Thursday, December 12, 2013

Presidential Communications Operations Office - Balitang Malacanang


Presidential Communications Operations Office - Balitang Malacanang





=============================================================================



 

Naglaan ng P15-M ang gobyerno sa pagdalo ng Pangulo sa ‘ASEAN-Japan Commemorative Summit’

Gugugol ang pamahalaan ng P15 milyon sa pagdalo ng Pangulong Benigno S. Aquino III sa mga pulong at paglahok sa ASEAN-Japan Commemorative Summit Disyembre 12-14 na gaganapin sa Tokyo, Hapon, ayon kay Kalihim Tagapagpaganap Paquito N. Ochoa, Jr. Huwebes.

Umalis ang Pangulong Aquino kaninang umaga sakay ng
chartered flight patungong Tokyo kasama sina Kalihim Albert del Rosario ng Ugnayang Panlabas, Kalihim ng Pananalapi Cesar Purisima, Kalihim Gregory Domingo ng Kalakal at Industriya, Kalihim Emilio Abaya ng Tras-portasyon at Komunikasyon, Kalihim Herminio Coloma, Jr. ng Presidential Communcations Operations Office at Preaidential Management Staff head Julia Andrea Abad.

Kasama sa guguling ito ang ukol sa trasportasyon, tutuluyan, pagkain at iba pang kailangan ng Pangulo at ng 57 kagawad ng opisyal na delegasyon.

“Pag-iibayuhin ng pagdalo ng Pangulong Aquino sa ASEAN-Japan Commemorative Summit ang magandang samahan natin at ng Hapon na matagal nang kapanalig ng ating bansa sa kalakalan, turismo at paggawa,” paliwanag ni Ochoa.

Nakatakdang magtalumpati ang Pangulo sa ASEAN-Japan Commemorative Summit na nakatakdang ganapin sa Sabado sa Akasaka State Guest House, ayon kay Ochoa.

Makikipagpulong din ang Pangulo kay Punong Ministro Shinzo Abe ng Hapon sa opisyal na tahanan nito tungkol sa pagtutulungan sa panahon ng kalamidad, ekonomya at maritime, bukod pa sa kasalukuyang proseso ng kapayapaan sa Mindanao.

Itinakda rin ang pag-uusap ng Pangulo at ni Gobernador Haruhiko Kuroda ng Banko ng Hapon, gayundin kay Dr. Sadako Ogata, dating pangulo ng Japan International Cooperation Agency (JICA), na kasalukuyang tagapayo ng Ministro ng Ugnayang Panlabas at espesyal na tagapayo ni Akihito Tanaka, pangulo ng JICA.

Magiging panauhin din ang Pangulong Aquino ng Nippon Keidanren, kalipunan ng mga kapisanan ng mga mangangalakal, mga kinatawan buhat sa Nidec Sankyo Corp. at ng isang delegasyon buhat sa Sumotomo Mitsui Banking Corporation.

Sa pagdalaw na ito ng Pangulong Aquino, sasaksihan din niya ang paglagda sa memorandum of understanding para sa 850-room retirement community sa Lungsod ng Cebu. Tatanggapin din ng Pangulo mula sa tanyag na Sophia University ang isang
honorary doctorate law degree. PND (zaf)


 
Patungong Tokyo ang Pangulong Aquino sa pulong ng mga lider ng ASEAN-Japan Commemorative Summit

Umalis na ang Pangulong Benigno S. Aquino III Huwebes ng umaga upang daluhan ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)-Japan Commemorative Summit Disyembre 12-14 sa Tokyo, Hapon.

Binigyang diin ng Pangulo sa talumpati bago umalis umaga ng Huwebes na magpupulong sila ni Punong Ministro Shinzo Abe ng Hapon upang pag-ibayuhin pa ang magandang samahan ng Pilipinas at ng Hapon, lalo na ang pagpapalakas ng kalakalan at pamumuhunan sa bansa.

“Kaya naman lulubusin natin ang pagkakataong makapanayam si Punong Ministro Shinzo Abe upang magpasalamat sa kanyang mga kababayan. Bukod dito, tatalakayin din natin ang pagpapalakas ng ating ugnayan para sa pangmatagalang kapayapaan, kaayusan at kaunlaran sa rehiyon. Sa pakikipag-usap naman sa mga negosyanteng Hapones, taas-noo nating ilalatag sa kanila ang mga pagkakataon kung paano pa nila mapalalawak ang kanilang mga negosyo sa ating bansa,” sabi ng Pangulo sa talumpati bago umalis sa Ninoy Aquino International Airport sakay ng chartered Philippine Air Lines flight PR 001.

Binigyang diin ng Pangulo na pararatingin niya kay Punong Ministro Abe at sa mga Hapones ang pasasalamat sa malaking tulong nila sa Pilipinas sa panahon ng kagipitan ng bansa at ng mga Pilipino.

Gugunitain ng ASEAN-Japan Comemorative Summit ang ika-40 taon ng ugnayan ng ASEAN at Japan na nagsimula noong 1973 nang itatag ang ASEAN-Japan Forum at sa mahabang panahong ito ay walang tigil ang pagtutulungan tungo sa kapayapaan, kaunlaran, kapanatagxan at kasaganaan sa Asya.

Ang mga bansa ng ASEAN at ang Hapon ay naging mabuting magkaugnay sa larangan ng kalakalan na ang kabuuang halaga ay US$248 bilyong dolar noong 2011 at ang mga bansang kasapi ng ASEAN ay may tuwirang ugnayang ukol sa pamumuhunan ng mga Hapones sa kanilang mga bansa. PND (js/zaf)


 
Ang tatag ng Pilipinas sa pagharap sa mga kalamidad ang bibigyang diin ng Pangulong Aquino sa dadaluhang ASEAN-Japan Commemorative Summit

Pagkakataon upang bigyang diin ang tatag ng Pilipinas sa pagharap sa mga kalamidad na itinuturing ng Pangulong Benigno S. Aquino III ang gagawin niyang pagdalo sa Association of Southeast Asian Nations (ASESAN)-Japan Commemorative Summit sa Tokyo, Hapon.

Sa talumpati bago lumisan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 sa Lungsod ng Pasay Huwebes, sinabi ng Pangulo na nais din niyang paratingin ang pagtanaw ng utang na loob sa Hapon sa puspusang tulong na ibinigay ng Hapon sa Pilipinas matapos na salantain ng napakalakas na bagyong "Yolanda."

“Tungkulin nating daluhan ito bilang kasapi ng ASEAN at bilang isa sa malalapit na kaalyado ng bansang Hapon. Sa pagkakataon nga pong ito, tutungo rin tayo roon upang iparating ang ating pasasalamat sa mga karatig-bayang dumamay at nagpaabot ng ayuda sa Pilipinas nitong mga nagdaang sakuna,” wika ng Pangulo.

“Tunay nga po na sa panahon ng mahigpit nating pangangailangan, ipinaramdam nila na hindi tayo nag-iisa. Ito po ang mga dibidendo ng marangal at mahusay nating pakikitungo at pakikipag-ugnayan sa ating mga kaalyado at kaibigan. Isipin po lamang ninyo, bago pa man humagupit ang bagyong Yolanda, nakapuwesto na ang mga kawani ng ASEAN Centre for Humanitarian Assistance o AHA sa Pilipinas upang sumaklolo at magbigay ng kalinga,” pagbibigay-diin ng Pangulo.

Nagpasalamat ang Pangulo sa Hapon sa multi-milyong dolyar na donasyon para sa mga biktima ng Yolanda na nagwasak sa Leyte, Cebu, Samar at iba pang lalawigan sa Kabisayaan.

“Nagpadala rin sila ng mga eroplano, malalaking barko, medical teams at mga tauhan ng kanilang Self-Defense Forces upang mapabilis ang paghahatid ng tulong sa mga sinalantang mamamayan at mga tahanan,” dagdag pa ng Pangulo.

Ayon sa Pangulo, makikipagkita rin siya sa mga Pilipino na nasa Hapon para tiyakin sa kanila ang puspusang tulong na ginagawa ng pamahalaan sa mga biktima ng kalamidad.

“Isa rin po sa espesyal nating sadya sa bansang Hapon ang pakikipagkita sa ating mga kababayan. Alam po nating mayroon silang agam-agam at pag-aalala dahil sa nagdaang kalamidad. Kaya naman, sisiguruhin nating ginagawa ng gobyerno ang lahat ng ating makakaya upang mapabilis ang rehabilitasyon at pagbangon ng mga pamayanang pansamantalang pinabagsak ng trahedya,” wika ng Pangulo.

Gaya nang lagi, ipamamalas natin sa mundo ang kakayahan nating magkapit-bisig at bumangon sa panahon ng pagsubok. Bilang responsableng kasamahan ng mga bansang nagsasalo sa iisang mundo, patuloy tayong makikilahok sa pag-abot ng ating kolektibong adhikaing itaguyod ang isang daigdig kung saan bawa’t indibiduwal at bawa’t bansa ay may paggalang at pagmamalasakit sa isa’t isa,” sabi ng Pangulong Aquino. PND (js/zaf)


 
Pulisya ng Surigao del Sur, pinuri ng Malacanang sa mabilis na pagkakasakdal sa apat na pinaghihinalaan sa pagpatay kay brodkaster Michael Melo

Pinuri ng pamahalaang Aquino ang Pulisya ng Lalawigan ng Surigao del Sur sa mabilis na pagsasakdal sa apat na pinaghihinalaang pumaslang sa brodkaster na si Michael Melo na binaril sa Lungsod ng Tandag sa Surigao del Sur noong Disyembre 6, sabi ni Kalihim Herminio “Sonny” Coloma, Jr. ng Presidential Communications Operations Office.

“Kaugnay ng pagpaslang noong Disyembre 6 sa brodkaster na si Michael Melo sa Lungsod ng Tandag, naiharap na ng Pulisya ng Surigao del Sur sa Tanggapan ng Tagausig ang sakdal na pagpatay laban kina April F. Melo (maybahay ng nasawi), Arnel Fernandez, Bernie Ann Fernandez at Police Officer 1 Hildo L. Patrimonio noong Disyembre 10,” sabi ni Kalihim Coloma.

“Umaasa kaming magiging daan ito para mapabilis ang karampatang pagdudulog ng impormasyon sa hukuman na hahantong sa pagkadakip sa mga pinaghihinalaan,” wika ni Coloma.

Si Melo, pambansang superbisor ng Prime Radio FM Dok Alternatibo, ay sakay ng kanyang motorsiklo nang barilin ng mga pinaghihinalaan na nakasakay rin sa motorsiklo sa Purok Palmera, Baranggay Mabua, Lungsod ng Tandag ika-4:30 ng hapon noong Disyembre 6.” PND (js/zaf)


Tinanggap ng Pangulong Aquino ang pagbibitiw ni Ricky Carandang

Tinanggap ng Pangulong Benigno S. Aquino III ang pagbibitiw sa tungkulin ni Kalihim Ricky Carandang ng Presidential Communications Development and Strategic Office Huwebes.

Sinabi ng Tagapagsalita ng Pangulo Edwin Lacierda sa pulong-balitaan sa Malacanang na nagharap ng pagbibitiw sa tungkulin si Carandang na magkakabisa sa Disyembre 31, 2013.

“Pinasalamatan ni Carandang ang Pangulo sa pagbibigay sa kanya ng pagkakataong makapaglingkod sa administrasyon at sa bansa. Nagpasalamat din ang Pangulo kay Carandang sa paglilingkod nito sa bayan,” wika ni Lacierda.

“Si Kalihim Carandang ay naglingkod sa unang kalahating mga taon ng termino ng Pangulong Aquino kung saan gumawa siya ng mga kinauukulang trabaho at humarap pa sa kamera para ipabatid sa madla ang mensahe ng Pangulo. Pagkaraan ng bakasyong karapat-dapat niyang gawin muna, babalik si Carandang sa pribadong sector, “dugtong ni Lacierda.

Ayon kay Lacierda, si Undersecretary Manolo Quezon, ang pinaka-senior sa mga pinuno ng PCDSPO, ang mangangasiwa sa pagpapatakbo ng opisina

Binigyang diin ni Lacierda na ang PCDSPO, ang Tanggapan ng Tagapagsalita ng Pangulo at ang Presidential Communications Operations Office ay magkakatuwang na nagsasagawa ng mga tungkuling may kaugnayan sa komunikasyon para sa Pangulong Aquino at sa gobyerno.

“Wala pa kaming alam na magiging pagbabago sa istraktura. Iyon ay pag-uusapan namin kung mayroon man. Sa kasalukuyan, lahat ng communication units ay magkakatuwang sa mga ginagawang tungkulin. Ang PCOO, gayundin ang PCDSPO at pati na ang Tanggapan ng Tagapagsalita ng Pangulo ay magkakatuwang at nag-uugnayan sa mga ginagawa,“ paliwanag pa ni Lacierda. PND (js/zaf)
 

No comments:

Post a Comment