Tuesday, December 3, 2013

Presidential Communications Operations Office - Balitang Malacanang

Presidential Communications Operations Office - Balitang Malacanang

03 DECEMBER 2013







Pagpapasuso sa mga sanggol, isinulong ng UNICEF sa evacuation centers

(LUNGSOD NG TACLOBAN, Leyte) Hinimok ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) ang mga ina ng mga sanggol na pasusuhin ang kanilang mga supling na nakatuloy ngayon sa mga evacuation centers matapos malubhang salantain ng napakalakas na bagyong Yolanda ang Rehiyon ng Silangang Kabisayaan.

Sa harap ng napakaraming inang nakatuloy sa evacuation centers dito, binigyan diin ni Kate Donovan, tagapagsalita ng UNICEF, na nahihirapan silang makakuha ng malinis na tubig kaya magiging higit na ligtas ang kanilang mga sanggol kung pasususuhin ang mga ito kaysa umasa sa formula milk.

“Dapat sa ina lamang sumuso ang sanggol mula sa pagsilang hanggang sumapit siya sa anim na buwang gulang,” wika ni Donovan.

Ipinaliwanag ni Donovan na ang gatas lamang ng ina ang nagbibigay ng kompletong nutrisyon sa sanggol upang tunay silang maging malusog at mabawasan ang panganib na magkaroon ng sakit na tulad ng diarrhea na karaniwang nananalot pagkaraan ng kalamidad.

Sinabi ni Donovan na nakikipag-ugnayan na ang UNICEF sa pamahalaan tungkol sa balak na paglulunsad ng kampanyang himukin ang mga inang may sanggol na maliliit sa Metro Manila na magbigay ng gatas nila para ipasuso sa mga sanggol sa mga pook sa Silangang Kabisayaan na malubhang sinalanta ng bagyo.

Idinagdag niya na sinisikap ng UNICEF maayos ang cold chain na winasak ng bagyo.

Bukod sa pagpapasuso sa kanilang mga sanggol, hinikayat din ng UNICEF ang mga lumikas na huwag kaliligtaan ang paghuhugas ng kamay upang hindi lumaganap ang ano mang sakit.

“Ito ang pinakamainam na gawin nang lahat
laban sa sakit. Bago kumain, gumamit ng sabon sa paghuhugas ng kamay. Ito ang nais naming paratingin sa lahat,” wika ni Donovan.

Umaabot na sa 9,000 bata ang nabakunahan ng UNICEF laban sa polyo at tigdas. Nabigyan din ng bitamina A at iba pang pampalakas ng katawan ang mga nakaligtas sa bagyo.

Hiningi ni Donovan sa mga ina na sikaping mapabakunahan ang mga anak nila upang lumakas ang katawan nila laban sa karamdaman.

“May 200,000 katao ang nasawi sa tsunami sa Rehiyong Aceh ng Indonesya noong 2004. Nang mapawi ang tsunami, ni isang bata ay hindi namatay dahil sa ano mang sakit. Kaya ito ay magagawa kung susundin ang paying pabakunahan ang mga bata ,” dugtong ni Donovan. PND (jb/zaf)

5 milyong pirasong yero ang ipamimigay sa Silangang Kabisayaan

(LUNGSOD NG TACLOBAN, Leyte) Sa pakikipagtulungan ng pribadong sektor, nais ng pamahalaan na makapagbigay ng may limang milyong pirasong yero (GI sheets) sa mga pamilyang ang mga tahanan ay iwinasak ng napakalakas na bagyong “Yolanda” sa Silangang Kabisayaan.

Sinabi ni Bise Gobernador Carlo Loreto na bibigyan ng pamahalaan ng shelter
kits ang mga pamilyang nawalan ng tahanan bilang bahagi ng pagsisikap na rehabilitasyon ng rehiyon.

Bawa’t shelter kit ay mayroong isang kilo ng pakong standard at umbrella kung tawagin samantalang maghihiraman naman ang mga pamilya ng lagari at martiilyo.

Ang pamimigay ng yero ay batay sa aktuwal na pagtaya na ginawa ng mga social workers, inhinyero ng bayan at mga pinunong munisipal at panlalawigan na nasa pook na pagtatayuan ng mga bahay.

Ang ibibigay ng pamahalaan ay 24 na pirasong yero sa mga pamilyang nawasak ang bahay, samantalang 20 pirasong iron sheets naman ang ibibigay ng pribadong grupo.

Hanggang noong Lunes, nakapamigay ang pamahalaan ng 2,335 pirasong yero sa dalawang baranggay ng Guiuan, Silangang Samar at may 3,000 piraso naman sa Baranggay San Isidro, Tanawan.

Ang unang ipinamigay na mga yero ay galing sa mga pribadong tao na kinausap ni Kalihim Jericho Petilla, ayon kay Loreto.

Idinugtong ni Petilla na inaasahan nilang marami yero ang ibibigay ng pamahalaan at ng mga pribadong tao o kompanya man.

Ayon kay Katulong na Kalihim Vilma Cheche Cabrera ng Kagalingang Panlipunan, nangako rin ang Kagawaran ng Pagawaing Bayan at Pambansang Lansangan (DPWH) na magbibigay ng 75,000 pirasong yero o GI sheets para sa mga pook na malubhang sinalanta ng bagyo. PND (jb/zaf)

Idineklara ng Pangulong Aquino ang Disyembre 10 na pista opisyal sa meycauyan, bulakan dahil sa araw ng lungsod ng meycauyan

Idineklara ng Pangulong Benigno S. Aquino III ang Disyembre 10, na natapat sa araw ng Martes, bilang pista opisyal sa Lungsod ng Meycauyan, lalawigan ng Bulacan upang ipagdiwang ang “Araw ng Lungsod ng Meycauyan.

Inilagda ng Pangulo sng deklarasyon sa pamamagitan ng Proklamasyon Blg. 686 na nilagdaan ni Kalihim Paquito N. Ochoa, Jr. noong Nobyembre 18 upang magkaroon ng pagkakataon ang mga mamamayan ng Meycauyan na maipagdiwang nang angkop at madaluhan ang mga seremonyang kaugnay ng “Araw ng Lungsod ng Meycauyan.”

Ang Meycauyan ay naging isang lungsod sa pamamagitan ng Batas ng Republika Blg. 9356 na pinagtibay noong Oktubre 2, 2006. Napagtibay ang nasabing batas ng mga mamamayan ng Meycauyan sa plebisitong idinaos noong Disyembre 10, 2006.

Pangatlong lungsod sa Bulacan ang Meycauyan. Ang dalawa pang lungsod ay ang Malolos at ang San Jose del Monte. PND (js/zaf)

Kinilala ng Pangulong Aquino ang ‘never-say-die’ spirit ng mga Pilipino

Sa kabila ng mga salaghating sumalanta sa bansa sa nakalipas na mga buwan, sinagi ng Pangulong Benigno S. Aquino III Martes na taos-puso ang pasasalamat niya at ikinalugod niya ang ipinakitang tatag ng kalooban at kaisipang hindi pagsuko ng mga Pilipino sa pagharap sa mga suliranin at trahedya ng buhay.

Sa talumpati sa Pamaskong pagtitipong Bulung-Pulungan sa Lungsod ng Pasay, sinabi ng Pangulo na ikinagalak niya ang tatag ng paninindigang ipinakita ng mga apektado ng bigong pagsalakay sa Lungsod ng Zamboanga, ang 7.2 lakas ng lindol na yumanig sa Bohol at ang napakalakas na bagyong Yolanda na nagwasak sa Silangang Kabisayaan.

“Mabigat po ang taong ito. Pero mabigat rin po itong sunud-sunod na sakunang umabot sa atin na gawa ng Kalikasan o gawa ng tao. Pero palagay ko po, isa lang ang maipagmamalaki natin. Hindi tayo dumaing at hindi mangunguna ang gobyerno ninyo na sabihing ‘panahon nang sumuko.’ Palagay ko, itong gobyernong itinatag ng taong bayan, lalo na nang taong bayan mismo ang nagpakita ng kaganapan sa paglaban, ay dapat naman pong tumugon at sumuporta sa paglabang ito,” wika ng Pangulo.

Noong Setyembre, tinangkang sakupin ng mga tagasunod ng Moro National Liberation Front sa pamumuno ng tagapagtatag nitong si chairman Nur Misuari ang ilang bahagi ng Lungsod ng Zamboanga sa pamamagitan ng pambibihag ng mga tao, subali’t buong tatag na nanindigan ang mga kawal ng pamahalaan hanggang malupig sila.

Oktubre 15, lindol na 7.2 ang lakas naman ang yumanig sa Gitnang Kabisayaan at nagwasak sa lalawigan ng Bohol.

Unang linggo naman ng Nobyembre nang walang habas na salantain ng napakalakas na bagyong Yolanda ang Silangang Kabisayaan at ang Timog Luzon na nag-iwan ng mahigit na 5,500 kataong patay.

Sinabi ng Pangulo na nang dalawin niya kamakailan ang Bohol, humanga siya sa tatag at lakas ng loob ng mga tao at sa pagsisikap ng mga ito na makabangon mula sa guho ng bagyo.

“May brownout pa rin sila anim na oras isang araw. Kahit may kahirapan, talagang palabang-palaban sila,” wika ng Pangulo.

Nagpasalamat din ang Pangulo sa mga pulis at militar buong tatag na pagtatanggol ng mga ito sa Lungsod ng Zamboanga laban sa grupo ng mga tagasunod ni Misuari.

Walang takot na sinagkaan ng mga kawal ng pamahalaan ang mga sumalakay kahit alam nilang ang mga armoured vehicles ay maaari ring wasakin ng malalakas na sandatang tulad ng recoilless rifles.

“At ang ginawa po nila ay talagang lumantad, ipinagtanggol ang hindi man lamang kakilala, hindi nila kamag-anakan at ni hindi kaibigan dahil iyon po ang tungkulin nila at hindi nagkulang at nakita po naman ninyo ang naging resulta. Kakaunti ang nawala sa ating hanay at ang mga bihag ay nailigtas at marami po tayong naaresto sa mga salaring ito,” dagdag ng Pangulo

Pinuri rin ng Pangulo ang Lakas na Panghimpapawid sa paglipad sa mga pook na apektado ng Yolanda sa kabila ng mga babalang baka hindi pa ligtas lumipad doon at ginawa nilang pagsisikap na mabuksan uli para magamit ang Paliparan ng Tacloban.

Pinahalagahan din ng Pangulo ang mga kagawad ng Gabinete niya sa pananatili sa mga pook na sinalanta ng bagyo at paggawa ng mga hakbang para tulungan ang mga biktima.

Hindi rin nakaligtaang purihin ng Pangulo ang Philippine Atmospheric Geophysical and Astro-nomical Services Administration sa tamang pagtaya sa lagay ng panahon kaya nagawa ng pamahalaan ang pagtatalaga ng mga tauhan at pagpapadala ng kagamitan at tulong.

Pinasalamatan din ng Pangulo ang pandaigdig na komunidad sa maagap na pagtulong sa mga naging biktima ng bagyong Yolanda.

“Napakarami pong apektado ng trahedyang ito. Pero ngayon pa lamang po, masasasabi ko na sa inyo na tila may liwanag na kung paano natin ibabangong muli ang mga nawasak na pook. Hindi sa kagustuhan lamang, nguni’t sa talagang may plano at may kakayahan, at mayroon tayong mailalaang halagang inipon o tangan na, kung pupuwede mas maganda pa kaysa dati,” pagbibigay-diin pa ng Pangulo. PND (jl/zaf)

Ibig ng Pangulong Aquino na maayos at tapos na ang NAIA-1 at mga imprastraktura bago siya bumaba sa tungkulin sa 2016

Ibig ng Pangulong Benigno S. Aquino III na tapos na ang pag-aayos sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 at napasimulan na ang mahahalagang proyektong imprastraktura pagbaba niya sa tungkulin sa 2016.

Sa pagsasalita sa Pamaskong pagtitipon ng Bulung-Pulungan forum sa Lungsod ng Pasay, binigyang diin ng Pangulo na bukod dito, nais din niyang makita ang sambayanan na nakikiisa sa mga bagay na apektado ang bansa sa halip na nagwawalang bahala.

“ Ang ibig ko sana, ang pag-aayos sa NAIA Terminal 1 ay tapos na sa panahong iyon,” sagot ng Pangulo nang tanungin kung ano ang nais niyang makita bago siya bumaba sa pagka-pangulo sa Hunyo 30, 2016.

Idinugtong ng Pangulo na ibig din niyang magkadugtong na ang North and South Luzon Expressways, gayundin ang Tarlac hanggang La Union Expressway.

Bukod dito, hangad din ng Pangulong Aquino na makitang nasimulan nang gawin ang light rail transit systems.

Idinagdag ng Pangulong Aquino na ang pinakamahalaga pa rin sa kanya ay maging ugaling Pilipino ang pananalig na kaya niyang gawin ang mahahalagang bagay.

“Ang mga ito ang mahalaga subali’t palagay ko, ang pinakamahalagang nais kong masaksihan ay nakabakas sa mukha ng ating mga kababayan ang pananalig na ‘kaya namin ito,’ at walang ano mang hindi natin kayang abutin. Iyon ang inaasam kong masaksihan, na sana naman, hindi sa araw bago ako bumaba sa tungkulin, kundi higit sa lahat ang halaga, matapos na ako ay makaalis na, ito pa rin ang magiging paninindigang patuloy na panghahawakan at mag-iibayo ang lakas nito sa paglipas ng panahon,” sabi pa ng Pangulong Aquino. PND (jl/zaf)

Ang pagtatalaga niya kay Lacson, sabi ng Pangulong Aquino ay tiyak na magpapabilis ng pagbabangon sa pinsala ng ‘Yolanda’

Magpapabilis ng pagbabagong tatag na gagawin ang pagkatalaga kay dating Senador Panfilo Lacson upang pangunahan ang pagsisikap na makapagbagong tatag mula sa mga guhong iniwan ng napakalakas na bagyong Yolanda.

Ito ang binigyang diin ng Pangulong Benigno S. Aquino III sa Pamaskong pagtitipon ng Bulung-Pulungan forum sa Lungsod ng Pasay tungkol sa paghirang niya kay Lacson. Sinabi ng Pangulo na kilala niya si Lacson bilang no-nonsense person na makapagtutuon ng panahon at pansin sa gagawing rehabilitasyon ng mga pook na nasalanta.

“Ngayong si Ping Lacson ang nasa gitna nito at siya naman ay no-nonsense guy, tiyak na mapagtutuunan ng panahon ang rehabilitasyon ng winasak ng Yolanda kaya walang alinlangang matatapos agad ito,” sabi pa ng Pangulo.

Bukod dito, sinabi ng Pangulo na ang mga kagawad ng Gabinete ay may kanya-kanyang mga gawain at tungkuling ginagampanan araw-araw.

Inulit din ng Pangulo ang pagsisikap ng pamahalaan na maging lantaran at walang itatago sa paggamit ng mga tulong na buhat sa iba-ibang bansa para makabangon ang mga biktima ng napakalakas na bagyong Yolanda.

Malawak na pinsala ang iniwan ng Yolanda nang sagasain ang Kabisayaan at Timog Luzon noong unang linggo ng Nobyembre at nag-iwan ng humigit-kumulang na 5,500 patay.

Samantala, nanindigan ang Pangulo na hindi niya pinababayaang maapektuhan siya ng resulta ng mga approval ratings at ang higit niyang pinagtutuunan ng pansin ay kung ano ang makabubuti para sa taong bayan.

“Sa totoo lang, ang tanging pamantayan ko ay: Tama ba ang aking ginawa? At may pagkakataong ang tamang pasiya ay hindi popular. Kung magkaminsan pa nga, ang maling pasiya ay siya pang pinakapopular,” paliwanag ng Pangulo.

“Subali’t, dapat akong manindigan sa ginagawa kong sa palagay ko ay tama. Naniniwala naman ako na ang mga kababayan natin ay patas na mga hukom,” wika pa ng Pangulo. PND (jl/zaf)

Laganap na kaunlaran ang nananatiling pakay ng Pangulong Aquino

Ang pagkakaroon ng malaganap na kaunlarang magiging daan upang ang mga Pilipino ay magkaroon nang higit na masigasig na papel na gagampanan upang sikaping bumuti ang kanilang kalagayan sa buhay ang nananatiling sandigan ng administrasyon ng Pangulong Benigno S. Aquino III.

Sa Pamaskong pagtitipon Martes ng Bulung-Pulungan forum sa Lungsod ng Pasay ay ito ang binigyang diin ng Pangulong Aquino.

“Ang pakay natin ay ang malawakang pag-unlad at ito ang dahilan kaya tayo nagsisikap nang husto. Una, hindi tayo naniniwala sa pautik-utik na teoriya. Sinisikap nating makita ang lahat ng maiinam na paraan upang makalahok ang mga kababayan natin sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng ating bansa,” sabi ng Pangulo.

Idinugtong niya na ginagawa ito ng pamahalaan sa paglalaan ng malaking halaga sa edukasyon, kabilang ang K to 12 basic education scheme, gayundin sa pag-aaral sa pamantasan at mga kolehiyo.

Sinabi ng Pangulo na inaasahan din nilang susuportahan ng Kongreso ang panukalang batas para palawakin pa ang programang Conditional Cash Transfer upang paabutin ito sa mga mag-aaral sa mataas na paaralan.

Binanggit ng Pangulong Aquino ang pag-aaral na ginawa ng Philippine Institute for Developmental Studies na nagsaad na 40-porsiyento premium sa kita o sa kakayahang magkaroon ng kita para sa isang nagtapos sa mataas na paaralan kaysa sa isang tapos lamang sa mababang paaralan.

Tungkol naman sa mga magsasakang apektado ng napakalakas na bagyong Yolanda, sinabi ng Pangulo na hihimukin ng gobyerno ang mga magsasakang ito na magtanim ng ibang halaman na tulad ng kape, kakaw at mais.

“Kaya kung mayroon akong nais maiwang alaala tungkol sa akin, iyon ay walang iba kundi ang napakilos natin ang taong bayan upang totohanang makibalikat sa pagsisikap na mapaunlad ang ekonomya ng bansang ito at maipamamalas ito sa pamamagitan ng pagkakaroon ng kaisipang “kaya kong gawin ito” at walang imposible at walang ano mang bagay na hindi natin kayang abutin,”dugtong ng Pangulo. PND (jl/zaf)

Simulaing ‘para sa bayan’ ang nagbibigay ng lakas sa Pangulong Aquino

Ang simulaing “Para sa Bayan” ang nagbibigay-lakas sa Pangulong Benigno S. Aquino III kahit sa mga sandaling tila hindi kainaman ang nangyayari at maging ang pakiramdam niya.

Ito ang tugon ng Pangulo nang tanungin siya sa Pamaskong pagtitipon ng Bulung-Pulungan sa Lungsod ng Pasay Martes at idinagdag na ito rin ang dahilan kaya hindi siya umuurong sa nakakaharap na mga hamon at pagsubok.

“May ‘mantra’ rin ako. Pag talagang ayaw mo nang bumangon, lalo nabago ipasok ang diyaryo na naghahanap ka ng magandang balita, parang ang ‘mantra’ namin—at saka parang marami ring gumagaya ng para sa bayan,” sagot ng Pangulo.

Idinugtong niya na ang pagtalikod na harapin ang mga pagsubok at suliranin ay katumbas ng pagpayag na talunin siya ng mga hamong kinakaharap ng panguluhan.

“Maging ang Presidential Security Group ay nakababatid ng bagay na ito kaya dapat silang maging handang matulog sa gitna ng kabukiran o sa malayong bayan nang hindi alam kung kailan babalik,” sabi ng Pangulo.

Ang iba ay dapat ding maging handa, sabi ng Pangulo na baka sila maiwan ng biyahe pagbalik sa Maynila.

“Gayunman, ang mantra sa paggawa ng isang bagay para sa bayan ang siya pa ring nagpapa-sigla sa kanila,” pahayag pa ng Pangulo.

“Kasi nga, lahat ng gawin namin ay nakaaapekto sa maraming tao at walang panahong kagaya ng kasalukuyan, naka noong nakalipas, mayroon. Dahil nga, ang hahantungan nitong lahat ay para sa bayan at ang bayan ay nagtataglay ng maraming mukha at maraming taong apektado ng mga hakbang at misyon namin,” wika pa ng Pangulong Aquino. PND (jl/zaf)

Ipinagdarasal ng Pangulong Aquino na maliwanagan ang mga kritiko niya

Ipinagdarasal ng Pangulong Benigno S. Aquino III na maliwanagan ang mga kritikong nagtatangkang ibagsak at siraan siya.

Sinabi ng Pangulo sa Pamaskong Pagtitipon ng Bulung-Pulungan sa Lungsod ng Pasay ang bagay na ito nang itanong kung ang mga tuligsa sa kanya ay nakatutulong.

“Ipinagdarasal ko rin sila. Totohanan ito, hindi biro. Talaga kong ipinagdarasal na maliwanagan ang mga taong ito. Ang paninira ay nakaaapekto sa buhay ng mga sinisiraang tao. At naniniwala ka bang ang paninira ay nakatutulong sa kanila?” sagot ng Pangulo.

Nagpahayag din ng kasiyahan ang Pangulo sa marami niyang kagawad ng Gabinete.

Ipinahiwatig ng Pangulo na kakandidato pa rin siya noong 2010 sa kabila ng mga mabibigat na pasaning kaakibat ng katungkulang ito.

Binanggit niya ang sinabi ng mga magulang niya, naging Senador Benigno Aquino, Jr. at naging Pangulong Corazon Aquino “kung mayroon silang magagawa nguni’t minabuti nilang huwag gawin, hindi matatahimik ang buhay nila.”

“Gusto kong masabi, pinilit kong gawing lahat ang magagawa ko at kung may resultang maganda, maraming salamat. At kung hindi naman, para bang kahit paano, hindi ako sumuko at hindi ako umurong,” wika pa ng Pangulo. PND (jl/zaf)

Pangulong Aquino at Pangulong Thein Sein ng Myanmar mag-uusap sa pagtutulungan at mga pampurok na isyu

Pag-uusapan ng Pangulong Benigno S. Aquino III at ng panauhing Pangulong Thein Sein ng Myanmar sa Huwebes ang mga bagay ukol sa pagtutulungan at mga pampurok na isyu at ang mga paraan upang lalong bumuti ang samahan ng Pilipinas at Myanmar.

Nakatakdang dumating Miyerkoles para sa tatlong araw na state visit sa Maynila ang Pangulong Thein sa anyaya ng Pangulong Aquino ganap na ika-3:20 ng hapon sa Ninoy Aquino International Airport Terminal III.

Pupunta muna ang Pangulong Thein sa Rizal Park Huwebes para mag-alay ng bulaklak sa bantayog ni Dr. Jose Rizal bago tumuloy sa Malacanang.

Pag-uusapan ng dalawang lider ang isyu sa kalakalan, pamumuhunan , pagsasaka, enerhiya, palitang kultural at pagtutulungan sa impormasyon, gayundin ang pampurok na isyu, kabilang ang makasaysayang pagiging pangulo ng Myanmar sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) para sa taong 2014.

Sasaksihan din ng dalawang lider ang paglagda sa Memorandum of Understanding ng Pilipinas at Myanmar sa Information Cooperation, kasunduan sa hindi na pagkuha ng visa sa ordinaryong pasaporte, at Memorandum of Agreement ng Philippine Chamber of Commerce and Industry at Myanmar Federation of Chamber of Commerce and Industry at isa pa tungkol sa renewable energy.

Hahandugan ng state luncheon ng Pangulong Aquino ang panauhing Puno ng Bansa sa Aguinaldo Room ng Malacanang.

Pagkatapos ay pupunta ang Pangulo ng Myanmar sa International Rice Research Institute sa Los Banos, Laguna dakong ika-5:00 ng hapon.

Ito ang unang pagdalaw sa Pilipinas ng PangulongThein. Taong 2005 nang dumalaw sa Pilipinas ang noon ay Punong Ministro Soe Win ng Myanmar.

Nagbigay ang Myanmar ng pitong toneladang relief goods at US$100,000 para sa mga biktima ng bagyong Yolanda.

Nagsimula ang ugnayang diplomata ng Pilipinas at Myanmar noong 1956. Ipagdiriwang sa 2016 ang ika-60 taon ng ugnayan ng dalawang bansa. PND (js/zaf)
 

No comments:

Post a Comment