalaan sa mga biktima ng bagyong 'yolanda'
bulet-arow.gif (856 bytes) Sa kabila ng dalamhati, ipagbubunyi ng Tacloban si Pacquiao sa Linggo
bulet-arow.gif (856 bytes) Nangangalahati na ang paglilinis at paghahawan sa Lungsod ng Tacloban
bulet-arow.gif (856 bytes) Nilikha ni Aquino ang “task group” na mamamahala sa lubusang rehabilitasyon at pagbabagong tatag ng mga winasak ni Yolanda
bulet-arow.gif (856 bytes) Upang mapasigla ang ekonomya, pinagtibay ng NEDA ang pitong proyektong aabot sa P184.2 bilyon ang halaga
bulet-arow.gif (856 bytes) Inulit ng gobyernong Aquino ang paninindigang pabilisin ang paglalapat ng katarungan sa “Maguindanao massacre”

Umabot na sa isang milyon na food packs ang naipamahagi ng pamahalaan sa mga biktima ng bagyong 'yolanda'
 
(LUNGSOD NG TACLOBAN, Leyte) Umabot na sa 1,136,565 food packs ang naipamahagi ng pamahalaan sa mga pamilyang sinalanta ng napakalakas na bagyong "Yolanda."

Ang ikaisang milyong food pack ay iniabot ni Kalihim Corazon Soliman ng Kagalingang Panlipunan at Kaunlaran (DSWD) sa isang pamilya sa bayan ng Tolosa, Leyte.

Sinabi ni Kalihim Soliman na hanggang ika-6:00 ng hapon ng Huwebes, kabuuan nang 1,136,565 food packs ang naipamigay nila sa mga biktima ng bagyong Yolanda.

Bukod sa pagkain, ang DSWD ay nakapagbigay ng 216,369 tig-isang litrong boteng tubig.

Inihayag ni Soliman na balak ng tanggapan nila na magbukas ng isang repacking facility sa Catbalogan, Samar upang maging higit na mabilis ang pamamahagi ng mga pangunahing serbisyo ng pamahalaan.

Idinagdag niya na patuloy pa ring bibigyan ng food packs ang mga pamilyang malubhang sinalanta ng napakalakas na bagyong dumaan sa Kabisayaan at bahagi ng Luzon sa loob ng maraming taon. PND (jl/zaf)

Sa kabila ng dalamhati, ipagbubunyi ng Tacloban si Pacquiao sa Linggo
 
(LUNGSOD NG TACLOBAN, Leyte) Habang patuloy silang nagsisikap na makabangon mula sa walang katulad na pinsalang iniwan ng napakalakas na bagyong "Yolanda," nakahanda nang ipagbunyi ng lungsod na ito ang boxing icon at Kinatawan Emmanuel “Manny” Pacquiao ng Sarangani sa darating na Linggo.

Sinabi ni City administrator John Tecson Lim na sabik na silang mapanood ang laban ni Pacquiao kay Brandon Rios sa pamamagitan ng telebisyon na ilalagay sa iba-ibang dako ng lungsod na ito.

“Sabik na kaming mapanood ang laban ni Pacquiao na napakahalaga sa mga mamamayan ng lungsod na itong malubhang sinalanta ni Yolanda,” wika ni Lim.

Ang tagumpay ni Pacquiao ay napakahalaga sa lungsod na ito na pinag-alayan ni Pacquiao ng kanyang laban.

“Panonoorin at ipagbubunyi namin siya. Malaking-malaki ang kahulugan ng tagumpay ni Pacquiao para sa mga mamamayan dito,” dugtong pa ni Lim.

Sinabi pa ni Lim na sa pulong ng inter-agency committee rito na nakikipag-ugnayan ang pamahalaang lungsod sa isang television network para maglagay ng mga telebisyon upang mapanood ng mga tao ang laban ni Pacquiao.

Biyernes ng umaga nang ipasiya nilang isang pook na hindi kalayuan sa City Hall ang gagawing isa sa mga lugar para mapanood ng mga tao ang nabanggit na laban ni Pacquiao.

Pinag-aaralan pa, sabi ng City Administrator, kung saan ilalalagay ang ibang panooran dahil isinasaalang-alang ng mga pinuno ang kaligtasang pambayan. PND (jl/zaf)

Nangangalahati na ang paglilinis at paghahawan sa Lungsod ng Tacloban
 
(LUNGSOD NG TACLOBAN, Leyte) Nangangalahati na ang paglilinis at paghahawan sa mga gumuhong mga bahay at gusali, gayundin ang nagbagsakang mga punungkahoy at nilipad na bubungan dahil sa napakalakas na hanging dala ng bagyong "Yolanda" na naging dahilan din ng paghampas ng sunud-sunod na nagtataasang alon mula sa karagatan.

Hanggang ika-10:00 ng gabi ng Huwebes, mahigit nang kalahati (50.23 porsiyento na) ang nalinis na, sang-ayon sa ulat ni John Tecson Lim, City Administrator ng lungsod na ito sa pulong ng inter-agency rito.

Ang lungsod na ito ang isa sa pinakamalubhang sinalanta ng bagyong Yolanda, na mahigit nang 4,000 ang iniwang patay.

Sa nakalipas na mga araw, nagbukas na ang mga bahay-kalakal, tindahan at mga banko at nagsimula nang maging normal ang kalagayan.

Biyernes, Nobyembre 22, binuksan ng Kagawaran ngy Kalakal at Industriya ang “Diskwento Caravan” upang ang mga mamamayan dito ay makabili ng mga pangunahing kailangan sa higit na mababang halaga.

Samantala, patuloy naman ang Bureau of Fire Protection sa pagbobomba ng tubig sa 30 baranggay at mga evacuation centers.

Sinabi ni Lim na 10 hanggang 12 trak ng bumbero ang ginagamit araw-araw sa paglilinis na ginagamitan ng 100,000 litrong tubig isang araw. PND (jl/zaf)

Nilikha ni Aquino ang “task group” na mamamahala sa lubusang rehabilitasyon at pagbabagong tatag ng mga winasak ni Yolanda
 
Nilikha ng Pangulong Benigno S. Aquino III ang isang “task force” na inatasan nya na gumawa ng programa tungo sa malawakang rehabilitasyon ng mga pook na pininsala ng napakalakas na bagyong “Yolanda” upang iharap sa Gabinete para matalakay nang hindi lalampas ang Miyerkoles, Nobyembre 27.

Inihayag ito ni Kalihim Herminio B. Coloma, Jr. ng Presidential Communications Operations Office sa pulong balitaan sa Malacanang Biyernes kaugnay ng pulong ng Gabinete Huwebes sa hangaring puspusang magawa ang rehabilitasyon at pagbabagong tatag sa mga pook na malubhang sinalanta ng bagyong Yolanda.

Sinabi ni Kalihim Coloma na itinalaga ng Pangulo si Kalihim Carlos Jericho Petilla bilang tagapag-ugnay ng “task force.” Si Petilla ay Gobernador ng Leyte bago nahirang sa Gabinete noong unang mga buwan ng taong kasalukuyan.

Itinalaga rin ng Pangulo na mga kagawad ng “task group” sina Kalihim Rogelio Singson ng Pagawaing Bayan at Pambansang Lansangan, Kalihim Proceso Alcala ng Pagsasaka, Kalihim Gregory Domingo ng Kalakal at Industriya, Kalihim Rosalinda Baldoz ng Paggawa, Kalihim Corazon Soliman ng Kagalingang Panlipunan at Kaunlaran, Kalihim Ramon Paje ng Kapaligiran, Kalihim Cesar Purisima ng Pananalapi, Kalihim Albert del Rosario ng Ugnayang Panlabas at Direktor Heneral Joel Villanueva ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Pagtutuunan ng pansin ng “task group” ang limang dapat na unahin na: matutuluyan at rekostraksiyon; kabuhayan at hanapbuhay; malilipatan at psycho-social care; pangangalaga sa kapaligiran at paglikom ng pondo at alokasyon.

Si Singson ang mamamahala tutuluyan at rekostruksiyon habang si Alcala,Domingo, Baldoz at Villanueva ang mangangasiwa sa kabuhayan at hanapbuhay.

Ipauubaya kay Soliman ang paglilipat at psycho-care, si Paje sa panangalaga sa kapaligiran at sina Purisima, Abad at Del Rosario sa paghanap ng magugugol at alokasyon.

Malaking papel din ang gagampanan ng lokal na pamahalaan sa programa ng rehabilitasyon at tagapag-ugnay naman si Kalihim Manuel Roxas ng Interyor at Lokal na Pamahalaan.

Hiniling ng Pangulo sa mga gobernador, mga alkalde at iba pang lokal na pinuno na tumulong nang puspusan sa programang ito.

Pinagbilinan ng Pangulo si Gobernador Aurelio “Boy” Umali, pangulo ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) na pakilusin ang Leagues of Provinces, Cities and Municipalities at Liga ng mga Barangay upang makatulong ang lahat, pati karaniwang mamamayan.

Idinugtong ni Coloma na pag-alinsunod sa RA10121 (Philippine Disaster Management Act) na si Kalihim ng Gabinete Jose Rene Almendras ang mamamahala sa “task force” sa pagsasagawa ng post-disaster needs assessment.

Ayon kay Coloma, si Economic Planning Secretary Arsenio Balisacan ang mag-uugnay ng mga planong gagawin at mag-aayos ng mga panukalang programa at proyekto para iharap sa Pangulo at sa Gabinete.

Kabilang din sa programang rehabilitasyon ang “adopt-a-town” na inilunsad ng Metropolitan Manila Development Authority at mga Alkalde ng Kalakhang Maynila sa pakikibalikat sa mga alkalde ng Leyte, Samar at iba pang pook na sinalanta ng kalamidad.

Ang adopt-a-family concept, sabi ni Coloma ay tulong sa mga pamilya sa pook ng kalamidad. PND(js/zaf)

Upang mapasigla ang ekonomya, pinagtibay ng NEDA ang pitong proyektong aabot sa P184.2 bilyon ang halaga
 
Pitong mahalagang proyekto sa imprastraktura, trasportasyon at kalusugan na nagkakahalaga ng P184.2 bilyon na inaasahang magpapaunlad ng ekonomya ang pinagtibay ng National Economic and Development Authority.

Ito ang sinabi ni Kalihim Herminio B. Coloma, Jr. ng Presidential Communications Operations Office sa pulong balitaan sa Malacanang Biyernes.

Ayon kay Coloma, pinagtibay ng NEDA ang pitong proyektong ito Huwebes na ang anim ay ipatutupad sa pamamagitan ng programang Public-Private Partnership upang maayos at gumawa ng mga imprastrakturang tulad ng paliparan, mga ospital, light rail transits at iba pang magpapahusay ng paghahatid ng mga pangunahing serbisyo at galaw ng komersiyo.

Uunahin sa mga proyektong ito ang P64.9 bilyong LRT Line 1 South Extension Project para habaan ang biyahe ng ngayon ay LRT Line 1 South.

“Kasunod nito ang P62.7 bilyong MRT 7 Project na 22.8 kilometrong riles mula sa North Avenue hanggang sa panukalang intermodal transportation terminal sa San Jose del Monte sa Bulacan,” wika ni Coloma.

Sinabi ng Kalihim na pangatlo ang LRT 1 North Extension Program/Common Station na P1.4 bilyon ang halaga at magkakaroon ng common station ang LRT 1, MRT 3 at MRT 7, gayundin ang mga trasportasyong road based. Idinagdag ni Coloma na pondong lokal ang gagamitin para dito.

“Pang-apat na proyekto ang Mactan-Cebu International Airport New Passenger Terminal Project na tinatayang kabuuang P17.5 bilyon ang halaga,” sabi ni Coloma.

“Ang susunod ay ang Development Transportation System sa FTI at Philippine Reclamation Area. Ang FTI ang magiging SLEX Terminal sa lupain ng FTI sa Taguig para sa mga pasaherong galing sa Laguna at Batangas habang ang South Coastal Road Terminal naman ay itatayo sa lupain ng PRA sa tabi ng Asia World Uniwide sa Manila-Cavite Expressway sa Lungsod ng Paranaque para sa mga pasahero papunta at galing sa Cavite,” wika ni Coloma.

Pinagtibay rin ng NEDA, ayon kay Coloma, ang P5.6 bilyong modernisasyon ng Philippine Orthopedic Center na gagawing 700-bed capacity tertiary orthopedic hospital sa bakuran ng National Kidney and Transplant Institute Complex East Avenue, Lungsod ng Quezon.

“Ang susunod na proyekto ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System para sa Bulacan Bulk Water Supply Project na P24.2 bilyon ang kabuuang halaga para matiyak ang malinis na tubig para sa Bulacan,” ayon kay Coloma. PND (js/zaf)

Inulit ng gobyernong Aquino ang paninindigang pabilisin ang paglalapat ng katarungan sa “Maguindanao massacre”
 
Inulit ng gobyernong Aquino ang paninindigan nito sa repormang istitusyonal para mabilis na maigawad ang katarungan sa mga nasawi sa “2000 Maguindanao massacre,” ayon kay Kalihim Herminio B. Coloma, Jr. ng Presidential Communications Operations Office,

“Kasama kami ng sambayanang Pilipino sa pakikiisa sa mga pamilya ng mga nagbuwis ng buhay sa Maguindanao massacre noong Nobyembre 23, 2000. Matatag ang aming paninindigang burahin ang tatak ng kultura ng kawalang puso na humantong sa karumal-dumal na krimeng ito,” sabi ni Coloma sa pulong-balitaan sa Malacanang Biyernes.

Limampu’t walo katao, kabilang ang 32 tauhan ng media ang nasawi sa kabuktutang ito na siyang pinakamalupit na political massacre sa Pilipinas. Ang mga kinatawan ng media ay kasama sa komboy na pinangunahan ni Genalyn Mangudadatu, maybahay ng noon ay Bise Alkalde ng Buluan at ngayon ay Gobernador Esmael Mangudadatu ng Maguindanao.

“Inatasan na ang Pambansang Pulisya na pag-ibayuhin ang pagsisikap para madakip na ang may 88 pinaghihinalaang nakawawala pa,” wika ni Coloma.

Idinugtong ni Coloma na ang Kagawaran ng Katarungan ang patuloy na nagsasagawa ng pagsisiyasat at pag-uusig sa usaping ito.

“Kaisa kami ng mga nagsusulong ng mga repormang istitusyonal, kabilang ang susog sa Rules of Court upang mapabilis ang paglalapat ng katarungan. Makikipagtulungan kami sa Kongreso para unahin ang kailangang hakbang sa pagpapatibay ng whistleblower bill at sa mga susog para palakasin pa ang witness protection law,” dagdag ni Coloma.

Kabuuang 197 katao, kasama ang mga kaanak ng angkang Ampatuan ang naipagharap na ng sakdal tungkol sa karumal-dumal na krimeng ito. PND (js/zaf)

No comments:

Post a Comment