Wednesday, December 11, 2013

Presidential Communications Operations Office - Balitang Malacanang

Presidential Communications Operations Office - Balitang Malacanang


11 DISYEMBRE 2013












Kinilala ng alkalde ng Tacloban ang tulong ng pambansang pamahalaan

(LUNGSOD NG TACLOBA, Leyte) Kinilala ni Alkalde Alfred Romualdez ang tulong ng pambansang pamahalaan sa kanyang nawasak na lungsod na ito matapos salantain ng napakalakas na bagyong Yolanda nang umaasang maitutuwid nito ang ilang ulat sa pambansang media matapos ng madamdamin niyang pagharap kamakailan sa pagdinig ng Senado, pagliliwanag ni City Administrator John Tecson Lim.

“May sound bite na baka mamali ang pakahulugan na sinabi niyang walang ginawa ang pambansang pamahalaan. Hindi po gayon. Kinikilala po namin at pinasasalamatan ang lahat sa mga tulong nila,” sabi ni Lim sa mga reporter sa ngalan ni Alkalde Romualdez pagkaatpos ng pulong ng Regional Disaster
Risk Reduction Management Council (RDRRMC).

Inulit ni Lim na nagpapasalamat si Mayor Romualdez sa lahat, hindi lamang sa mga kagawad ng RDRRMC, kundi pati sa mga tauhang ipinadala ng mga lokal na pamahalaan at mga ahensiya ng pambansang pamahalaan mula sa iba-ibang rehiyon nang humingi sila ng tulong.

Naluha si Romualdez nang humarap sa pagdinig ng Congressional Oversight Committee on the Philippine
Disaster Risk Reduction and Management sa Senado Lunes kung saan sinabi niya na hindi pinaunlakan ni Kalihim Manuel Roxas ng Interyor ang hiling niya na dagdag na mga tao buhat sa pambansang pamahalaan habang hindi nagkakaroon ng nakasulat na ordinansa para maging legal ang nasabing operasyon.

Naging sanhi ng mainit na balitaktakan ang isyung ito na ayaw na ng lokal na pamahalaan ng Tacloban na palakihin pa, ayon kay Lim, at idinagdag na hindi naman sana makaapekto ang bagay na ito sa ginagawang tulong at rehabilitasyon dito.

Ayon kay Lim, ibinilin sa kanya ng Alkalde na paratingin ang pasasalamat nila sa lahat ng tumulong, tumutulong at tutulong pa sa lungsod na ito at sana ay magpatuloy ang pagtutulungan sa pagbabagong tatag na magkatulong na ginagawa.

Binigyang diin ni Lim na malaking bagay ang lahat ng tulong na tinatanggap nila buhat sa iba-ibang sektor.

“Hindi namin malilimot ang tulong nang lahat. Alam ko na laging salamat po ang sinasabi ko sa inyo at ngayon, uulitin ko po ang maraming salamat sa lahat. Maraming-maraming salamat po,” wika pa ni Lim. PND (hdc/zaf)

Pupulungin ng Pangulo sa ika-2 pagkakataon ang mga Pilipino sa Hapon

(TOKYO, Hapon) Sa ikalawang pagkakataon sapul nang manungkulan siya na Pangulo, makakaniig ng Pangulong Benigno S. Aquino III ang mga Pilipino dito pagdating niya Huwebes kaugnay ng tatlong araw na official visit upang daluhan ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)-Japan Commemorative Summit na idaraos dito Sabado, Disyembre 14.

Ang unang-unang gagawin ng Pangulong Aquino rito ay ang pulong niya sa may 202,974 Pilipino na naninirahan at nagtatrabaho sa Hapon. Una niyang nakapulong ang mga Pilipino rito noong 2010 nang dumalo siya sa Asia-Pacific Economic Cooperation Summit sa Yokohama.

Sa talumpati niya sa mga samahan ng mga Pilipino rito ay pasasalamatan ng Pangulo ang malaking ambag ng mga ito sa ekonomya ng Pilipinas dahil sa USD 452,048,000 na ipinauuwi nila sa kanilang mga mahal sa buhay sa bansa hanggang noong Agosto 2013.

Sa nakatakdang pulong na ito sa Large Hall ng Arts Building ng National Olympics Memorial Youth Center, ibibigay ng mga Pilipino sa Pangulong Aquino ang Isang milyong yen na symbolic check para sa mga biktima ng napakalakas na bagyong Yolanda na nagwasak sa malaking bahagi ng Silangang Kabisayaan at sa Timog Luson.

Sa pagkakataong ito ay gagawaran ng Pangulong Aquino ng Presidential Medal of Merit si Ambeth Ocampo, tagapangulo ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas.

Sina Embahador Manuel Lopez ng Pilipinas sa Hapon, gayundin sina Joyce Ogawa, tagapangulo ng Philippine Assistance Group na kumakatawan sa Rehiyong AKanto, sit Jocelyn Yoshitomi, tagapangulo ng Philippine Community Coordinating Council na kinatawan ng Rehiyong Kansai.

Binubuo ng mga Pilipino ang 10 porsiyento ng mga dayuhan sa Hapon at pangatlo sa pinakamalaking populasyon ng mga banyaga rito. Salig sa opisyal na data ng pamahalaang Hapones ay aabot sa 202,974 ang mga Pilipino sa Hapon na ang 6,908 ay walang valid visas.

Mahigit na kalahati ng mga Pilipino ay permanent migrants na ang karamihan ay kabiyak ng puso, kamag-anak ng mga mamamayang Hapones o permananteng visa holders. May 46 por-siyento ng mga Pilipino rito ang mga temporary migrants na binubuo ng mga manggagawang nagtatrabaho rito, gayundin ang (38%) na nagtatrabaho nang walang visa.

Ang mga temporary migrants na may work visa ay nasa larangan ng edukasyon, inhinyerya, technical skills training at intercompany work. Mahigit na kalahati sa kanila ay mga technical trainees habang ang pangalawang pinakamalaking grupo ay mga inhinyero.

Ang Pangulong Aquino ay nakatakdang umalis sa Maynila Huwebes ng umaga. Sasalubungin siya nina Embahador Lopez at iba pang pinuno ng Embahada pagdating sa Tokyo International Airport. PND (jb/zaf)

Nagtutulong ang Kagawaran ng Enerhiya, Energy Regulatory Commission para mapagaan ang epekto ng pagtaas ng halaga ng koryente-- Palasyo

Nagtutulong ang Kagawaran ng Enerhiya at ang Energy Regulatory Commission (ERC) para mapagaan ang epekto sa sambayanan ng pagtataas ng bayad sa koryente bunga ng pagkasara ng Malampaya, wika ng Malacanang Miyerkoles.

“Ang unang-unang inaalagata ng pamahalaan ay kung paano mapagagaan ang pasanin ng taong bayan kapag tumaas ang halaga ng koryente dahil sa pagkasara ng Malampaya,” wika ni Kalihim Herminio “Sonny” Coloma, Jr. ng Presidential Communications Operations Office sa pulong balitaan sa Malacanang.

Kinatigan ng ERC ang hakbang ng Kagawaran ng Enerhiya na hatiin sa tatlo ang ipatutupad na dagdag-singil upang hindi mabigatan ang mga consumers, ayon kay Coloma.

Sinabi ni Coloma na pinag-aaralan pa rin ng pamahalaan ang ibang paraan upang mapagaan ang dalahin ng mga consumers, kasama na ang mahigpit na pagsubaybay sa iskedyul ng mga pagsasara ng power generators.

“Kaugnay nito, inatasan ng DOE ang ERC na alamin ang outages ng maraming planta ng koryente na naganap habang ang Malampaya ay kinukumpuni,” sabi ni Kalihim Coloma.

Sa ilalim ng Batas ng EPIRA, katungkulan ng DOE at ERC na tiyaking ang pagtataas ng halaga ng koryente ay hindi bunga ng pagmamalabis.

Ang maintenance shutdown ng pasilidad ng Malampaya deep water-to-gas facility sa buwan ng Nobyembre at Disyembre ayon sa mga pinuno ay malamang maging daan ng pagtaas ng singil sa koryente. Ang pagsasara ng Malampaya ay ginagawa tuwing ikalawang taon.

Ang iskedyul ng pag-aayos ng Malampaya, na gumagamit ng hindi magastos at katutubong pinagmumulan ng enerhiya sa may Palawan, ay nalipat sa Nobyembre 9 hanggang Disyembre 8 sa halos kahalintulad na panahon na ang ibang power generating plants na magsasara rin para gawin ang pagkukumpuni.

Ang dagdag sa singil sa koryente ay sisingilin sa buwan ng Disyembre, sabi ng pinuno. PND(as/zaf)

Inatasan ng Pangulong Aquino ang Gabinete na panumbalikin agad ang maayos na ekonomya sa mga pook na apektado ng kalamidad

Inatasan ng Pangulong Benigno S. Aquino III ang Gabinete na madaliin ang panunumbalik ng kalagayang pangkabuhayan at panlipunan sa mga pook na sinalanta ng kalamidad sa pamamagitan ng paglalabas ng P238.6 milyon sa National Housing Authority (NHA) upang maipagpatayo na ng bahay ang mga nasalantang pamilya.

Sinabi ni Kalihim Herminio “Sonny” Coloma, Jr. ng Presidential Communications Operations Office sa pulong balitaan sa Malacanang Miyerkoles na binigyang diin ng Pangulo na dapat na tiyaking matatag ang mga bahay na gagawin para hindi mapinsala ng kalamidad.

Binigyang diin ng Pangulo, ayon kay Coloma, na dapat madaliin ang paggawa ng bahay ng mga tao sa mga napinsalang pook para makapagpatuloy na ang normal na buhay at magkaroon na ng kabuhayan at trabaho ang mga tao sa nasabing nasalantang pook.

Binanggit ni Coloma ang ulat ni Kalihim Florencio Abad ng Budget Martes ang paglalabas ng P238.6 milyon para sa NHA upang ipagpagawa ng mga pabahay ng mga maliliit ang kita at mga dukhang pamilya, gayundin ang mga informal settlers na napinsala ng Yolanda.

Sa kasalukuyan, ayon kay Coloma, ginagawa na ng Kagawaran ng Pagawaing Bayan at Pambansang Lansangan ang mga pansamantalang tutuluyan at mga bunkhouses para sa mga biktima ng bagyo sa Silangang Kabisayaan at Timog Luzon.

Sa isang dako, iniulat din ni Coloma na iniharap ni Kalihim ng Socioeconomic Planning Arsenio Balisacan ang panukala ng National Economic and Development Authority tungo sa gagawing pagbangon ng mga pook na malubhang napinsala ng bagyo.

Ipinakita ni Kalihim Coloma sa pulong balitaang ito ang Pathways to Recovery chart na nagsasaad ng mahahalagang bahagi ng mga karampatang na habang na gagawin sa pagbabagong tatag ng Silangang Kabisayaan at Timog Luzon.

Iniharap naman ni Kalihim Manuel Roxas ng Interyor at Lokal na Pamahalaan ang ulat ng 171 LGUs, kabilang ang 46 lungsod at 125 bayan na malubhang napinsala ng bagyong Yolanda at kailangang ipagawa ang nasirang gusali ng munisipyo, mga pamilihang bayan at iba pang mga pasilidad nila, sabi ni Coloma.

Ang panukala sa pagbabagong tatag ng negosyo, kasama ang pagpapautang sa mga malubha ang pinsalang natamo, pagsusulong ng mga industriyang lilikha ng trabaho at duty-free access sa Estados Unidos ng mga lokal na produktong buhat sa mga sinalanta ng Yolanda, paliwanag pa ni Coloma.

Ipinaalam naman sa Pangulo ni Kalihim Panfilo Lacson ng Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery na malaki ang interes ng pribadong sektor na mamuhunan sa pagbabagong tatag ng mga pook na sinalanta ng bagyo at hihilingin niya sa mga ito na magharap ng mga kongkretong panukala para sa mga bagay na ito. PND (js/zaf)

Dahil Simbang-Gabi na sa isang linggo, aayusin ng PNP ang oras ng ‘curfew’ sa Lungsod ng Tacloban

(LUNGSOD NG TACLOBAN, Leyte) Aayusin ng Pambansang Pulisya ang oras ng “curfew” sa lungsod na ito dahil sa pagsisimula ng Simbang-Gabi sa Lunes.

Sinabi ni Chief Superintendent Henry Losanes, puno ng pulisya ng Silangang Kabisayaan, sa mga reporter dito na magpupulong sila ng mga kagawad ng Regional Disaster Risk Reduction
Management Council (HDRRMC) at kakausapin ang mga pinuno ng Simbahang Katoliko rito tungkol sa paghahanda sa pangangalaga ng kaayusan sa pagsisimula ng taunang Simbang Gabi rito.

“Pagkatapos ng pulong namin, sisikapin kong makausap ang Obispo tungkol sa Simbang Gabi para maiangkop namin ang oras sa ipinatutupad nating curfew,” wika ni Losanes.

Disyembre 16 nagsisimula ang Simbang-Gabi o siyam na araw bago sumapit ang Pasko. Ang misang ito ay dinaragsa ng mga Katoliko bilang isang kaugaliang nagpasalin-saling lahi na sa loob ng nakaraang mga dantaon.

Nagtakda ang PNP ng ‘curfew’ sa lungsod na ito at Guiuan, Silangang Samar mula ika-8:00 ng gabi hanggang ika-5:00 ng umaga matapos maganap ang mga nakawan at iba pang krimen nang salantain ng napakalakas na bagyong Yolanda ang lungsod na ito.

Nagpasalamat naman si City Administrator John Tecson Lim sa mga pribadong samahang tumutulong upang mamayani ang diwa ng Pasko sa kanilang bayan kahit ngayon pa lamang nakababangong unti-unti ang taong bayan sa malubhang pinsala ng bagyo.

Pinasalamatan din ni Lim ang Wish Ko Lang Foundation ng GMA-7 sa Christmas tree na inilagay nila sa City Hall noong Martes, gayundin sa Bureau of Fire Protection at sa Bureau of Jail Management and Penology sa pagtulong para maging matagumpay ang okasyong ito.

Sinabi rin ni Lim na magbubukas na sa Disyembre 19 ang Robinsons supermarket and department store na pinagnakawan ng ilang mamamayan ng lungsod na ito pagkatapos manalanta ang Yolanda. PND (hdc/zaf)

Patungong Hapon ang Pangulong Aquino Huwebes para daluhan ang ‘Association of Southeast Asian Nations-Japan Commemorative summit’

Patungong Tokyo, Japan ang Pangulong Benigno S. Aquino III Huwebes upang daluhan ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)-Japan Commemorative Summit”, ayon kay Kalihim Herminio “Sonny” Coloma, Jr. ng Presidential Communications Operations Office.

Sinabi ni Coloma sa pulong-balitaan sa Malacanang na pagdating ng Pangulong Aquino sa Tokyo ay agad siyang dadalo sa pagtitipon ng mga Pilipino sa naturang bansa.

“Kinabukasan, ang Pangulo at ang Punong Ministro Shinzo Abe ay magpupulong upang talakayin ang programa ng pamahalaan tungkol sa pagbabagong tatag ng mga napinsala ng bagyong Yolanda, gayundin ang maritime cooperation, proseso ng kapayapaan sa Mindanao at ang people-to-people exchanges,” dagdag ni Coloma.

Biyernes ng gabi, ang Pangulo at iba pang mga puno ng ASEAN ay dadalo sa hapunang alay ni Punong Ministro Abe at ng maybahay nito, Akie Abe, sa opisyal na tahanan ng Punong Ministro.

Kasamang Pangulo sa pagtungo sa Japan sina Kalihim ng Gabinete Jose Rene Almendras, mga Kalihim Albert del Rosario ng Ugnayang Panlabas, Cesar Purisima ng Pananalapi, Gregory Domingo ng Kalakal at Industriya, Joseph Emilio Abaya ng Trasportasyon at Komunikasyon, Kalihim ng Komunikasyon Coloma at Julia Abad ng Presidential Management Staff.

Inaasahang pag-iibayuhin ng Pangulong Aquino ang pagsusulong ng kapakanang pangkabuhayan ng Pilipinas sa pakikipagpulong niya sa mga mangangalakal na Hapones sa pagdalaw niyang ito sa Japan. (js/zaf)

No comments:

Post a Comment