Monday, December 9, 2013

Presidential Communications Operations Office - Balitang Malacanang

Presidential Communications Operations Office - Balitang Malacanang


09 DECEMBER 2013



------------------------------------------------------------------------------------------------------

Gagawaran ng ‘honorary doctorate degree’ ang Pangulong Aquino sa Sophia University ng Tokyo

(TOKYO, Hapon) Gagawaran ang Pangulong Benigno S. Aquino III ng honorary doctoral law degree ng Sophia Univerwsity ng Tokyo pagdalaw niya rito ngayong linggong ito.

Nakatakdang magtungo ang Pangulong Aquino sa nasabing pamantasan sa Biyernes ng umaga bago siya makipagpulong kay Punong Ministro Shinzo Abe ng Hapon.

May 150 panauhing buhat sa pamahalaan, mga lider ng negosyo, think tanks, diplomatic corps at mga Pilipino ang inaasahang dadalo sa pagtitipong naturan.

Si Tadashi Takizawa, pangulo ng Sophia University, ang magbibigay ng paunang pananalita bago igawad sa Pangulong Aquino ang
Honorary Doctorate Degree.

Inaasahang magtatalumpati ang Pangulong Aquino matapos ang talumpating pagbati sa kanya ni Chancellor Toshiaki Koso.

Pagkatapos ng pagtitipon sa nasabing pamantasan, ang Pangulo at ang delegasyon niya ay tutuloy sa tahanan ni Punong Ministro Abe para sa bilateral meeting at working lunch nila.

Ang paggagawad ng pandangal na titulo sa Pangulo ay isa sa mahalagang gawaing kaugnay ng pagdalaw niya sa Hapon kaugnay ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)-Japan Commemorative Summit.

Ang Sophia University ay istitusyong Heswita at may exchange agreements sa mga pamantasan ng Heswita, kabilang ang Ateneo de Manila University kung saan nagtapos ang Pangulong Aquino. PND (jl/zaf)

Pinakamahahalagang aral ng buhay ang natutuhan ng mga taga-palo sa bagyong ‘Yolanda’

(PALO, Leyte) Ang tatag ng Pilipino at lakas ng pananampalatayang Katoliko ang ipinamalas Linggo ng mga nakaligtas sa lupit ng bagyong “Yolanda” nang isalaysay nila ang lahat ng natatandaan nilang mga naganap noong araw na iyon, Nobyembre 8, ang ibinunga nitong walang katulad na pinsala at kunhg paanong tinulungan sila ng Maykapal sa kahila-hilakbot na mga pangyayaring yaon.

Isinalaysay ni Pari Sunny Quejada sa mga taong siksikan sa loob ng Katedral ng Palo ang pinagdaanang hirap ng kalooban nang malamang ‘nawawala’ ang kanyang ina at nakatatandang kapatid na babae. Ni minsan ay hindi sumagi sa isip niyang sisihin ang Diyos sa nang- yari sa ina at kapatid. Agad nagpaalam ang 33 taong gulang na pari upang sumaglit sa Aurora kung saan naroon ang kanyang mga magulang

Agad niyang hinanap ang ina at kapatid. Nilalapitan niya ang mga bangkay at ipinagdasal ang mga nakitang nakabulagta sa gilid ng mga lansangan upang alamin kung ina o kapatid niya ang sino man dito. Kahit paano, nakahinga siya nang maluwag dahil wala sa mga nakabulagtang mga bangkay ang hinahanap niya. Ayon kay Pari Quesada, sa ubod ng puso niya ay nais niyang maktiang buhay ang kanyang ina. Pagkalipas ng ilang araw, natagpuan na ang bangkay ng kanyang ina at inihanda na niya ang kanyang sarili sa katotohanang baka pati ang kapatid niya ay patay na rin.

Sa gitna ng pagdadalamhati, siya ang nag-ayos sa paglilibing ng butihin niyang ina. Ibinili niya ito ng kabaong at inayos ang mga kasulatang kailangan sa gitna ng matinding kalungkutang nadarama niya. Siya pa rin ang nagmisa para sa kanyang ina.

“Mga mga paring nahihirapang magmisa para sa kanilang mga mahal sa buhay dahil sa nadaramang lungkot. Subali’t, sinikap kong ako ang magmisa para sa yumao kong ina bago siya ihatid sa huling hantungan,” madamdaming wika ni Pari Quejada sa Wikang Pilipino habang sa mukha niya ay bakas ang matinding pamimighati.

Inamin ni Pari Quejada na sumagi sa isip niyang itanong sa kanyang mga kapatid na lalaki kung bakit pinabayaang masawi ang kanilang ina at kapatid, subali”t hindi niya itinuloy agad ang balak na ito dahil alam niyang higit na mabigat ang pagdadalamhating pinagdaraanan ng mga ito sapagka’t saksi sila sa walang katulad na lupit ni Yolanda.

Sa halip, nanalangin at nagpasalamat si Pari Quejada sa Dakilang Lumikha dahil na nadama niya ang masaklap na karanasang ito na lalong nagpatibay ng buklob ng pamilya nila. Sa tulong ng Diyos, minarapat niyang inukulan niya ng positibong pananaw ang masaklap na karanasang ito sa bagyong Yolanda.

Pinaluwas sa Maynila ni Pari Quejada ang kanyang mga kapatid at pamilya upang doon simulang muling ayusin ang kanilang mga buhay. Balak din niyang bumalik sa kanyang sariling parokya sa lalong madaling panahon upang mapaghandaan ang tradisyunal na Misa de Gallo o Simbang-Gabi.

Ang salaysay ni Pari Quejada ay isa lamang sa mga kuwento rito sa Palo na naging bahagi ng Days of Prayer and Remembrance siang buwan matapos manalanta ang pinakamalakas na bagyong Yolanda sa Leyte at iba pang panig ng Kabisayaan at Timog Luzon.

Sinabi ni Monsenyor Bernie Pantin, kura paroko ng Katedral ng Palo na ang pagtitipong ito ay ginanap upang marinig ang magkakatulad na karanasan ng paghihilom at pag-ahon sa masaklap na mga masaklap na karanasan upang alayan ng dalangin ang mga mahal sa buhay na nasawi, gayundin ang pakikiramay sa kanilang mga kaanak at kaibigang dumanas din ng walang katulad na kalupitan at pinsala ni Yolanda.

Alay rin ang Araw ng Panalangin at Paggunita ng mapapalad na nakaligtas at nagkaroon ng panibagong pagkakataon sa buhay pagkatapos ng mapamuksang bagyong Yolanda upang magpasalamat sa Lumikha at ipagdasal ang napakaraming may mabuting kaloobang mga tao na patuloy na nagtutulung-tulong upang alalayan ang proseso ng paghihilom at rehabilitasyon ng napakagandang Pulong Lalawigan ng Leyte.

Sa pagkakataong ito, isang pangkat ng mga batang nakaligtas sa trahedya ang nagparinig ng mga awiting Yesterday’s Dream at “Pag-ibig Tulad ng Batis” na sinalubong ng masigabong palakpakan, pagbubunyi at patak ng mga luha ng kagalakan ng mga taong nasa Katedral.

Si Arsobispo John Du ng Palo ang nag-alay ng panalangin bago sinimulan ang Banal na Misa. PND (hdc/zaf)

Isusulong ng Pangulong Aquino ang kapakanan sa ekonomya ng Pilipinas sa pakikipagpulong niya sa mga negosyanteng Hapones pagpunta sa Tokyo

(TOKYO, Hapon) Isusulong ng Pangulong Benigno S. Aquino III ang kapakanan sa ekonomya ng Pilipinas sa nakatakdang pakikipagpulong niya sa mga grupo ng negosyanteng Hapones at mga delegasyon pagtungo niya rito.

Pangungunahan ng Pangulong Aquino ang delegasyon ng Pilipinas sa Tokyo na lalahok sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)-Japan Commemorative Summit dito.

Sa Biyernes nakatakdang makipagpulong ang Pangulong Aquino sa Nippon Keidanren (Japan Business Federation) sa Meeting Room ng Keidanren Kaikan sa Chiyodaku rito.

Makikipagpulong ang Pangulo at ang delegasyong Pilipino sa 12 kinatawan ng Japan Business Federation sa pangunguna ni Hiromasa Yonekura.

Gaganapin ang pulong na ito pagkatapos ng bilateral meeting at working lunch kay Punong Ministro Shinzo Abe.

Sa Biyernes din, ang Pangulo ay nakatakdang sadyain nina Gobernador at Gng. Haruhiko Kuroda ng Bank of Japan sa Main Building ng Imperial Hotel.

Sa Sabado, ang Pangulong Aquino at ang mga kapuwa puno ng bansang ASEAN ay dadalo sa tanghaliang hangod ng Japan business community, kabilang ang Keidanren at ang Japan chamber of Commerce and Industry sa gusali ng Japan Business Federation.

Sabado rin gaganapin ang pakikipagpulong ng Pangulo at ng delegasyong Pilipino sa mga pinuno ng Sumitomo Mitsui Banking Corporation na kakatawanin ni Teisuke Kitayama, tagapangulo at Hiroshi Minoura, pangalawang pangulo.

Samantala, nakatakdang saksihan ng Pangulo ang paglagda sa memorandum of understanding para sa isang 850-room retirement community sa Lungsod ng Cebu.

Lalagda sa kasunduang ito ang mga pinuno ng pamahalaan ng Lungsod ng Cebu, ang 1-Land Co., real estate firm ng Hapon at ang Primary Structures na kompanya sa kostruksiyon.

Gabi ng Sabado naman makikipagpulong ang Pangulong Aquino at ang delegasyon ng Pilipinas sa mga pinuno ng Nidec Sankyo Corporation sa pangunguna ng tagapangulo nito na si Shigenobu Nagamori. PND (jl/zaf)

Magandang samahan ng Pilipinas at Hapon ang isusulong ng Pangulo sa pagdalaw sa Tokyo

(TOKYO, Hapon) Ibayong magandang pagsasamahan ng Pilipinas at ng Hapon ang isusulong ng Pangulong Benigno S. Aquino III pagtungo niya rito para dumalo sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)-Japan Commemorative Summit.

Lalahukan ng Pangulong Aquino at ng delegasyon ng Pilipinas ang mga pagtitipong naglalayong lalo pang gumanda ang ugnayan ng Pilipinas-Hapon sa iba-ibang larangan.

Sa Biyernes nakatakdang tumanggap ang Pangulo ng honorary doctorate law degree mula sa Sophia University dito.

Pagkatapos, ang Pangulo at Punong Ministro Shinzo Abe ng Hapon ay magsasagawa ng bilateral meeting at working lunch sa opisyal na tahanan ng Punong Ministro.

Susundan ito ng pakikipagpulong ng Pangulo sa Nippon Keidanren (Japan Business Federation) sa Keidanren Kaikan sa hapon.

Makakasama rin ang Pangulong Aquino ng mga kapuwa puno ng ASEAN sa pagtitipong handog nina Emperadzor Akihito at Emperatris Michiko sa Palasyo ng Emperador sa Chiyoda, Tokyo.

Sa Biyernes din, ang Pangulo at ang delegasyong Pilipino ay dadalawin ng Japan Philippines Parliament Asians Friendship League (JPPFL) sa Imperial Hotel.

Ang delegasyon ng JPPFL ay pangungunahan ni Minister ng Katarungan Sadakazu Tanigaki, tagapayo; tagapangulong Kenji Kosaka; pangalawang tagapangulong Takeshi Maeda; punong kalihim Yukio Ubukata at pangkalahtang kalihim Taku Otsuka.

Pagkatapos nito, pupunta naman sina Gobernador ng Banko ng Hapon at Gng. Haruhiko Kuroda para makapulong ang Pangulong Aquino.

Sa Biyernes ng gabi, makakasama ng Pangulo ang mga puno ng ASEAN sa isang state dinner na handog ni Punong Ministro Abe at ng maybahay nito, Akie Abe, sa opisyal na tahanan ng Punong Ministro.

Sa Sabado, dadalo ang Pangulo sa ASEAN-Japan Commemorative Summit sa Akasaka State Guest House kung saan inaasahang ilalahad ng Pangulong Aquino ang pahayag sa summit. PND (jl/zaf)

Pag-aaralan ng DSWD kung itutuloy pa sa isang taon ang pamamahagi ng relief goods sa mga biktima ng Yolanda

(LUNGSOD NG TACLOBAN, Leyte) Malamang ipagpatuloy pa sa isang taon ang pamamahagi ng relief goods sa malubhang napinsala ng bagyong Yolanda sa Kabisayaan, ayon sa pampurok na tanggapan ng Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Kaunlaran sa Silangang Kabisayaan.

Unang sinabi ng DSWD na ang pamamahagi ng tulong ay hanggang sa katapusan na lamang ng taong kasalukuyan, subali’t maaaring mabago ito salig sa pagtaya ng kalagayan doon ni Nestor Ramos, officer-in-charge ng DSWD sa Silangang Kabisayaan.

Sinabi ni Ramos sa mga kagawad ng Regional Disaster Risk Reduction Management Council (RDRRMC) sa pulong dito na hanggang Disyembre 30 na lamang ang nakatakda nilang pamimigay ng tulong sa mga biktima ng bagyo, subali’t magkakaroon pa ng pag-aaral upang alamin kung kailangang ituloy pa ang pamimigay ng tulong sa mga biktima ni Yolanda.

Balak ng DSWD na simulan na ang cash-for-work program sapul sa darating na Enero at inatasan na nila ang mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng mga tanggapan ng Kagalingang Pambayan nila na ihanda ang isang panukalang proyekto para sa mga kuwalipikadong makasama sa programang ito.

Umaabot na sa P533,698,756 ang halaga ng family food packs na naipamigay ng DSWD sa Leyte at Samar lamang hanggang Disyembre 7 (Sabado). Ang halaga naman ng tulong ng lokal na pamahalaan sa pamamahagi ng tulong ay umabot na sa P3,038,454.

Samantala, ilulunsad ng DSWD ang proyektong Feel Good na dadaluhan ni Kalihim Corazon Soliman at ng mga kabalikat na Kagawaran ng Edukasyon at mga pribadong kompanya tulad ng HBC at Reyes Haircutters.

Ang proyektong ito ang magpapalakas ng loob ng mga nakaligtas sa bagyo. Walang bayad na gugupitan ng may 30 manggugupit na galing sa Maynila ang mga guro at boluntaryo sa Palo at Holy Infant College sa Tacloban. Susundan ito ng pagpupuni sa Tree of Hope. PND (hdc/zaf)

Aalamin ng DSWD ang pagkawala umano ng ‘relief goods’ na galing sa mga dayuhang ‘donors’

(LUNGSOD NG TACLOBAN, Leyte—Sisiyasatin ng Kagawaqran ng Kagalingang Panlipunan at Kaunlaran (DSWD) ang iniulat na umano ay kagkawala ng mga relief foods na ibinigay ng iba-ibang bansa sa daigdig na naging dahilan ng pagkabahala at pagkainis nang iba kamakailan.

Tahasang sinabi ni Nestor Ramos, officer-in-charge ng DSWD sa Silangang Kabisayaan na wala silang natanggap na impormasyon tungkol sa bagay na ito, nguni’t lilinawin nila ito sa mga tauhan nila upang lumiwanag ang lahat.

“Ang totoo, may mga NGOs (non-government organizations) na sila na ang namimigay ng tulong sa mga pamahalaang lokal sa bayan-bayan. Mayroon na kaming itinalagang mga tauhan para alamin kung ang mga tulong na ito ay nakarating sa ating mga kababayan,” sab ni Ramos tungkol sa bagay na ito.

Ang Daily Mail, British tabloid ay naglathala ng balita noong nakaraang linggo na isang expat source na emergency supplies na inihatid dito ng mga helikopter ng militar ng United Kingdom ang umano ay nasa mga tindahan sa Makati sa halip na ipamigay sa mga biktima ni Yolanda.

Binigyang diin ni Ramos na sisiyasatin nila ang bagay na ito, gayundin ang umano ay pagtatago ng mga tiwaling lokal na pinuno ng mga relief goods mula sa mga pandaigdig na samahan matapos palitan ng mga lokal na produktong nakatago umano sa mga cadaver bags.

“Kapag may donasyong galing sa pandaigdig na samahan, hindi namin binubuksan ang kahon, binibilang lamang ito. Agad itong ipinadadala sa iba-ibang munisipyo. May listahan kami ng distribution plan para malaman ang mga dapat unahin. Hindi na namin ito iniimpake pa sa aming mga opisina,” paliwanag ni Ramos.

Hinimok ni Ramos ang media na magsadya sa kanilang relief hubs para makita nila kung totoo ang bintang na inilalagay ang mga ito sa cadaver bags para itago sa tao.

Ipinaliwanag din ni Ramos na halinhinan ang mga boluntaryo sa DSWD dahil ito ay kaugnay ng food-for-work nang lahat ay magkaroon ng pagkakataong makapagtrabaho rito na ang kabayaran ay family food packs. PND (hdc/zaf)

Pakikipag-usap sa mga Pilipino ang unang iskedyul ng Pangulo sa Hapon

(TOKYO, Japan) Pakikipag-usap sa mga Pilipino sa Japan ang unang iskedyul ng Pangulong Benigno S. Aquino III pagdalaw niya rito ngayong linggong ito.

Huwebes ng hapon nakatakda ang pulong sa mga Pilipino pagdating na pagdating ng Pangulo at ng kanyang delegasyon buhat sa Maynila.

Una pa ito kaysa sa pagdalo ng Pangulo sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)-Japan Commemorative Summit.

Sa gaganaping pulong Huwebes sa Large Hall ng Arts Building ng National Olynpics Memorial Youth Center, iaabot sa Pangulong Aquino ang symbolic check na isang milyong yen para sa mga biktima ng napakalakas na bagyong Yolanda na sumalanta sa Silangang Kabisayaan at Timog Luzon noong nakaraang Nobyembre 8.

Ipagkakaloob ng Pangulo sa pagkakataong ito ang Presidential Medal of Merit kay dating Tagapangulong Ambeth Ocampo ng National Historical Institute (National Historical Commission ngayon) bago siya magtalumpati.

Samantala, si Joyce Ogawa, tagapangulo ng Philippine Assistance Group na kumakatawan sa rehiyon ng Kanyo at si Jocelyn Yoshitomi, tagapangulo ng Philippine Community Coordinating Council at kumakatawan sa Rehiyong Kansai, ay magbibitiw naman ng maiikling pananalita.

Magpaparinig ng mga awitin ang mga mang-aawit na Pilipino na hango sa inaugural concert ng Pangulo.PND (jl/zaf)

Hiningan ng tulong ng DSWD ang media na babalaan ang mga biktima ng Yolanda laban sa illegal recruiters

(LUNGSOD NG TACLOBAN, Leyte) Binababalaan ang mga biktima ng napakalakas na bagyong Yolanda, lalo na ang mga babae at mga bata, laban sa mga illegal recruiters na nangangakong bibigyan sila ng maiinam na trabaho sa ibang pook.

Hiniling pa ng Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Kaunlaran (DSWD) sa mga tauhan ng media na payuhan ang mga mamamayan ng Leyte na mag—ingat sa mga taong nag-aalok ng mga trabaho umano sa labas ng lalawigan nila.

“Payuhan natin silang huwag pumayag at lalong huwag maniwalang may maiinam na trabaho sa labas ng Tacloban,” sabi ni Nestor Ramos, DSWD officer-in-charge sa Silangang Kabisayaan.

Sinabi ni Ramos na kapag may nag-aalok ng trabaho, maaaring magtanong agad sa Kagawaran ng Paggawa tungkol dito. Idinugtong niya na patuloy ang DSWD sa pakikipag-ugnayan sa Pambansang Pulisy6a (PNP) para masugpo ang “trafficking” o panlilinlang sa mga babae at mga bata.

Idinugtong ni Ramos na pati Hukbong Dagat ay tumulong na rin para sa mga batang nais sumakay sa mga bapor.

“Kung may mga batang walang magulang, hindi po pinasasakay. Ang mga batang gustong sumakay sa barko, pero hindi kasama ang nanay, kinukuha po namin at kinakalinga sa aming mga shelter,” pahayag pa ni Ramos. PND (hdc/zaf)

Ipagkakaloob ng mga Pilipino sa Hapon ang tsekeng isang milyong yen sa Pangulong Aquino para sa mga biktima ng ‘Yolanda’ sa pulong dito

(TOKYO, Hapon) Ipagkakaloob ng mga Pilipino rito sa Pangulong Benigno S. Aquino III ngayong linggong ito ang symbolic check na halagang isang milyong yen (P426,007) para sa mga biktima ng napakalakas na bagyong Yolanda.

Ang pag-aabot ng tseke ay isa sa mga tampok na bahagi ng pakikikpagpulong ng Pangulo sa mga Pilipino na naninirahan dito pagdating na pagdating niya rito sa Huwebes.

Si Jenavila Shigemizu, tagapangulo ng Philippine Barrio Fiesta Executive Committee at si Oliva Akatsu ang mag-aabot ng tseke sa Pangulong Aquino.

Malubhang pininsala ng bagyong Yolanda ang Silangang Kabisayaan at Timog Luzon noong Nobyembre 8 at nag-iwan ng kulang-kulang na 6,000 patay at pinsalang mahigit na P35 bilyon.

Dahil sa malubhang pinsalang iniwan ng bagyong Yolanda, maraming bansa sa daigdig ang agad kusang-loob na nagdala ng tulong sa Pilipinas.

Pangungunahan ng Pangulong Aquino ang delegasyong Pilipino sa Hapon ngayong linggong ito para daluhan ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)-Japan Commemorative Summit idaraos dito.

Nakatakdang dumating ang delegasyon ng Pangulo rito sa Huwebes. PND (jl/zaf)

Pinag-aaralan ng Pangulong Aquino ang ‘subsidy sa sektor ng transportasyon dahil sa ‘power rate adjustment’

Pinag-aaralan ng Pangulong Benigno S. Aquino III ang pagbibigay ng subsidy sa sektor ng trasportasyon upang mabawasan ang bigat ng posibleng power rate adjustment.

Ito ang inihayag ng Pangulong Aquino matapos daluhan ang pagdiriwang ng Ika-80 Taon ng Pagkatatag ng Kagawaran ng Paggawa sa Ichikawa Hall ng Occupational Safety and Health Center sa Lungsod ng Quezon kaugnay ng panukalang pagtataas ng singil sa koryente ng Manila Electric Company.

Inatasan ng Pangulo sina Kalihim Tagapagpaganap Paquito N. Ochoa, Jr., mga Kalihim Carlos Jericho Petilla ng Enerhiya, Cesar Purisima ng Pananalapi, Florencio Abad ng Badyet, at iba pa upang pag-aralan kung ang Pondo ng Malampaya ay magagamit sa panukalang ito upang hindi mabigatan ang taong bayan kapag tumaas ang halaga ng koryente.

“Baka pumasok ang pagbibigay ng subsidy, uulitin ko lang ha, baka muna dahil iniutos kong pag-aralan pa nga ang subsidy sa ating mga pamasaherong sasakyan hanggang kung tamaang pagkatanda ko, sa Pebrero, para hindi na kailangang magtaas naman ng bayad sa pamasahe. Mayroon tayong sinubok na ganyan noong rumagasa ang pagtaas ng presyo ng langis may dalawang taon na ang nakararaan kung hindi po ako nagkakamali, iyan ang isa sa ginawa natin,” pagbibigay-diin ng Pangulo.

Inaasahan ng Pangulo na ang kinauukulang mga Kagawad ng Gabinete ay magbibigay sa kanya ng resulta ng pag-aaral at ng panukalang dapat gawin upang matugunan ang isyu bago siya umalis patungong Hapon sa linggong ityo. PND (js/zaf)

Pinuri ng Pangulong Aquino ang DOLE sa maagap na pag-aayos ng gusot kaya naiwasan ang aklasan

Ang maagap na pamamagitan upang maayos ang ano mang suliranin sa larangan ng paggawa ang dahilan kaya naiwasan ang mga aklasan na humawan ng landas tungo sa matatag na industrial peace climate sa bansa, sang-ayon sa Pangulong Benigno S. Aquino III.

Sa talumpati sa ika-80 Taon ng Pagkatatag ng Kagawaran ng Paggawa na ginanap sa Ichikawa Hall, Occupational Safety and Health Center sa Lungsod ng Quezon, binigyang diin ng Pangulo na ang ginawa ng DOLE na pag-aayos ng gusot sa pagitan ng paggawa at puhunan ay ang pinakamabisang paraan sa paglutas ng ano mang suliraning may kinalaman sa paggawa.

“Kapansin-pansin po ang maayos na relasyon ng ating mga manggagawa at mga kompanya. Isipin po ninyo: Buhat 2010, nanatiling mababa ang bilang ng mga welga ayon sa National Conciliation and Mediation Board. Sumasalamin ito sa tagumpay ng Single Entry Approach ng DOLE kung saan dumaraan sa 30 araw na conciliation-mediation ang nakahaing mga kaso ng paggawa,” dugtong ng Pangulo.

“Ang maganda nga, sa 152 notices of strike and lockout ngayong taon, isa lang ang natuloy na welga. Ito raw po ang pinakamababa sa kasaysayan ng DOLE. Dahil sa naresolbang mga kaso sa pamamagitan ng SEnA mula Oktubre 2010 hanggang Setyembre 2013, napadali ang pagbabayad ng P2.4 bilyon na monetary benefits para sa 82,578 manggagawa. Kaya naman, hindi na po ako nagtatakang nakuha ng SEnA Team ang Presidential Lingkod Bayan Award ngayong taong ito,” pagbibigay-diin pa ng Pangulo.

Patuloy ang DOLE sa pagsisikap tungo sa pagkakasundo upang manatili ang kaayusan sa mga opisina o pook ng trabaho. May mga bihasang kinatawan ukol sa paggawa at pangasiwaan na hasang-haga sa pag-aayos ng suliranin nang mamayani ang kapayapaan sa larangan ng industriya sa bansa.

”Maipagmamalaki natin ang pagkakaroon ng stable industrial peace climate sa bansa. Dahil dito, mas hinihikayat natin ang mga imhbestor para sa pagpapalawak o pagbubukas nila ng mga negosyo sa Pilipinas,” dugtong pa ng Pangulo. PND (js/zaf)

No comments:

Post a Comment