Sunday, December 8, 2013

Presidential Communications Operations Office - Balitang Malacanang

Presidential Communications Operations Office - Balitang Malacanang


06 DISYEMBRE 2013

  1. Dinalaw ng Pangulong Thein Sein ng Myanmar ang Bantayan Island sa Cebu
  1. Maaaring payagan ng Myanmar, ayon kay Pangulong Thein ang mga kompanya ng Pilipinas na mamuhunan sa produksiyon ng bigas
  1. Tiniyak ng UN na hindi lamang sa Tacloban ibinubuhos ang “relief assistance”
  1. Nakiramay ang Palasyo sa pagpanaw ni Nelson Mandela
  1. Napakalaki na ang ibinuti ng kalagayan ng tacloban, sabi ng UN-OCHA
  1. Hinagkis ng Palasyo ang ‘Yemen suicide attacks’ na pumatay ng 7 Pilipino
  1. Desperadong panliligalig, sabi ng Palasyo ang pagsalakay sa ‘Marawi Police Station’



Dinalaw ng Pangulong Thein Sein ng Myanmar ang Bantayan Island sa Cebu

Nagtungo sa Cebu ang Pangulong Thein Sein ng Republic of the Union of upang dalawin ang Bantayan Island na malubhang sinalanta ng napakalakas na bagyong “Yolanda.”

Ang Pangulo ng Myanmar ay nasa tatlong araw na state visit ay ika-8:30 ng umaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal II para magtungo sa Cebu. Sinalubong sila ng mga pinuno ng lalawigan ng Cebu ang Pangulong Thein Sein nang dumating sa Mactan International Airport.

Tumuloy ang panauhing Pangulo sa Bantayan Island na malubhang pininsala ni Yolanda noong Nobyembre. Sa Paliparang Sta. Fe sa naturang pulo bumaba ang Pangulong Thein at nakipagpulong sa mga lokal na pinuno roon.

Nakatakdang bumalik sa Manila International Airport ngayong hapon upang bumalik na sa kanilang bansa pagkatapos ng state visit sa anyaya ng Pangulong Benigno S. Aquino III.

Habang nasa Maynila, sinaksihan nila ng Pangulong Aquino ang paglagda sa mga kasunduan na may kaugnayan sa pagtutulungan sa kalakalan at pamumuhunan, kasapatan sa pagkain at pagsasaka,
renewable energy, palitan ng balita sa radyo at telebisyon, industriya ng pelikula, ugnayang pangmadla, paglilimbag at paglalathala, gayundin ang tungkol sa hindi na pagkuha ng visa para sa mga Pilipinong may ordinaryong pasaporte kung pupunta sa Myanmar sa loob ng 14 na araw.

Pinagkalooban din ng Myanmar ang Pilipinas ng tulong para sa mga biktima ng lindol sa Gitnang Kabisayaan at ng Yolanda sa Silangang Kabisayaan at Timog Luzon na umaabot sa $150,000 ang kabuuan, bukod pa sa relief goods sa mga biktima.

Unang pagdalaw ito ng Pangulong Thein Sein sa Pilipinas mula nang manungkulan noong 2011. Taong 2005 nang dumalaw sa Maynila ang Punong Ministro Soe Win ng Myanmar.

Unang nagkita ang Pangulong Aquino at Pangulong Thein sa Nay Pyi Taw noong Hunyo 7, 2013 nang dumalo ang Pangulong Aquino sa
World Economic Forum on East Asia na ang punung-abala ay ang Myanmar. Sa taong 2015, ang Pilipinas naman ang magiging punung-bala sa kahalintulad na pulong ng WEF.

Ang Pilipinas at Myanmar ay nagkaroon ng ugnayang diplomatiko noong 1956 at sa 2016 ay ipagdiriwang na ang ika-60 anibersaryo ng ugnayang nasabi. PNDjs/zaf)

Maaaring payagan ng Myanmar, ayon kay Pangulong Thein ang mga kompanya ng Pilipinas na mamuhunan sa produksiyon ng bigas

(LOS BANOS, Laguna) Inihayag ng Pangulong Thein Sein ng Myanmar na napag-usapan nila ng Pangulong Benigno S. Aquino III ang pagtutulungan ukol sa kasapatan sa pagkain, gayundin ang pagpapahintulot sa mga kompanya ng Pilipinas na mamuhunan sa produksiyon ng bigas sa Myanmar.

Binigyang diin ito ng Pangulong Thein nang magsadya siya sa International Rice Research Institute dito at nabanggit niya sa Pangulong Aquino na maaaring buksan nila ang Myanmar sa mga kompanyang Pilipino para sa produksiyon ng palay sa kanilang bansa upang ipagbili ang ani sa Pilipinas.

Sinabi ng Pangulong Thein na ang pagpasok ng kompanya ng Pilipinas sa produksiyon ng bigas sa Myanmar upang iluwas ang ani sa Pilipinas ay makatutulong para mabawasan ang kakapusan ng bigas sa bansa.

Dahil sa halos 100 milyon nang populasyon ng Pilipinas kaya umaangkat ito ng bigas mula sa Thailand at Vietnam.

Nagtungo ang Pangulo ng Myanmar sa IRRI rito Huwebes para pag-ibayuhin pa ang pakikipag-ugnayan nila ukol sa pananaliksik at pagpapasagana ng aning palay.

Ayon kay Thein, itinuon niya ang pagsisikap sa pagbabago ng pagsasaka sa Myanmar upang itanim sa isip ng mga kababayan niya na hindi sapat na ani lamang dapat umasa, kundi dapat ding sikaping lumaki ang ani para makinabang ang sektor na ito.

Miyerkoles dumating sa Pilipinas ang Pangulong Thein para sa tatlong araw na state visit na ang tampok ay ang pagsaksi sa paglagda sa mga kasunduang ukol sa ibayong ugnayan at pagtutulungan ng Myanmar at Pilipinas sa iba-ibang larangan. PND (as/zaf)

Tiniyak ng UN na hindi lamang sa Tacloban ibinubuhos ang “relief assistance”

(LUNGSOD NG TACLOBAN, Leyte) Ang relief assistance, mga donasyon at iba pang uri ng tulong na dinadala ng United Nations ay ipinadadala nila sa lahat ng lalawigang pininsala ng napakalakas na bagyong “Yolanda” at hindi lamang sa Tacloban at kanugnog-pook nito ibinubuhos, sabi ni Jesper Lund, puno ng UN Office of the Coordination for Humanitarian Affairs (OCHA) sa Leyte at Samar.

Binigyang diin ito ni Lund Biyernes sa liwanag ng mga ulat na karaingan ng ilang biktima sa ibang lalawigan na wala pa silang natatanggap umano na mga tulong hanggang ngayon.

Bukod sa kanilang tanggapan sa lungsod na ito, na kilalang-kilala bilang pinakamalubhang nasalanta ng Yolanda, sinabi ni Lund na naglagay rin sila ng opisina sa Guiuan (Silangang Samar), Lungsod ng Roxas (Capiz), Cebu at Ormoc upang matiyak na maayos na naipamamahagi ang mga kaukulang tulong nila.

“Sa lahat ng dako, gumagawa kami ng pagtaya at pagsusuri sa mga kailangan at sinusubaybayan namin ang pamamahagi ng mga tulong sa mga biktima ng bagyo. Kapag nakakita kami ng ano mang tila hindi maayos, agad naming ipinaaalam sa organisasyon na lumipat ng pananagutan nilang pook na tutulungan,” sabi pa ni Lund sa panayam dito.

Idinagdag ni Lund na lagi nang may mga pook na napakahirap puntahan, subali’t mahigpit nilang pinagbibilinan ang mga organisasyon na piliting marating ang mga nasabing pook.

“Nagtatagal-tagal, subali’t sinisikap namin ang lahat. Hindi tayo dapat magpasensiya, nguni’t dapat tayong magpasensiya sa tamang paraan,” dugtong ni Lund.

Sinabi rin ni Lund na ang tulong ng UN sa pamahalaang Pilipino sa panukalang rehabilitasyon ay matutupad, subali’t hindi niya masabi nang tiyakan kung hanggang saan ang gagawing tulong na ito.

“Sinimulan na ng pamahalaang Pilipino ang rekostruksiyon at planong rehablitasyon at naghahanap sila ng pondo para rito buhat sa pandaigdig na komunidad. Ang ginagawa namin ay pagtulong sa mga tao at kami man ay naghahanap pa rin ng pondo,” sabi ni Lund.

Idinagdag niya na ito ay isang taong programa at hindi niya matiyak dahil masasalig ito sa pondo. Sa kasalukuyan, 40 porsiyento ang pondo nito at ito ay para sa isang taon. Kaya darating ang pondo at tiyak kong matutugunan namin ang pangangailangan ng mga tao rito,” paliwanag ni Lund.

Ayon sa Foreign Aid Transparency Hub (FAITH), ang UN-OCHA ay nagbigay na ng P11,093,925,000 halaga ng tulong sa Pilipinas. Ito ang nangunguna sa lahat ng iba pang tulong na ibinibigay ng ibang bansa at ng mga pandaigdig na istitusyong pinansiyal para sa pamahalaan upang tulungan ang mga biktima ng Yolanda.
PND(hdc/za

Nakiramay ang Palasyo sa pagpanaw ni Nelson Mandela

Nakiisa ang Malacanang sa mga nagpahayag ng pakikiramay sa pagyao ng dating Pangulo ng Timog Aprika at maghihimagsik laban sa apartheid Nelson Mandela.

Inilarawan ni Kalihim Herminio Coloma, Jr. ng Presidential Communications Operations Office si Mandela bilang pinagpupugayang lider ng daigdig na nanguna sa kanyang bansa at mga kababayan upang makamtan ang kasarinlan sa mapayapang paraan.

“Nagdadalamhati tayo sa pagpanaw ni Nelson Mandela, pinagpupugayang lider ng daigdig, na nanguna sa kanyang bansa at mga kababayan upang makamtan ang kasarinlan sa pamamagitan ng pagtahak sa landas ng kapayapaan. Nagpakasakit siya na makulong nang napakatagal nang patuloy na nag-aalab sa puso ang tiyaga at pagpapakasakit na nagpatunay na ang pagtahak sa mapayapa, walang karahasang landas patungo sa kasarinlan ang paraang maghahatid sa patuloy at matatag na katuparan ng mga adhikain ng isang lahi ukol sa katubusan nito,” sabi ni Coloma sa pahayag ngayong araw na ito.

“Sa kamatayan tulad ng sa buhay, mananatili siyang maningning na talang ispirasyon ng lahat ng taong nagmamahal sa kalayaan,” sabi pa ni Coloma.

Walang gulat na kinalaban ni Mandela ang apartheid at walang gulat na nagtiis mabilanggo sa loob ng 27 taon dahil sa ipinaglalabang simulain.

Nang matapos ang termino niya bilang Pangulo, patuloy siyang naglingkod bilang butihing tagapayo sa kanyang bansa.

Sinabi ni Coloma na noong Marso 1997, dinalaw ng noon ay Pangulong Mandela ang Pilipinas at pinuri ang panunumbalik ng demokrasya sa bansa.

Nagpugay si Mandela sa noon ay Pangulong Corazon C. Aquino, butihing ina ng kasalukuyang Pangulong Benigno Aquino III, sa pangunguna sa pakikibaka sa diktadurya.

Pinagkalooban ng Pamantasan ng Pilipinas ang Pangulong Mandela ng honorary doctorate degree sa pagdalaw niyang ito sa bansa.

Nagsimula ang ugnayang pandiplomata ng Pilipinas at Timog Aprika noong Nobyembre 1993 at ang embahada ng Pilipinas ay binuksan sa Pretoria, timog Aprika noong Hunyo 1994 pagkatapos na pagkatapos ng inagurasyon ng Pangulong Mandela. PNDjl/zaf)

Napakalaki na ang ibinuti ng kalagayan ng tacloban, sabi ng UN-OCHA

(LUNGSOD NG TACLOBAN, Leyte) Napakalaki na ang ibinuti ng kalagayan ng mga tao sa lungsod na ito sapul nang salantain ng napakalakas na bagyong Yolanda, ayon sa United Nations Office of the Coordination for Humanitarian Affairs (UN-OCHA).

Sinabi ni Jesper Lund, puno ng mga sangay ng UN-OCHA sa Leyte at Samar, maayos na ang sistemang pangkalusugan sa pook at ang taong bayan ay mayroon nang tubig na higit na ligtas inumin, samantalang patuloy pa rin ang pamimigay ng pagkain sa mga nangangailangang mga pamilya.

“Mula sa malawak na pinsalang nasaksihan noong mga unang araw kung saan ang mga taong sugatan ay hindi malaman kung saan magpapagamot at ni hindi makaraan sa mga lansangang nagkalat ang mga wasak na bahay at punungkahoy na nabuwal at magkakasama ang mga tao sa mga community centers na gitgitang-gitgitan, karamihan ng mga tao ay nakauwi na sa mga bahay nila at nagsimula nang ayusin ang mga ito,” wika ni Lund sa isang panayam.

Gayunman, inamin ni Lund na marami pang dapat gawin dahil nga sa napakalaking pinsalang idinulot ni Yolanda sa mga imprastraktura, kabuhayan at maayos na tahanan ng mga taong hirap na hirap pa rin sa iniwang pinsala ng kalamidad.

“Ang hamon ngayon ay ang patuloy na pag-aayos nang mabilis tulad nang inaasahan ng mga tao. Kailangan nila ang trabaho, gayundin ang kabuhayan. Ibig nilang bumalik na at maglinang ng mga bukid nila, magpasukan sa paaralan at kailangan pa rin ang patuloy na suporta upang bumalik ang maayos na pamumuhay,” dugtong ni Lund.

“Hindi dapat tigilan ng pamahalaan ang pagtulong sa mga biktima upang mapunan ang mga kailangan sa mga pook kung saan ang mga tao ay walang donasyon at iba pang tulong,” wika ni Lund at idinagdag na ang pinakamahalaga ngayon ay ang mga tutuluyang may bubong para hindi mabasa ang mga tao ngayong tag-ulan.

“Ang Leyte ay pook na agricultural at kailangang mamigay tayo ng binhing itatanim nila,” pahayag pa ng puno ng UN-OCHA at ipinayong simulan na ang rekostruksiyon at rehabilitasyon sa lungsod para mabuksan na ang mga matadero, ang pamilihang bayan, bagaman bukas na ang ilang banko sa Tacloban, nguni’t hindi ito magbibigay ng kabuhayan at pagkakataon sa mga tao kaya dapat kumilos at magtulungan.

Patuloy pa rin ang clearing operations sa Paliparan ng Tacloban, sa mga lansangan hanggang sa Leyte Sports Academy na nagsisilbing command posts and media center ng mga organisasyon na nagtitipon pa at sumusubaybay sa pagbibigay ng tulong at rehabilitasyon ng mga biktima ng bagyo.

Ang diwa ng bayanihan ng mga Pilipino ay buhay na buhay rin at masasaksihan sa mga taong tumutulong sa mga may kapangyarihan sa mga lansangan para matanggal ang mga nawasak na mga bahay sa ilalim ng matinding sikat ng araw. Puspusan ang pagsisikap ng mga mamamayan ng Tacloban upang manumbalik ang dati nilang pamumuhay. PND(hdc/zaf)

Hinagkis ng Palasyo ang ‘Yemen suicide attacks’ na pumatay ng 7 Pilipino

Hinagkis ng Malacanang ang suicide bombing sa isang defense ministry complex sa Yemen kung saan pitong Pilipino ang namatay at mayroong nasugatang 11 pang iba.

“Mariin naming tinutuligsa ang walang kapararakang panggugulong ito na pumatay ng pitong Pilipino at sumugat sa ibang ang karamihan ay mga kababayan nating nagtatrabaho sa Yemen,” wika ni Kalihim ng Komunikasyon Herminio Coloma, Jr.

“Nakipag-ugnayan na ang ating mga pinuno sa mga lokal na pinuno roon para matiyak na ligtas at nasa mabuting kalagayan ang mga kababayan natin. Hinihingi natin sa pamahalaan ng Yemen na papanagutin ang mga may kagagawan ng katampalasanang ito,” dugtong pa ni Coloma.

Binanggit ni Coloma ang ulat ng Embahador ng Pilipinas sa Saudi Arabia, Ezzeden Tago at ng pandangal na konsul sa Yemen, Muhammad al Jamal, na ang nasawing pitong Pilipino ay sa ospital nagtatrabaho at ang 11 iba pang sugatan ay hindi naman malubha ang kalagayan.

Naganap ang suicide bombing sa Ministry of Defense complex Huwebes. Tinitipon pang kasalukuyan ng konsul ang dagdag na impormasyon at nakikipag-ugnayan din sa mga pinuno ng ospital at ng pamahalaan, ayon kay Coloma.

Ang mga sugatan at mga nakaligtas ay dinala sa ligtas na pook, nguni’t hindi pa inihayag ang pangalan nila habang hindi pa napatatalastasan ang kanilang mga pamilya.

Kontrolado na, wika ni Coloma ng Yemeni Security Forces ang kalagayan doon.

Ayon sa ulat, sinalakay ng mga militante ang Ministri ng Tanggulan sa kapitolyo ng Yemen kung saan 52 katao ang nasawi, kabilang ang hindi bababa sa pitong dayuhan.

Hindi rin bababa sa 167 katao ang sugatan, siyam ang malubha, sa pambobomba at sa maangis na labanan. Ang pinakahuling pagsalakay ay nagbibigay-diin sa kakayahan ng mga rebelde na samantalahin ang kawalang kapanatagan at katahimikang pambayan.

Wala namang umaangkin sa karahasang naganap, bagaman sa paraan umano ng pagsalakay, may palatandaang kagagawan ito ng al-Qaeda. PND(as/zaf)

Desperadong panliligalig, sabi ng Palasyo ang pagsalakay sa ‘Marawi Police Station’

Ang pananalakay ng mga sandatahang lalaki sa isang istasyon ng pulisya sa Lungsod ng Marawi umagang-umaga ng Biyernes ay isang desperadong pagtatangkang manligalig ng ilang grupong ang pakay ay biguin ang usapan sa kapayapaan sa Moro Islamic Liberation Front, sabi ng Malacanang Biyernes.

Binigyang diin ni Kalihim Herminio Coloma, Jr. ng Presidential Communications Operations Office na mariing kinokondena ng administrasyon ang pagsalakay na ito at hindi tatantanan habang hindi nadarakip ang mga may kagagawan ng karahasang nasabi.

“Sa palagay namin, ang karahasang ito ay desperadong pagtatangkang guluhin ang proseso ng kapayapaan at hindi namin papayagan,” sabi ng Kalihim sa pulong balitaan.

Dinukot umano ng mga lalaking sumalakay ang puno ng pulisya ng Lungsod ng Maasik at pinatay ang isang sibilyan.

Ang pagsalakay ay ginawa nang ipagpatuloy ng mga negosyador ng kapayapaan mula sa pamahalaan at sa panig ng MILF ang usapang pangkapayapaan.

Ayon kay Coloma, hindi naman ito ang unang pagkakataong may mga pangkat ng taong “tutol mandin sa proseso ng kapayapaan” kaya gumagawa ng “panggugulo.”

“Ang ating Sandatahang Lakas ay handang gawin ang nararapat para patigilin sila at hindi natin papayagang magtagumpay ang masama nilang balak,” dagdag pa ng Kalihim. PND(jl/zaf)
 

No comments:

Post a Comment