Thursday, December 5, 2013

Presidential Communications Operations Office - Balitang Malacanang

Presidential Communications Operations Office - Balitang Malacanang


05  DISYEMBRE 2013



xxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxx


Tinanggap ng Pangulong Aquino sa Malacanang ang panauhing Pangulong Thein Sein ng Myanmar

Masiglang tinanggap ng Pangulong Benigno S. Aquino III ang Pangulong Thein Sein ng Republika ng Union of Myanmar na binigyan ng parangal sa Malacanang Huwebes.

Pinasalubungan ng 21 putok ng kanyon ang panauhing puno ng pamahalaan habang tinutugtog ang pambansang awit ng dalawang bansa ika-10:00 ng umaga sa bakuran ng Malacanang

Pagkaraan ng seremonya sa pagtanggap sa Pangulong Thein, isinagawa ang paglagda sa Guest Book ng Palasyo bago sila tumuloy sa Music Room.

Miyerkoles ng hapon dumating ang Pangulong Thein sa Maynila para sa tatlong araw na state visit sa bansa. Bago pumunta sa Malacanang Huwebes ng umaga, nag-alay muna ng bulaklak ang Pangulo ng Myanmar sa bantayog ni Dr. Jose Rizal sa Rizal Park.

Kasama ng Pangulo sa pagsalubong sa Pangulong Thein sa Malacanang sina Kalihim ng Gabinete Jose Rene Almendras, mga Kalihim Albert del Rosario ng Ugnayang Panlabas,Cesar Purisima ng Pananalapi, Proceso Alcala ng Pagsasaka, Carlos Jericho Petilla ng Enerhiya, Herminio “Sonny” Coloma, Jr. ng Presidential Communications Operations Office at Julia Abad, puno ng Presidential Management Staff.

Hahandugan ng state luncheon ng Pangulong Aquino ang Pangulong Thein pagkaraan ng pag-uusap nila at pagsaksi sa paglagda sa mga kasunduang tungkol sa pagtutulungan sa larangan ng kalakalan at pamumuhunan, kasapatan sa pagkain at pagsasaka, renewable energy, sa larangan ng palitan ng mga balita, sa radyo at telebisyon, industriya ng pelikula, ugnayang pangmadla, paglilimbag at paglalathala at kasunduan sa visa exemption ng ordinaryong pasaporte.

Lalagdaan din ng mga kinatawan ng chambers of commerce and industries ng dalawang bansa ang kasunduan upang palawakin ang pagkakataon sa negosyo at ugnayan sa kalakal.

Ayon kay Kalihim Coloma ng kumunikasyon, pagkatapos ng lagdaan, ipagkakaloob ng Ministry of Social Welfare, Relief and Resettlement ng Myanmar sa Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Kaunlaran ng Pilipinas ang donasyon ng Myanmar sa mga biktima ng lindol sa Bohol at sa mga biktima ng bagyong Yolanda sa Silangang Kabisayaan at Timog Luson.

Nakatakda ring magtungo ang Pangulo ng Myanmar sa International Rice Research Institute sa Los Banos, Laguna at sa lalawigan ng Cebu ukol sa mga pagkakataon sa pamumuhunan sa larangan ng pagsasaka at dalawin ang ilang pook na sinalanta ng bagyo, ayon kay Coloma.

Ito ang unang pagdalaw ng Pangulong Thein sa Pilipinas mula nang mahalal noong 2011. Ang huling dumalaw sa Pilipinas ay ang Punong Ministro Soe Win ng Myanmar noong 2005.

Unang nagkita ang Pangulong Aquino at si Pangulong Thein sa Nay Pyi Taw noong Hunyo 7, 2013 sa World Economic Forum on East Asia na ang Myanmar ang punung-abala. Sa 2015 naman magiging punung-abala ang Pilipinas sa nasabing pagtitipon.

Nagbigay ang Myanmar ng pitong toneladang relief goods at US$100,000 sa mga biktima ng bagyong Yolanda. Nagsimula ang ugnayang diplomata ng Pilipinas at Myanmar noong 1956. Sa 2016 ay ipagdiriwang ang ika-60 taon ng ugnayan ng dalawang bansa. PND (js/zaf)

Dahil sa bagong kasunduan, hindi na kailangan ng mga Pilipino ang visa para pumunta sa Myanmar

Maaari nang mamalagi sa Myanmar ang mga Pilipino sa loob ng 14 na araw nang hindi na kailangang kumuha ng visa matapos lagdaan Huwebes ang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Myanmar.

Ang kasunduan ay nilagdaan sa Malacangang kaugnay ng state visit ng Pangulong Thein Sien sa Pilipinas sa anyaya ng Pangulong Benigno S. Aquino III.

Ang kasunduang ito ay nilagdaan nina Kalihim Albert del Rosario ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas at ni Ministro Wunna Maung Lwin ng Myanmar.

Sang-ayon sa kasunduan, ang mga Pilipino na may ordinaryong pasaporte ay pinapayagan ng no-visa entry sa Myanmar para mamalagi roon ng hindi lalampas sa 14 na araw.

Salig naman sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 408, ang mamamayan ng Myanmar ay makapapasok na sa Pilipinas nang walang visa at maaaring mamalagi rito sa loob ng 30 araw.

Sa pansamantalang pagdalaw na saklaw ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 408 ay kabilang ang mga kumperensiya, pulong ng mga kompanya, workshops/seminars, pagpapagamot, at mga biyaheng personal ang pakay para sa paglilibang na tulad ng turismo/pamamasyal, pagdalaw sa mga kamag-anak at/o mga kaibigan, paglilibang at pamamasyal. PND (jl/zaf)

Ibayong pagtutulungan ng Pilipinas, Myanmar ukol sa kasapatan sa pagkain

Ibayong pagtutulungan ang gagawin ng Pilipinas at Myanmar upang matiyak ang kasapatan sa pagkain matapos malagdaan ang isang Memorandum of Understanding (MOU) ukol dito Huwebes.

Nilagdaan ng mga pinuno ng Pilipinas at Myanmar ang MOU sa Malacanang kaugnay ng state visit sa Pilipinas ng Pangulong Thein Sein ng Myanmar.

Ang nasabing kasunduan ay nilagdaan nina Kalihim Proceso Alcala ng Pagsasaka ng Pilipinas sa isang dako at ni Ministro ng Pagsasaka at Patubig Myint Hlaing ng Myanmar.

Sa ilalim ng nasabing kasunduan, ang dalawang bansa ay magkakaroon ng pangkalahatang balangkas ng pagtutulungan sa larangan ng kasapatan sa pagkain at sa pagsasaka.

May tuntunin din ito ukol sa pagsusulong ng pamumuhunan sa pamamagitan ng magkatuwang na gawain. PND (jl/zaf)

Kasunduan sa renewable energy, nilagdaan ng Pilipinas at Myanmar

Maaari na ngayong pagtuwangan ng Pilipinas at Myanmar ang higit pang pagpapabuti sa paggamit ng dalawang bansa ng renewable energy matapos malagdaan Huwebes ang Memorandum of Agreement (MOA) Huwebes tungkol sa bagay na ito.

Ang kasunduan ay nilagdaan ng dalawang panig sa Malacanang kaugnay ng state visit ng Pangulong Thein Sein ng Myanmar sa Pilipinas.

Sa panig ng Pilipinas ay si Kalihim Carlos Jericho Petilla ng Enerhiya ang lumagda at si Ministro Zayar Aung ng Enerhiya naman sa panig ng Myanmar.

Salig sa MOA, magpapalitan ang dalawang bansa ng technical expertise, gayundin sa larangan ng magkasanib na pananaliksik at mga gawaing tungo sa kaunlaran ng yamang renewable energy.

Upang matagumpay na magamit ang teknolohiya at ang pangangalakal dito, magtutulungan din ang dalawang bansa sa palitan ng impormasyon at networking at mga kaugnay na gawain. PND (jl/zaf)

Pinapayagan ng bagong kasunduan ng Pilipinas at Myanmar ang pagtutulungan at pagpapalitan ng impormasyon ng media

Lalo pang mapalalakas ng mga kompanya ng media sa Pilipinas at Myanmar ang kanilang pagtutulungan sa impormasyon matapos malagdaan ang isang Memorandum of Understanding (MOU) sa Palasyo ng Malacanang Huwebes.

Nilagdaan ang kasunduan sa ikalawang araw ng state visit ng Pangulong Thein Sein ng Myanmar sa Pilipinas.

Ang lumagda sa panig ng Pilipinas ay si Kalihim Herminio Coloma, Jr. ng Presidential Communications Operations Office at si Deputy Minister for Information Ye Htut ng Myanmar.

Itinatadhana ng MOU ang palitan ng pagdalaw ng mga mamamahayag, pagtutulungan ng mga pribadong radio and TV networks at ng mga pinakamahusay na kaugalian sa papel ng media sa larangan ng pambansang kaunlaran at prosesong pangkapayapaan.

Saklaw rin nito ang pagpalitan ng balita, brodkasting sa radyo at telebisyon, industriya ng pelikula, public relations, paglilimbag at paglalathala. PND (jl/zaf)

Pinalakas ng Pilipinas at ng Myanmar ang ugnayan sa kalakalan sa pinagtibay na mga bagong kasunduan

Pinalakas pang lalo ng Pilipinas at Myanmar ang ugnayan nila sa larangan ng kalakalan nang lagdaan sa Malacanang Huwebes ang dalawang kasunduan.

Ang dalawang kasunduan ay nilagdaan kapuwa sa ikalawang araw ng tatlong araw na state visit ng Pangulong Thein Sein ng Myanmar sa Pilipinas.

Unang nilagdaan ang isang Memorandum of Understanding sa pagitan ng Pilipinas at Myanmar ukol sa pagtutulungan sa kalakalan at pamumuhunan.

Sa panig ng Pilipinas, ang lumagda ay si Pangalawang Kalihim Ponciano Manalo, Jr. ng Kalakal at Industriya at sa panig naman ng Myanmar ay si Embahador Ye Myint Aung ng Myanmar sa Pilipinas.

Sa ilalim ng MOU, magiging ibayo ang pagtutulungan ng dalawang bansa sa pagpapabilis ng mga pamumuhunan sa Pilipinas at Myanmar sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng kaalamang may kaugnayan sa impormasyon at pagsangguni sa mga mangangalakal ng mga bagay na may kinalaman sa pamumuhunan.

Sa kabilang dako, nilagdaan naman ng mga grupo ng mangangalakal ng dalawang bansa ang Memorandum of Agreement tungo sa ibayong pagtutulungan.

Ang mga lumagda sa MOA ay sina Miguel Varela, pangulo ng Philippine Chamber of Commerce at Win Aung, pangulo ng Federation of Chambers of Commerce and Industry ng Republic of the Union of Myanmar.

Alinsunod sa MOA, ang dalawang grupo ay magtatatag ng ugnayan sa negosyo sa pamamagitan ng mga kumperensiya, seminars, study tours, pagdadalawan ng mga grupo ng mangangalakal at paglahok sa trade fairs. PND (jl/za)

Nagbigay ng tulong ang Myanmar para sa mga biktima ng bagyong 'Yolanda' at mga sinalanta ng lindol

Kabuuang $150,000 ang ibinigay ng Myanmar para sa mga biktima ng dalawang katatapos na kalamidad sa Pilipinas kaugnay ng state visit ng Pangulong Thein Sein sa Pilipinas.

Ang donasyong ito ay ang $100,000 para sa mga sinalanta ng napakalakas na bagyong "Yolanda" sa Silangang Kabisayaan at Timog Luson noong Nobyembre 8 at $50,000 naman para sa mga naging biktima ng 7.2 lakas ng lindol sa Gitnang Kabisayaan noong Oktubre 15.

Tinanggap ni Kalihim Albert del Rosario ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas ang donasyon ng Myanmar buhat kay Dr. Myat Ohn Khin, ministro ng Ministry of Social Welfarte, Relief ang Resettlement ng Myanmar.

Sinabi ng Pangulong Thein Sein ng Myanmar na nakikiramay ang kanilang bansa sa Pilipinas at nauunawaan nila ang masaklap na karanasang ito sapagka’t sila man noong 2008 ay nagdanas ng matinding kalupitan ng Kalikasan nang hagupitin sila ng isang malakas cyclone noong 2008. Magsasadya ang Pangulong Thein sa mga pook na sinalanta ng kalamidad sa Cebu Biyernes.

Mahigit na 5,600 ang patay na iniwan ng napakalakas na si Yolanda at mahigit na P30 bilyon naman ang pinsalang idinulot matapos dumaan sa Kabisayaan at ilang bahagi ng Timog Luzon.

Pinasalamatan ng Pangulong Benigno S. Aquino III ang Myanmar sa donasyong kabuuang $150,000 at sa mga relief goods para sa mga biktima.

“Ang Myanmar ay isa sa mga bansang tumulong sa atin habang sinasalanta tayo ng Bagyong Yolanda. Pinasasalamatan ko ang Pangulo sa pagpapahatid ng pakikiramay at pakikiisa sa ating mga kababayang biktima ng malagim na kalamidad na ito. Nais kong pasalamatan nang taos-puso ang Pamahalaan ng Myanmar sa pagkakaloob ng $100,000 tulong, bukod pa sa pitong toneladang relief goods na inihatid ng eroplano ng Myanmar Defense Services,” wika ng Pangulong Aquino. PND (jl/zaf)

No comments:

Post a Comment