Tuesday, November 26, 2013

Presidential Communications Operations Office - Balitang Malacanang

Presidential Communications Operations Office - Balitang Malacanang 






Pansamantalang tutuluyan ng mga biktima ng bagyo, sinimulan nang itayo ng pamahalaan

(LUNGSOD NG TACLOBAN, Leyte) Nakatuon na ang lahat ng pagsisikap ng pamahalaan sa kasalukuyan kung paano mabibigyan ng pansamantalang tutuluyan ang mga taong nawalan ng tahanan dahil sa napakalakas na bagyong Yolanda sa lungsod na ito at sa iba pang mga lalawigan ng Kabisayaan.

Sa regular na pulong ng inter-agency rito Martes, inihayag ni Kalihim Corazon Soliman ng Kagalingang Panlipunan at Kaunlaran na naabot nang lahat ng pamahalaan ang mga pook na sinalanta ng kalamidad at namigay na ng mga pangunahing kailangang tulad ng pagkain, tubig at iba pang pangangailangan.

“Ang susunod na haharapin ay ang matutuluyan nila at iyan ang aming pinagtutuunan ng pansin,” sabi ni Soliman.

Inihayag ni Pampurok na Direktor Rolando de Asis ng Pagawaing Bayan at Pambansang Lansangan na Lunes pa sinimulan ng pamahalaan ang pagtatayo ng 116 yunit ng bunkhouses.

“Mga 24 na pamilya ang maaaring manirahan sa isang yunit ng bunkhouses na ito. May isang palikuran at isang kusina o lutuan,” sabi ni Direktor De Asis.

Gagawa ang DPWH ng 21 yunit ng bunkhouses sa Leyte, 26 sa Kanlurang Samar, 69 sa Silangang Samar at 10 yunit naman sa Lungsod ng Tacloban na mga lalawigan na malubhang sinalanta ng Yolanda, pinakamalakas na bagyong humagupit sa Pilipinas na nag-iwan ng mahigit na 5,000 patay.

Sinabi ni Soliman na uunahin ng pamahalaan ang mga pamilyang may mga inang nagdadalang tao, may mga bata, mga nakatatanda (
senior citizens) at mga taong may kapansanan.

Ang mga pamilyang uunahing patirahin sa bunkhouses ay tutukuyin ng Panglungsod na Kagalingang Panlipunan at Kaunlaran sa tulong ng DSWD
national team.

Ipinaliwanag ni Soliman na bagaman dalawang buwan lamang tatagal ang pagtuloy sa bunkhouses, inihahanda naman ng pamahalaan ang pagpapatayo ng mga permanenteng tirahan ng mga biktima ng kalamidad.

Inihayag din ni Soliman na pupulungin ng Pangulong Benigno S. Aquino III ang Gabinete sa Miyerkoles upang masinsinang talakayin ang rehabilitasyon at rekostruksiyon sa mga pook na sinalanta ng bagyo.

Ang desenyo at tibay ng mga itatayong bahay ay masusing isinasalaang-alang kaugnay ng binabalak na pagtatayo ng mga tahanan ng biktima ng napakalakas na bagyong Yolanda. PND (jb/zaf)

Idineklara ni Aquino ang 2013-2022 na dekada ng ‘Make the Right Real’ para sa mga taong may kapansanan

Idineklara ng Pangulong Benigno S. Aquino III ang 2013-2020 bilang Dekada ng Pilipinas para sa Make the Right Real ukol sa mga taong may kapansanan (PWD) bilang suporta sa Ika-tatlong Dekada ng Asian and Pacific Decade of persons with disabilities.

Ginawa ng Pangulo ang kautusan sa pamamagitan ng Proklamasyon Blg. 688 na nilagdaan ni Kalihim Tagapagpaganap Paquito N. Ochoa, Jr. noong Nobyembre 22, ayon kay Kalihim Herminio Coloma, Jr. ng Presidential Communications Operations Officed sa pulong-balitaan sa Malacanang Martes.

Itinakda ng Proklamasyon Blg. 125 (taong 1993) at Prokalamasyon Blg. 240 (taong 2002) ang pambansang pagdiriwang sa Pilipinas ng Asian and Pacific Decade of Persons with Disabilities para sa 1993-2002 at 2003-2012.

Ang High-Level Inter-government Meeting ay ginanap sa Pagrebisa ng Pagpapatupad ng Asyano at Pasipiko sa Dekada ng mga Taong May Kapansanan 2003-2012 ay idinaos sa Incheon, Republiika ng Korea noong Oktubre 29-Nobyembre 22, 2012.

Sa nasabing pulong na nilahukan ng delegasyong Pilipino ay pinagtibay ang Ministerial Declaration on the Asian and Pacific Decade of Persons with Disabilities, 2012-2022 at ang Istratehiyang Icheon na Make the Right Real para sa mga Taong May Kapansanan sa Asya at Pasipiko.

Pinagtibay sa sangguniang panrehiyon ng National Council on Disability Affairs na idaos ang ikatlong dekada ng PWD sa 2013-2022 na ang pakay ay higit na mapabuti ang kalagayan ng mga may kapansanan.

Inatasan ng Pangulo ang National Council on Disability Affairs na pangunahan ang lahat ng hakbang tungo sa kagalingan ng may kapansanan sa pamamagitan ng pagbalangkas at paglalabas ng malawakang Natonal Plan of Action for decade na magsasakatuparan ng mga layunin ng Batas Pambansa Blg. 344, Batas ng Republika Blg. 7277, 9442, 10070 at 10524 at iba pang mga batas na may kaugnayan sa kapansanan mga programa at patakaran upang maging makabuluhang mga programa at proyekto.

Nanawagan ang Pangulo sa lahat ng kagawaran, mga ahensiya at sangay ng pamahalaang pambansa at mga lokal na pamahalaan na ipatupad ang mga balak, programa at gawaing tungo sa kapakanan ng mga may kapansanan ayon sa Incheon Strategy.

Isasagawa ng National Council on Disability Affairs ang mga kautusan ng Pangulo matapos sumangguni sa pribadong sektor, LGUs at civil society.

Lahat ng kaukulang pondong kailangan sa pagpapatupad ng mga tadhanain na ito ay kukunin sa nakalaang pondo ng kinauukulang sangay ng pamahalaan. PND (js/zaf)

Hudyat ng maagang pagbangon at rekostruksiyon ang paglipat sa mga ‘bunkhouses’ ng mga pamilyang napinsala ng Yolanda

Ang paglipat sa mga pansamantalang bunkhouses ng mga pamilyang nakatuloy sa mga tolda at evacuation centers ay naghuhudyat ng maagang rekostruksiyon para sa mga pook na nasalantang lubha ng bagyong Yolanda.

Ito ang binigyang diin ni Kalihim Herminio Coloma, Jr. sa pulong-balitaan sa Malacanang Martes kaugnay ng utos ng Pangulong Benigno S. Aquino III sa Kagawaran ng Pagawaing Bayan at Pambansang Lansangan na simulan na agad ang pagtatayo ng mga bunkhouses sa mga itinakdang lugar sa Tacloban, Palo at Ormoc sa Leyte, at sa Basey at Marabut sa Samat.

Sinabi ni Coloma na Lunes sinimulan ang pagtatayo ng bunkhouses sa Guiuan, Hernani at Borongan.

“Hindi bababa sa 2,400 pamilya ang ililipat sa unang mayayaring bunkhouses. Kakaugnayin ang mga lokal na pamahalaan sa bagay na ito. Sinimulan na ng DPWH ang paghahanda para matukoy ang mga resettlement areas para mapabilis ang paglilipat sa sandaling matapos ang bunkhouses,” pahayag pa ni Coloma.

“Inihahanda rin ng DPWH ang sapat na gamit sa kostruksiyon na gaya ng coco lumber, mga yerong pambubong at iba pa para maipamahagi naman sa mga pamilyang magkukumpuni ng mga hindi gaanong nasira nilang bahay para makauwi na sila sa kanilang mga tahanan sa lalong madaling panahon,” sabi ni Coloma.

Idinugtong ni Coloma na habang nagsisimula nang gawin ng mga taga-Leyte at Samar ang kanilang mga bahay, hinihikayat din silang tumulong sa rekostruksiyon sa ilalim ng mga programang cash-for-work o food for work ng pamahalaan.

“Bukod dito, nakahanda ang Kagawaran ng Paggawa na magsagawa ng emergency employment program na makapagbibigay ng 12,500 hanapbuhay sa mga manggagawang maglilinis at maghahawan,” dugtong pa ng Kalihim ng PCOO. PND (js/zaf)

Sinimulan na ang ‘fumigation sa evacuation centers’ sa Tacloban

(LUNGSOD NG TACLOBAN, Leyte) Katuwang ang pamahalaang Pilipino Martes ng Japan Disaster Relief-Self Defense Forces (JDR-SDF) Units na nagsasagawa ng fumigation sa Tacloban City Convention Center na pansamantalang tinuluyan ng mga lumikas na tao dahil sa bagyong Yolanda.

May labinlimang tauhan ng Japan Self-Defense Forces ang naglinis nang husto sa evacuation center at nagbomba ng gamot sa bawa’t kuwarto upang maiwasan ang paglaganap ng anop mang karamdamang bunga ng mapaminsalang bagyo.

Sinabi ni Katulong na Kalihim Paulyn Rosell-Ubial ng Kagawaran ng Kalusugan na kaagapay rin ng defense teams na ito ay pasimula pa lamang ng malawakang fumigation sa mga pagamutan at mga evacuation centers dito.

Ang buong lungsod, sabi ni Ubial, at matataong pook ay pupuntahan nila para hindi magkaroon ng madaling makawang mga sakit. Idinugtong niya na bagaman wala pa namang kaso ng dengue rito, pinapag-iingat ang mga mamamayan at inatasang panatilihing malinis na lagi ang kanilang kapaligiran.

“Mag-ingat kayong lagi. Magkulambu at linisin ang paligid ninho para hindi magkasakit,” payo pa ni Ubial.

Niliwanag din ni Ubial na ang ginamit na pambomba rito ay non-toxic at ligtas. Sinabi rin niya na ang karaniwang sakit dito ay upper respiratory track infection, sugat, acute water diarrhea, mataas na presyon at lagnat.

Samantala, sa panayam kay Hirochika Namekawa, deputy director for development assistance
ng International Cooperation Bureau ng Hapon, sinabi nito na isa lamang sa tulong na ibinibigay ng bansa nila sa Pilipinas ang pagbobomba laban sa lamok sapul nang bagyuhin nang malakas ang Pilipinas.

Katulong din ang Hapon sa programa laman sa epidemya, gayundin sa paghahakot ng mga tulong sa mga binagyo at panggagamot sa mga mamamayan dito.

Mahigit na 100 ang tauhan ng “special defense forces” ng Hapon na nakatalaga sa Pilipinas, bukod pa sa tatlong CH-47 transport helicopters, 3 UH-1 utility helicopters, transport vessel “Osumi,” escort vessel “Ise”, supple vessel “Towada,” 2 KC-767 air tanker, 7 C-130 transport aircrafts at U-4 utility support aircraft.

Binigyan ng Hapon ang Pilipinas ng kabuuang US$2.1 milyon na tulong na pinansiyal. PND (jb/zaf)

Patuloy ang paninindigan ng Pangulong Aquino na magawang laganap na kaunlaran sa bansa

Patuloy na naninidigan ang Pangulong Benigno S. Aquino III na maihatid ang bansa sa laganap na kasaganaan ano man ang sabihin ng survey ratings, sang-ayon kay Kalihim Herminio Coloma, Jr.

“Laging bukambibig ng Pangulo na gagawin niya ang tama para sa taong bayan at tutuparin ang sinumpaan niyang tungkulin ano man ang sabihin ng survey ratings,” wika ni Coloma sa pulong-balitaan sa Malacanang Martes pagkatapos ng mga ulat na bumaba ang satisfaction rating ng Pangulong Aquino sa 49 porsiyento buhat sa pinakahuling Social Weather Station survey.

“Nananatiling nakatuon ang Pangulo at ang administrasyon sa pagsasagawa ng ating mga programang dapat ipatupad alinsunod sa Philippine Development Plan,” dagdag ni Coloma.

Batay sa polls noong Setyembre 20-23 na isinagawa ng SWS, ang net rating ng Panguoo ay 49 porsiyento—na 68 porsiyento ang nagpahayag ng kasiyahan sa pagtupad niya sa tungkulin habang 19 porsiyento naman ang nagpahayag na hindi nasisiyahan.

“Kung ang tinutukoy ninyo ay ang third quarter ratings nila, makailang beses na po tinugon iyan. Siguro po ang mas mahalagang dapat naring hintayin ay ang kanilang fourth quarter ratings, “ dugtong ni Coloma.

Patuloy na ipinatutupad ng Pangulo ang mga reporma sa pagtataguyod ng hangarin ng pamahalaan na nakatuon sa pagtatamo ng laganap na pagsulong at panunumbalik ng tiuwala ng taong bayan sa mga istitusyon ng pamahalaan.

“Makikita sa rekord na sa nakalipas na tatlong taon, napanatili ng Pangulo ang mataas na performance approval and trust ratings. Dahil dito, nagtitiwala din kami na mauunawaan ng taong bayan kung ano ang ginagawa ng pamahalaan at matataya nila nang wasto ang ginagawa ng kanilang Pangulo at ng pamahalaan,” pagbibigay-diin ni Coloma. PND (js/zaf)

Maglalagay ang DSWD ng ‘repacking hubs’ sa Kabisayaan

(LUNGSOD NG TACLOBAN, Leyte) Maglalagay ang Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Kaunlaran (DSWD) ng dagdag na repacking hubs sa Kabisayaan upang mabilis na maipadala sa mga biktima ng napakalakas na bagyong “Yolanda.”

Sa pulong ng inter-agency Martes dito, sinabi ni Kalihim Corazon Soliman na hindi magsasagawa ng repacking relief goods sa Maynila at sa halip, magbubukas sila ng hubs sa mga pook na sinalanta ng bagyo na tulad ng Ormoc, Catbalogan at Tacloban.

“Ang tingin namin, kaya na natin dito. Hindi na po kailangang manggaling sa Maynila. Dito na gagawin ang paglalagay sa mga supot ng ipamimigay na tulong,” wika ni Soliman.

“Ang Catbalogan ay para sa Silangang Samar, sa Ormoc ay para sa Kanlurang Leyte, at ang Tacloban naman ay sa Silangang Leyte at sa Tacloban, “ paliwanag ng Kalihim.

Mayroon ding repacking center ang DSWD sa Sebu para sa tulong sa Ormoc.

Binigyang diin ni Soliman na kailangang pabilisin ang paghahatid ng tulong sa Tacloban sa liwanag ng mga ulat na punuan ang mga bodega rito at maaaring tumagal-tagal pa ang pagbibigay ng tulong sa mga tagarito na isa sa pinakamalubhang napinsala ni Yolanda.

Si Kalihim Emilio Jun Abaya ng Trasportasyon at Komunikasyon ang inatasang tiyaking mabilis na maipadadala ang mga tulong sa taong bayan buhat sa repacking hubs sa Kabisayaan.

Labing-anim pang trak ang hiniling ni Soliman buhat sa DOTC para maghatid ng mga tolda, step-up sanitary toilets at hygiene kits na galing sa mga nagpadalang dayuhan.

Hanggang ika-6:00 ng hapon ng Lunes, nakapagpadala na ang DSWD, ayon kay Katulong na Kalihim Cheche Cabrera ng DSWD, ng 1,611,489 food packs sa 2273,783 pamilyang nagsilikas.

Nakapagbigay na rin ang DSWD ng197,984 litrong tubig na maiinom at 61,900 de lata at high energy biscuits sa mga pamilyang sinalanta ng bagyong Yolanda. PND (jb/zaf)


No comments:

Post a Comment