Sunday, November 10, 2013

Tagalog news: 1,458 katao, inilikas ng LDRRMC bilang paghahanda sa bagyong 'Yolanda' By: Ruel M. Orinday Friday 8th of November 2013 6 0 1 0 0 LUNGSOD NG LUCENA, Quezon, Nob 8 (PIA) --May 1,458 katao ang nailikas na sa mga evacuation centers kaninang umaga ng mga Local Disaster Risk Reduction and Management Council (LDRRMCs) sa iba’t-ibang bayan ng Quezon upang matiyak ang kaligtasan sa inaasahang pananalasa ng bagyong ‘Yolanda’. Sinabi ni Dr. Henry Buzar ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) na kabilang sa mga bayan na naunang nagsagawa ng paglilikas ay ang San Narciso, 180 katao; Unisan, 597; Alabat, 137; Calauag, 60; Guinayangan, 246; Tagkawayan, 138 at Pagbilao, 100. Ang mga inilikas, ayon kay Buzar, ay ang mga residenteng malalapit sa mga ilog at naninirahan sa mga mabababang lugar na kalimitang binabaha kapag may bagyo. Kaugnay nito, ang PDRRMC- Quezon ay nakabili na rin ng mga relief goods at mga gamot na ipamimigay sa mga biktima ng bagyo sa mga bayan ng lalawigan ng Quezon. Samantala, dahilan sa malalaking alon dulot ng bagyong ‘Yolanda’, libong pasahero na patungong Marinduque ang stranded sa Dalahican port, sa lungsod na ito. Idineklara naman ng pamahalaang panlalawigan kahapon, Nobyembre 7 na walang pasok ang mga empleyado ng mga lokal na pamahalaan kasama na ang mga empleyado ng pamahalaang panlalawigan at pribado upang maseguro ding ligtas ang mga empleyado sa posibleng idulot ng bagyo sa mga kawani. Gayundin, una nang ipinahayag kahapon ng pamahalaang panlalawigan ang suspensiyon ng mga klase sa lahat ng antas ng paaaralan, ito man ay pampubliko o pribado. Nakahanda ngayon ang PDRRMC-Quezon lalo na ang rescue team na tumulong o umalalay sa pagliligtas ng buhay sa mga posibleng maging biktima ng bagyo sa lalawigan ng Quezon. (RMO/ PIA- Quezon)

PIA | Tagalog news: 1,458 katao, inilikas ng LDRRMC bilang paghahanda sa bagyong 'Yolanda'

No comments:

Post a Comment