Sunday, December 1, 2013

Presidential Communications Operations Office - Balitang Malacanang

Presidential Communications Operations Office - Balitang Malacanang

29 NOBYEMBRE 2013






Nagtatayo na ng 'bunkhouses' sa 2 bayan ng Samar na nasalanta ng bagyo

(BASEY, SAMAR) Tatlong linggo matapos salantaing mabuti ng napalakas na bagyong “Yolanda” ang lalawigang ito, nagtatayo na ngayon ang mga pinunong lokal ng mga pansamantalang matutuluyan at palagiang relocation sites para sa mga pamilyang nawasak ang mga bahay at nakatuloy lamang sa mga evacuation centers.

Ayon kay Bise Alkalde
Paul Charles Adona ng bayang ito, sinimulan na ng Kagawaran ng Pagawaing Bayan at Pambansang Lansangan ang pagtatayo ng 18 bunkhouses sa Sityo Bangon, Barangay Canmanila rito.

“May 51,000 pamilyang nawalan ng tirahan sa bayan namin dahil sa bagyong “Yolanda,” wika ni Bise Alkalde Adona at nanunuluyan ngayon sa Simbahan ng Basey at sa Mababang Paaralan ng Basey.

Dalawampu’t apat na pamilya ang makatutuloy sa bawa’t bunkhouse. Inaasahang mayayari ito sa loob ng dalawang linggo, sabi ni Direktor Rolando Asis ng DPWH sa Rehiyon sa Siilangang Kabisayaan.

“Ang mga taong tutuloy rito ay tutukuyin ng Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Kaunlaran, uunahin nila ang mga pamilyang may mga maliliit na anak, mga nagdadalang tao, nakatatandang mamamayan at mga taong may kapansanan,” sabi ni Adona.

Sinabi ni Adona na iniutos ng Pangulong Aquino na ilipat ang mga tao sa higit na ligtas na mga pook kaya uunahing ilipat ang mga nakatira sa baybay-dagat.

Binigyang diin ni Adona na magpapatibay sila ng ordinansa na nagbabawal sa mga tao na magtayo ng bahay 20 metro mula sa
sea wall. Niliwanag din ng Bise Alkalde na may P50-milyong pondo ang lokal na pamahalaan para magamit sa pagtatayo ng palagiang tirahan ng mga apektadong pamilya at makikipag-usap na sila sa isang linggo sa may-ari ng lupang pagtatayuan ng mga bahay.

Ang bayang ito ang isa sa pinakamalubhang nasalanta ng Bagyong Yolanda na pinakamalakas na bagyong dumaan sa bansa at nag-iwan nang mahigit nang 5,000 patay.

Ang ilang tao rito ay nagsisikap na maitayong muli ang kanilang mga bahay na maaari pang kumpunihin, subali’t ang higit na marami ay wasak nang talaga.

Samantala, nagtatayo rin ang DPWH ng 18 bunkhouses sa kalapit lamang na bayan ng Marabut sa Kanlurang Samar. Isa rin sa pinakamalubhang nasalanta ni Yolanda rito sa Samar. PND (jb/zaf)

Malinis na tubig ang nakukuha ng 5 bayan ng Samar sa 'Kandungos Falls'

(MARABUT, Samar) Isang munting talon na halos hindi pinapansin nang nakalipas na mga panahon ang napakahalaga ngayon para sa mga mamamayan dito matapos manalanta ang napakalakas na bagyong “Yolanda” tatlong linggo na ang nakararaam.

Ito ay ang Kandungos Falls na nasa Barangay Malobago rito na siyang pinagkukunan ngayon ng tubig ng Krus na Pula ng Pilipinas upang irasyong tubig na maiinom ng mga tao sa limang bayan ng Samar—ang Marabut sa Kanlurang Samar; Lawaan, Balangiga, Giporios at Quinapondan— sa Silangang Samar.

Ayon sa isang tauhan ng Krus na Pula, halos 50,000 litro ng malinis na tubig ang inihahatid nila araw-araw sa mga pook na malubhang sinalanta ng bagyo.

Naglagay ang Krus na Pula ng kagamitan upang madalisay ang tubig buhat sa Kandungos Falls at maging ligtas na inumin ng mga tao.

Kitang-kita pa sa bayang ito at sa kalapit-bayang Basey ang pinsalang ginawa ni Yolanda sa dalawang pinakamalubhang winasak ng bagyo sa Samar.

Bagaman patuloy ang pamamahagi ng pamahalaan ng mga pangunahing pang-araw-araw na kailangan ng mga tao rito, idinaraing ng mga mamamayan ang kanilang mga puno ng niyog na siyang pangunahing pinagmumulan ng kanilang kabuhayan na pinalis na bigla ng naglalakihang daluyong na nahatak ni Yolanda.

May isang taga-Basey ang nagsabing napilitang magtungo sa Maynila ang kanilang ama sa pagbabakasakaling magkaroon ng hanapbuhay doon.

Samantala, ang iba naman ay nagsisikap muling bumangon at kumita ng pera sa pagtitinda ng manggang hinog mula sa Davao.

Mayroon namang bumaling sa ibang pagkakakitaan na tulad ng pangingisda, pagsasaka at pag-aalaga ng manok at baboy.

Para magamot ang mga tagarito na dinarapuan ng sakit, naglagay ang Pandaigdig na Krus na Pula ng pansamantalang ospital sa Basey upang lapatan ng lunas ang mga tagarito na may karamdaman. PND (jb/zaf)

Iniutos ng Pangulo na pautangin ang mga biktima ng bagyo

Upang matulungan pa ang mga biktima ng napakalakas na bagyong Yolanda, iniutos ng Pangulo sa mga istitusyon ng pamahalaan sa pananalapi na pautangin ang mga biktima upang maalalayan sila sa pagsisikap na umahon sa suliraning idinulot ng bagyo at daluyong.

“Iniutos ng Pangulo ang paglalabas ng Memorandum Circular 59, na nag-aatas sa lahat ng istitusyong pinansiyal ng pamahalaan na bigyan ng 6 na buwang moratorium ang lahat ng mga utang at bigyan ng walang tubo na pautang ang mga tao at entities na tuwirang naapektuhan ng kalamidad dahil sa bagyong Yolanda,” sabi ni Kalihim Herminio “Sonny” Coloma, Jr. ng Presidential Communications Operations Office.

Nilagdaan noong Nobyembre 26 ang sirkular, ayon kay Coloma at ang tinutukoy na mga istitusyong pinansiyal ng pamahalaan, GFIs at GOCCs ay ang sumusunod:

1, Landbank of the Philippines;
2. Development Bank of the Philippines;
3. GSIS;
4. SSS;
5. National Home Mortgage Finance Corporation;
6. People’s Credit and Finance Corporation;
7. Philippine Postal Savings Bank;
8. Philippine Retirement Authority;
9. Quedan and Rural Credit Guarantee Corporation, at
10. United Coconut Planters Bank

Kaalinsabay ng pagbuhos ng tulong at pangakong tulong sa mga nawasak na mga pook, sinimulan na ng pamahalaan ang pagsasagawa ng mga karampatang hakbang upang mabilis na makabangon ang mga iwinasak ng bagyong Yolanda.

“Ang mga ahensiya ng pamahalaan na nangunguna sa sinisikap na pagbabagong tatag ay kabilang ang Kagawaran ng Pagawaing Bayan at Pambansang Lansangan, Enerhiya at Edukasyon na nagsimula nang ibalik ang mga pangunahing imprastraktura samantalang ang Tanggulang Bansa at Kagalingang Panlipunan at Kaunlaran naman ay patuloy sa pamamahagi ng tulong at pag-aayos sa mga nasalantang mga pook,” dugtong ni Coloma. PND (zaf)

Binigyan ng tulong ni Purisima ang mga pulis na biktima ng bagyong ‘Yolanda’

PALO, Leyte—Namigay ng pagkain at tulong na salapi sa mga pulis na naging biktima ng napakalakas na bagyong Yolanda nang magsadya rito Biyernes si Direktor Heneral Alan Purisima ng Pambansang Pulisya (PNP).

Matapos dalawin ang wasak na wasak na opisina ng PNP-CIDG sa Lungsod ng Tacloban, tumuloy si Purisima sa Pampurok na Tanggapan ng PNP sa Kampo Kanleon dito upang mamigay ng tulong sa mga pulis na biktima ng bagyo.

Ibinigay ng Puno ng PNP ang paunang benepisyong relief insurance na tig-P71,000 sa mga pamilya ng anim na pulis na nasawi sa pananalasa ng Yolanda.

Sinabi ni Purisima na inaayos na ang nalalabing benepisyong kabuuang P2.3 milyon para sa mga nasawing mga pulis.

Ang mga pulis na ito ay sina: SPO4 Rogelio Alba ng Pulisya ng Tacloban; SPO1 Edgar Evina, PO2 Adelfo Lopez at PO2 Jaffy Villegas na pawang tauhan ng Panlalawigang Pulisya ng Leyte; PO3 Gerardo Rojas at SPO4 Saballa buhat sa CIDG.

Tatlo sa 6,271 pulis na nakatalaga sa rehiyon ang pinaghahanap pa.

Nanguna rin si Purisima sa pamimigay ng 4,000 food and non-food items sa 3,187 tauhan ng pulisya sa pook na sinalanta ng bagyo. Nagbigay rin ang Puno ng PNP ng 1,500 uniporme ng pulis, gayundin ang athletic at camouflage uniforms at mga sapatos.

Sa anim na nasawing pulis ay nagbigay si Purisima ng karagdagang tig-P10,000 benepisyo, tig-P5,000 sa bawa’t isa sa 16 na nasugatang mga pulis at tig-P3,000 naman ang 453 tauhang nasalanta rin ng bagyo.

Nangako rin si Purisima ng tulong pinansiyal na donasyon ng iba-ibang pampurok na tanggapan ng PNP at national support units na umaabot sa P3.2 milyon na may karagdagang P506,000 pangakong tulong sa lahat ng nabagyong mga pulis.

Sinabi rin ni Purisima na maaga niyang ipalalabas ang 13th month pay at ang Christmas bonus para sa lahat ng tauhan ng pulisya sa Silangang Kabisayaan.

Ayon kay Purisima, ang mga nabagyong pulis ay maaari ring kumuha ng P30,000 na special calamity loan na walang interes na sisingilin at emergency loan na hanggang P50,000 na may tatlong porsiyentong interes.

Binanggit din ni Purisima na may P4 milyong tulong na pondo para sa lahat ng tauhan ng PNP at Sandatahang Lakas sa Leyte at Samar.

Kasama ni Purisima na dumating dito ang tatlong duktor, anim na psychologists, limang nars at limang aid men buhat sa Maynila upang gamutin ang lahat ng sugatang tauhan at tulungan ang mga ito sa post traumatic needs ng mga apektadong pulis.

Nagbigay rin si Purisima ng 2 generator sets, 2 yunit ng water purifier systems, computers at scanners para sa iba-ibang tanggapan ng pulisya sa Leyte at Samar.

Nagpasalamat si Purisima sa mga tauhan ng PNP sa mga ginawa nilang paglilingkod at katapatan sa tungkulin kaya siya nagtungo rito para ipakita ang malasakit sa mga pulis, kasabay ng panawagang patuloy na magkaisa at ipakitang walang bagyong malakas na makahahadlang o makalulupig sa kanilang nagkakaisang lakas. PND(jb/zaf)

Idineklara ng Pangulong Aquino na pista opisyal ang Disyembre 2 sa Pasay

Idineklara ng Pangulong Benigno S. Aquino III na pista opisyal ang Disyembre 2, natapat sa araw ng Lunes, bilang pista opisyal sa Lungsod ng Pasay dahil sa pagsapit ng ika-150 taonng pagkatatag ng lungsod.

Inilagda ng Pangulo ang deklarasyon sa pamamagitan ng Proklamasyon Blg. 685 na nilagdaan ni Kalihim Tagapagpaganap Paquito N. Ochoa, Jr. noong Nobyembre 18 upang bigyan nang lahat ng pagkakataon ang mga mamamayan ng lungsod na makapagdiwang at makalahok sa mga seremonyang kaugnay ng anibersaryong ito.

Ang Lungsod ng Pasay ay isa sa mga lungsod at bayang bumubuo sa Metro Manila.

Noong 1862, maraming kilalang mamamayan ng Pasay ang nagpadala ng petisyon sa mga pinunong sibil at ng simbahan na payagan silang pamahalaan ang mga gawaing pulitikal at panrelihiyon. Kaya noong Disyembre 2, 1863 sa mungkahi ni Arsobispo Gregorio Martinez ng Sta. Cruz, ang Pasay ay naging isang puweblo o bayan. PND(js/zaf)

Mga katibayan ang batayan ng gobyerno sa legal na hakbang sa PDAF

Mga katibayan ang mananatiling saligan ng legal na aksiyon ng pamahalaan tungkol sa masalimuot na kasong may kinalaman sa Priority Development Assistance Fund, ayon sa pahayag ng Malacanang Biyernes.

Binigyang diin ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, ang administrasyon ay maninindigan sa patakaran ng Pangulong Benigno S. Aquino III na panghahawak sa mga katibayan.

“Alam naman ninyo na batay sa paninindigan ng Pangulo, tutungo tayo kung saan tayo dadalhin ng mga katibayan. Ulit-ulit na naming nasabi na walang kakampihan dito,” dagdag ni Valte.

Idinugtong pa ni Valte na ganito rin ang ulit-ulit na nasabi na ng mga tagapagsiyasat at maging ni Kalihim Leila de Lima ng Katarungan.

Sinabi pa ni Valte na may mga taong bibigyang pakahulugan ang ano mang bagay alinsunod sa pananaw nila, “ang mga ito ang katotohanan.”

Una nang ipinahayag ng Kagawaran ng Katarungan na ipaghaharap na ng sakdal ang pangalawang pangkat ng mga pananagutin tungkol sa “PDAF mess.” PND(jl/zaf)

Hahanap ang Bayan ng Guiuan ng alternatibong hanapbuhay para sa mga biktikma ng bagyong Yolanda

(GUIUAN, Silangang Samar) Nakatuon ngayon ang pagsisikap ng bayang ito sa paghahanap ng alternatibong hanapbuhay ng mga tagarito na nawalan ng trabaho tatlong linggo matapos manalanta rito ang pinakamalakas na bagyong “Yolanda.”

Sinabi ni Rectito Melquiades, Tagapagsalita ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Operations Center na ang isa sa pinagtutuunan nila ng pansin ay ang hanapbuhay ng mga tagarito.

“Halos 80 porsiyento ng 47,087 populasyon dito ay pangingisda ang hanapbuhay, habang 20 porsiyento naman ang sa produksiyon ng kopra,” sabi ni Melquiades.

Idinugtong niya na ang isa sa panukalang alternatibong hanapbuhay ay ang seaweed farming at pagmamanukan. May 500 seaweed farmers ang apektado ng bagyo, subali’t naniniwala siyang makababangon agad ang mga ito.

“Hinihimok namin ang mga magsasaka at mangingisda na bumalik na sa kanilang hanapbuhay,” sabi ni Melquiades bagaman tinatayang aabot sa P1.2 milyon ang pinsala sa seaweed farming dito.

Tinatayang aabot sa P375.7 milyon ang pinsala sa sektor ng pag-iisda. Kasama rito ang: P162-milyon sa mga bangkang de motor; P4.4 milyon sa bangkang walang motor; P75 milyon sa fish cages/pen; P40 milyon sa fish corals; P90 milyon sa gilnet; P1.1 milyon sa fish pot/trap; at P2 milyon sa payaw o silungan ng isda.

Sa paghahayupan, ang paunang pinsalang itinala ay P42.678 milyon na nahahati sa: P20 milyon sa malalaki nang baboy; P14.044 sa pinalalaking biik; P5.76 milyon sa baka; P1.584 milyon sa manukan; P750,000 sa mga kalabaw at P540,000 sa mga kambing.

Sa mga pananim naman ay umaabot na sa 27.681 milyon ang pinsala sa may 5,150 magsasaka.

Sinabi ni Melquiades na ilang samahang internasyonal ang kumukuha ng mga “skilled workers” para tumulong sa mga misyong medikal. Ang iba naman ay pinaglilinis, lalo na sa mga pagamutan. PND(jb/zaf)

No comments:

Post a Comment