Monday, November 25, 2013

Presidential Communications Operations Office - Balitang Malacanang

Presidential Communications Operations Office - Balitang Malacanang






Ospital na bapor ng Tsina, dumatimg para tumulong sa biktima ng Yolanda

(LUNGSOD NG TACLOBAN, Leyte) Isang bapor na ospital buhat sa Tsina ang dumating sa Pilipinas Linggo upang manggamot at tumulong sa mga biktima ng napakalakas na bagyong "Yolanda" (Haiyan).

Sinabi ni Embahador Ma Keqing ng Tsina na ang bapor na Peace Ark ay nakadaong 10 milya ang layo rito dahil napakalaki nito para dumaong sa alinmang pantalan.

“Inaasahan naming makatutulong ito,” wika ni Embahador Ma sa mga reporter dito bagaman kailangan pang isakay sa ferry para madala sa Peace Ark.

Ayon sa Embahador, may 100 duktor ang nasa bapor para maglapat ng lunas sa iba-ibang karamdamanan.

Ang Peace Ark ay bahagi ng pandaigdig na pagsisikap para tulungan ang Pilipinas matapos salantain ng napakalakas na bagyong Yolanda ang Kabisayaan at Timog Luzon at mahigit nang 5,000 ang nasawi.

Ang Peace Ark ay may kapasidad na 300 beds at 106 tauhan. PND (jl/zaf)

Pupulungin ng mga pinuno ng pananalapi ang mga negosyante sa Leyte

(LUNGSOD NG TACLOBAN, Leyte) Nakatakdang pulungin ng mga pinuno ng Kagawaran ng Pananalapi ang mga negosyante rito upang alalayan sila sa mga suliraning kakaharapin pagkaraang malubha silang salantain ng napakalakas na bagyong "Yolanda."

Sinabi Lunes ni John Tecson Lim, Administrador ng Lungsod, kasama sa gagawing pulong Lunes ang Kagawaran ng Pananalapi at ang Kawanihan ng Rentas Internas.

“Ang inaalaala ng mga negosyante ay ang kapanatagan at ang soft loans at ang tungkol sa Kawanihan ng Rentas Internas,” wika ni Lim sa pulong ng inter-agency rito.

Nagsimula nang magbukas noong isang linggo ang ilang negosyo rito makaaang matinding hagupitin ni Yolanda ang lungsod na ito at iba pang panig ng Kabisayaan at Timog Luzon.
.
Sinabi ni Lim na masusi nang pinag-aaralan ang mga hakbang ukol sa seguridad ng mga neosyante rito.

Idinugtong ni Lim na maaaring dumating na ngayong linggong ito ang mga kinatawan ng malalaking “
shopping malls” dito.

Ayon kay Lim, batay sa mga ulat na nakararating sa kanya, ang pakay ng mga negosyante ay mabuksan ang mga supermarkets sa ikalawang linggo ng Disyembre. PND (jl/zaf)

Hiniling ng gobyerno sa mga NGO's na sundin ang 'minimum wage' sa ginagawa nilang 'cash-for-work reconstruction programs'

(LUNGSOD NG TACLOBAN, Leyte) Hiniling ng pamahalaan sa mga non-government organizations na nagsasagawa ng rekostruksiyon makaraang hagupitin dito ng napakalakas na bagyong "Yolanda" (Haiyan) na kung maaari ay tiyaking ang mga manggagawa nila ay tatanggap ng minimum wage.

Inilabas ni Kalihim Corazon Soliman ng Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Kaunlaran ang paalaala sa pulong ng inter-agency rito na ang pinakamababang pasahod isang araw rito ay umaabot sa P260.

“Ipinakikiusap namin sa mga NGOs na nagsasagawa ng cash-for-work na kung maaari ay maibigay ang ganitong halaga sa kanilang mga manggagawa,” sabi ni Soliman

Bukod dito, sinabi pa ni Soliman sa mga kinauukulan na tiyakin ang kaligtasan ng mga mang-gagawa, lalo na sa mga pook ng lungsod na baha pa rin.

Hiniling din ni Soliman sa mga pinunong lokal na tiyaking ang mga manggagawang nasa cash-for-work program ay mayroong mga gamot para hindi sila magkaroon ng leptospirosis.

Niliwanag ni Soliman na mapanganib at nakamamatay ang leptospirosis. PND (jl/zaf)

Nagtalaga ng tauhan ang lto sa Tacloban laban sa naniningil ng napakataas na pamasahe

(LUNGSOD NG TACLOBAN, Leyte) Nagtalaga ang Land Transportation Office (LTO) rito ng mga tauhan upang hulihin ang mga tsuper ng pamasaherong sasakyan na nagtataas ng pamasahe yamang nagsimula nang malagay sa ayos ang halaga ng gasolina rito.

Ipinabatid ang bagay na ito Lunes ng umaga sa inter-agency task force na tumutugon sa mga suliraning nilikha ng paghagupit ng napakalakas na bagyong Yolanda rito, yamang unti-unti nang bumabangon ang lungsod sa matinding pinsalang natamo.

Inatasan ang mga tauhan ng LTO na pumasok na sa kanilang mga opisina para maitalaga sila sa iba-ibang panig ng lungsod.

Sa pulong ng inter-agency task force dito Lunes, sinabi ng kinatawan ng LTO na pinagbilinan ng ahensiya nila ang mga tsuper na “ibalik na sa normal ang pamasahe yamang ang halaga ng gasolina at krudo ngayon ay halos katulad na noong bago manalasa ang Yolanda."

Magtatalaga rin ang LTO ng mga tauhan upang bantayan ang sinasabing pagtataas ng pamasahe.

Ang lungsod na ito ang isa sa pinakamalubhang nasalanta ng bagyong Yolanda na nag-iwan nang mahigit na 5.000 patay at malaking pinsala sa mga ari-arian prihado o pambayan man. PND (jl/zaf)

5 nasaktan dahil sa 'Yolanda,' ginamot sa bapor na ospital ng Tsina

(LUNGSOD NG TACLOBAN, Leyte) Hindi bababa sa lima kataong nasaktan dahil sa napakalakas na bagyong "Yolanda" ang unang nakinabang sa tulong medikal ng mga tauhan ng isang bapor na ospital ng Tsina na dumating sa Pilipinas Linggo.

Agad nilapatan ng lunas ng mga tauhan ng “Peace Ark,” ang bapor na ospital ng Tsina na pinagsuguran sa kanila sa pamamagitan ng isang ferry.

Si Flora Anadi, 44 taong gulang ay isinugod sa bapor na ospital kung saan inoperahan ang kanyang tuhod.

Apendisitis naman ang nilapatan ng lunas kay Michael Martillo, 19 na taong gulang.

Napag-alaman na unang nagsadya si Martillo sa Metro Manila para doon magpagamot, subali’t hindi siya agad nagamot kaya sa nakadaong na bapor na ospital ng Tsina na nagpagamot.

Linggo (Nobyembre 24) nang dumating dito ang bapor na ospital ng Tsina. Sinabi ni Embahador Ma Keqing ng Tsina na napakalaki ng kanilang bapor kaya hindi makadaong sa alinmang daungan dito kaya ito ay nasa 10 milya buhat sa daungan ng lungsod.

Binanggit pa ni Embahador Ma na may 100 ang duktor na nasa ospital na bapor na maglilingkod sa mga magpapagamot sa kanila. PND (jl/zaf)

Puspusang makikiisa ang pamahalaan sa mga international aid agencies upang mabilis na maisagawa ang rehabilitasyon sa pinsala ni 'Yyolanda'

(LUNGSOD NG TACLOBAN, Leyte) Puspusang nakikiisa ngayon ang pamahalaang Pilipino sa mga pandaigdig na samahang tumutulong sa rehabilitasyon pagkaraan ng malawakang pananalanta ng bagyong "Yolanda" (Haiyan).

Inihayag ni Kalihim Corazon Soliman ng Kagalingang Panlipunan at Kaunlaran ang bagay na ito sa pulong nila ng mga kinatawan ng naturang mga ahensiya Linggo.

Sinabi ni Soliman na pakay ng pulong na alamin kung saan-saang nagtatrabaho ang mga grupo upang hindi magkadoble ang ano mang gawain sa isang pook habang naantala naman ang sa ibang dako.

“Napakahalagang huwag magkadoble o lumabis ang tulong sa isang lugar, habang hindi lubos na natutulungan ang iba,” dagdag na paliwanag ni Soliman.

Binigyang diin ni Soliman na sa ganitong paraan din, matutulungan silang matukoy kung alin pang lugar ang dapat asikasuhin.

Samantala, inihayag naman ng mga pinunong lungsod dito na umaabot na sa 4,900 kubiko metrong iba-ibang bagay na winasak ni Yolanda ang nahakot na sa nakalipas na tatlong araw na kabuuang 71 porsiyento ng kabuuang nakatambak na basura ang nahakot na. PND (jl/zaf)

Hinamon ng Pangulong Aquino ang mga bagong pinuno at tauhan ng AFP na puspusang tumulong sa sambayanan sa panahon ng mga kalamidad

Hinamon ng Pangulong Benigno S . Aquino III ang mga bagong pinuno at tauhan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas (AFP) na pag-ibayuhin ang “organisado at puspusang pagtulong” sa pagtatanggol sa teritoryo at maagap na pagsaklolo sa panahon ng mga kalamidad.

Sa talumpati sa Joint Graduation ng Major Services Pre-Entry Officer Courses na ginanap sa AFP Theater ng Kampo Heneral Emilio Aguinaldo, Lungsod ng Quezon Lunes, pinaalalahanan ng Pangulo ang mga pinuno at tauhan ng AFP sa kanilang mahalagang papel sa mga hindi gawaing militar na tulad ng pamamahagi ng tulong sa panahon ng kalamidad, pagtatayo ng bahay ng mga sibilyan at iba pa.

Ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay binubuo ng Hukbong Katihan, Hukbong Pandagat at Hukbong Panghimpapawid.

“Bilang Commander-in-Chief, alam ko ang bigat at lawak ng tungkuling nakaatang sa propesyong inyong pinasukan. Bilang mga kawal ng bayan, hindi kayo puwedeng mawala sa eksena sa panahon ng pangangailangan at mga hindi inaasahang pangyayari,” wika ng Pangulo.

“Kapag may bakbakan, nariyan kayo at handang sumalag ng bala mailayo lamang sa panganib ang kapuwa Pilipino. Sa panahon ng sakuna, kayo rin ang inaasahang manguna. Sa kasagsagan man ng lindol o sa gitna ng humahagupit na bagyo, agad rumeresponde ang mga kawal ng bayan, hindi nagpapatinag at taas-noong tumutugon sa tawag ng tungkulin,” pagbibigay-diin pa ng Pangulo.

“Kamakailan nga lamang po ay humagupit ang Yolanda, ang pinakamalakas na bagyong naitala sa ating kasaysayan. Sa ganitong panahon ng trahedya, mahalagang kayong mga kawal ang magsilbing haligi ng katatagan at sandigan ng ating mga kababayan,” dagdag ng Pangulong Aquino.

Binigyang diin ng Pangulo ang mahalagang ginampanan ng mga tauhan ng AFP, kasama ang mga pulis, bumbero, gayundin ang mga volunteers upang kumalinga at paghugutan ng lakas at pag-asa ng mga biktima, bukod pa sa paghukay sa mga putikan upang mabigyan ng marangal na pagkakahimlay ang mga nasawi at paglalapat ng paunang lunas sa mga biktima.

Nanawagan ang Pangulo sa 140 bagong tauhan ng AFP na tuparin ang tungkulin nilang ipagtanggol ang soberenya, teritoryo ng bansa at ipagsanggalang ang sambayanang Pilipino.

“Sa bawa’t pagkakataon, patunayan ninyong karapat-dapat kayong maging bahagi ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, buong tapang na humaharap sa ano mang pagsubok,” mariing wika ng Pangulo.

Katuwang ng Pangulo sa seremonyang ito sina Kalihim Voltaire Gazmin ng Tanggulang Bansa at si Heneral Emmanuel Bautista, Puno ng Estado Mayor ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, at namahagi ng diploma at naggawad ng Presidential Saber kina 2nd Lt. Mary Jean B. Cabillete, PA; 2nd Lt. Kristyl May A. Beatingo, PAF; at Ensign Vanessa Katrina J. Tujlang.

Tumanggap ng Secretary of National Defense Saber sina Lt.Shiela Mae T. Enderez, PAF; 2nd Lt. John Red A. Honrales, PAF; at Ensign Tiffany Ann P. Palmares, PN at sa Chief of Staff Saber naman ay sina 2nd Lt. Mike Vergel L. Concepcion, PA; 2nd Lt. Janna B. Ontong, PAF; at Ensign Eunice Fe Sabado, PN. PND (js/zaf)

No comments:

Post a Comment