Wednesday, December 4, 2013

Presidential Communications Operations Office - Balitang Malacanang

Presidential Communications Operations Office - Balitang Malacanang

 04 DECEMBER 2013




Higit na mabilis na rehabilitasyon ang inaasahan ng gobernador ng Leyte sa pagtatalaga kay Lacson

(LUNGSOD NG TACLOBAN, Leyte) Ang pagtatalaga kay dating Senador Panfilo Lacson bilang rehabilitation czar, sabi ni Governador Leopoldo Dominic Petilla ay magpapabilis ng rehabilitasyon ng mga pook sa Silangang Kabisayaan na malubhang sinalanta ng napakalakas na bagyong “Yolanda.”

“Magandang balita na tutulong ang pamahalaan sa rehabilitasyon at nagtalaga pa ng isang rehabilitation czar,” sabi ni Petilla.

Sinabi ng Gobernador na inaasahan niyang makikipagusap si Lacson sa kanyang kapatid na si Kalihim Jericho Petilla ng Enerhiya na siyang tagapagugnay ng gagawing rehabilitasyon,

Si Kalihim Petilla ay naging gobernador ng Leyte bago nahirang sa Gabinete.

Ang dalawang pinuno ay malimit tumawag ng pulong ng inter-agency rito upang subaybayan ang ginagawang rehabilitasyon.

Ayon sa Gobernador, inaasikaso na ng pamahalaan ngayon ang gugugulin sa paghahatid ng may 300 milyong toneladang yero o GI sheets sa iba-ibang lalawigang sinalanta ng Yolanda sa Silangang Samar.

Ipinaliwanag niyang kulang ng pasilidad o mga kagamitan ang pamahalaang panlalawigan para ihatid ang mga yerong ito sa mga baranggay.

Paunang inihatid ng pamahalaan ang may 7,000 yerong bigay ng mga pribadong mamamayan sa mga taga-Tanawan sa Leyte at Guiuan sa Silangang Samar.

“Ang pakay ng pilot delivery ay para makita ang mga isyu sa pamamahagi nito na pakikipag-usapan pa sa pamahalaang pambansa,” wika ni Gobernador Petilla.

Ang isa pang inaalaala ng pamahalaang lokal ay ang patakarang no-build zones na ayon kay Gob. Petilla ay itatakda ng pambansang pamahalaan.

“Mahirap makagawa ng iisang patakaran. Ang kailangan ay case-to-case basis,” dugtong ng Gobernador,” sabi pa ng Gobernador. PND (jb/zaf)

Hindi ligtas inumin ang tubig sa Tacloban, sabi ng DOH

(LUNGSOD NG TACLOBAN, Leyte) Hindi ligtas inumin ang tubig sa Tacloban, dahil ang daluyan ng tubig dito ay nakontamina bunga ng napakalaking pinsalang ibinunga ng napaka-lakas na bagyong “Yolanda.”

ito ang babala ni Katulong na Kalihim Rosell Paulyn Ubial ng Kagawaran ng Kalusugan sa pulong ng inter-agency rito Miyerkules. Sinabi ni Ubial na 29 sa 45 na sinuri nilang water systems dito ay natuklasang positibo sa coliform bacteria na ang ibig sabihin, ang tubig ay nagkaroon ng dumi ng tao.

Dahil dito, pinayuhan ng DOH ang lahat na pakuluan muna sa loob ng 20 minuto man lamang ang tubig kung iinumin nila.

Sinabi pa ni Ubial na tinutulungan ng lokal na pamahalaan ang taong bayan sa pamamagitan ng pamimigay ng aquatabs at mga chlorine solutions (waterine) na ilalagay sa 20 litrong lalagyan sa loob ng 30 minuto bago inumin o gamitin.

Binigyang diin ni Ubial na maaaring may nasirang tubo sa ilang bahagi ng Leyte at Samar dahil sa bagyo kaya nagkaroon ng kontaminasyon ang tubig. Dahil dito, lahat ng pinagkukunan ng tubig ay dapat munang masuring mabuti, kasama na pati ang mga tangke ng tubig at mga water refilling stations.

Ayon kay Ubial, may mga kaso ng diarrhea dito sa lungsod, kaya maagap na kumilos ang DOH para maiwasang kumalat ang sakit na ito.

“Sinisikap na naming alisin ang kontaminasyon sa tubig at nagbabahay-bahay na ang aming mga tauhan para malagyan ng chlorine ang tubig sa lahat ng dako rito,” sabi ni Ubial.

Hinimok naman ni Ubial ang mga mamamayan dito na magsasagawa “search and destroy” sa mga tubig na pinangingitlugan ng mga lamok sa loob at labas ng bahay nila at maging sa mga evacuation centers.

“Takpan sana natin ang mga balde at iba pang sisidlan ng tubig para hindi makapangitlog dito ang mga lamok. Tiyakin din nating laging malinis ang paligid natin,” pahayag pa ni Ubial.

Kaugnay ng kampanya laban sa dengue, patuloy ang pamahalaan sa pakikipag-ugnayan sa Japanese Self-Defense Force unit na nagbobomba ng gamot laban sa mga lamok, lalo na sa mga evacuaton centers.

Iniulat din ni Ubial na nabakunahan na ng DOH ang may 6,000 batang mababa sa liimang gulang sa lungsod na ito. Pakay nilang mabakunahan ang 29,000 bata laban sa sakit na tigdas. PND (jb/zaf)

Magbubukas ang DOLE ng proyektong pangkabuhayan para sa mga manggagawa sa Silangang Kabisayaan

(LUNGSOD NG TACLOBAN, Leyte) Magbubukas ng mga programang pangkabuhayan ang Kagawaran ng Paggawa para sa mga manggagawang nawalan ng hanapbuhay sa Rehiyon ng Silangang Kabisayaan dahil sa malubhang pamiminsala ng napakalakas na bagyong “Yolanda.”

Sinabi ni Direktor Exequiel Sarcauga ng DOLE sa Silangang Kabisayaan na maraming pribadong kompanya ang nagsara ng mga negosyo nila rito dahil sa pinsalang inabot sa bagyong Yolanda noong Nobyembre 8.

“Nailatag na ng Kalihim ng Paggawa ang kaukulanhg mga programa para magkaroon ng hanapbuhay ang mga manggagawang nawalan ng trabaho,” wika pa ni Sarcauga.

Sinimulan na ng DOLE ang emergency employment program para sa may 12,500 manggagawa na ang bawa’t isa ay tatanggap ng sahod na P3,900 para sa 15 araw na pagtatrabaho o P260 isang araw na sahod sa loob ng walong oras sa gagawing paghahawan at paglilinis. Ang mga manggagawa ay bibigyan ng seguro ng Government Service Insurance System (GSIS).

Amg pangkagipitang hanapbuhay na ito ay tulong sa mga manggagawa at may paunang pondong P50 milyon at ayon kay Sarcauga ay umaabot na sa 14,000 manggagawa nila.

Idinugtong niya na naghahanap pa sila ng ibang pondo upang matugunan ang mga kailangan sa pansamantalang hanapbuhay ng mga manggagawa.

Ayon kay Sarcauga, hinihingan nila ng mga panukala ang mga nawalan ng trabaho mula sa impormal at pormal na sektor nguni’t dapat itong makatugon sa itinakdang tuntunin para mapagtibay.

Binanggit din ni Sarcauga na ang DOLE ay magkakaroon ng dagdag na alokasyon sa badyet ng 2014 dahil sa pag-aalis ng mga pondong nakalaan sa development assistance projects (PDAP), kaya magkakaroon ng tig-P7 milyong dagdag ang alokasyon sa mga proyektong pangkabuhayan para sa kabuhayan, pagsasanay sa trabaho at mga espesyal na programa para sa pagkuha ng mga mag-aaral na nais magtrabaho. PND (jb/zaf)

Tiniyak ng pamahalaan na inaasikaso ang mga kailangan ng mga nabiktima ng bagyong Pablo

Tiniyak ng Malacanang Miyerkoles na patuloy na kinakalinga ng pamahalaan ang mga taong apektado ng bagyong Pablo na naminsala sa malaking bahagi ng Mindanao noong 2012.

Sinabi ni Kalihim Herminio “Sonny” Coloma,Jr. ng Presidential Communications Operations Office na isang task force na pinamumunuan ng Kalihim ng Gabinete Jose Rene Almendras ang naghahanda ng badyet para sa rehabilitasyon sa naturang pook.

“Mayroon pong inilatag na programa sa rehabilitasyon ng mga pook na sinalanta ng Bagyong Pablo. Mayroon pong Task Force Pablo na pinangungunahan ni Kalihim ng Gabinete Jose Rene Almendras at mayroon na rin pong inihahandang badyet para maipatupad ito,” wika ni Coloma sa pulong balitaan sa Malacanang Miyerkoles.

Sinalanta ng Bagyong Pablo ang Davao Oriental at Compostela Valley noong Disyembre 2012.

Ayon kay Coloma, ang rehabilitasyon ng mga pook na winasak ng Pablo ay kinabibilangan ng pagtukoy kung saan hindi maaaring itatayo ang mga bagong tahanan.

Idinugtong niya na gumamit ang mga maykapangyarihan ng makabagong teknolohiya upang matukoy ang mga pook na maaaring tayuan ng mga bahay sapagka’t walang malaking panganib sa geohazard.

“Kasi kung maaalaala natin, marami po doon sa mga nasawi ay nakatira sa mga pook na gumuguho ang lupa,” paliwanag pa ni Coloma. PND (jl/zaf)

Alam ng Palasyo ang halaga ng pagpili agad ng bagong puno ng Aduana

Kinilala ng Malacanang na talagang kailangang makapili agad ng kapalit ng nagbitiw na Komisyoner Rozzano Rufino Biazon ng Aduana.

Sinabi ni Kalihim Herminio “Sonny” Coloma, Jr. ng Presidential Communications Operations Office na bahala sina Biazon at Kalihim Cesar Purisima ng Kagawaran ng Pananalapi na magpasiya kung gaano katagal ang transisyon mula ky Biazon at sa ipapalit na bagong Komisyoner ng Aduana.

“Wala po akong nalalamang deadline. Sapat na po sigurong sabihin na dahil sa kahalagahan ng posisyon, mayroon pong sense of urgency (dapat madaliin) ang paglalagay ng bagong puno ng tanggapang ito,” dugtong pa ni Coloma.

Nagbitiw si Biazon sa Aduana ngayong linggong ito dahil sa usaping nag-uugnay sa kanya sa umano ay tiwaling paggamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong siya ay mambabatas pa.

Si Biazon ay kumandidatong senador noong 2010, nguni’t hindi nanalo. Itinalaga siya ng Pangulong Aquino bilang Komisyoner ng Aduana.

Idinagdag pa ni Coloma na bahala si Biazon na pakipag-usapan kay Purisima kung gaano pa katagal siya bago hirangin ang kanyang kapalit.

“Sa akin pong pananaw, maaari naman pong talakayin iyan sa pagitan nilang dalawa ni Kalihim Purisima,” dugtong ni Coloma.

Samantala, inulit ni Coloma na ang hihirangin ng Pangulo na kapalit ni Biazon ay ang taong “most qualified.”

Ayon kay Coloma, alam ng pamahalaan ang halaga ng papel na ginagampanan ng Kawanihan ng Aduana sa paglikom ng pondo ng pamahalaan. Pangalawa sila sa Kawanihan ng Rentas Internas sa gawaing ito.

“Kaya po mahalaga ang kontribusyon ng Aduana sa pangkalahatang pagsisikap na lumikom ng pondo ng pamahalaan. At dahil diyan, ang taong mamumuno sa kawanihang ito ay dapat makatugon sa hinihingi ng sagutin ng kawanihan na makalikom nang pondong pangalawa sa laki sa nililikom ng pamahalaan upang magamit sa pangangailangan ng gobyerno,” dugtong pa ni Coloma. PND(jl/zaf)

Magdaraos ang Pangulong Aquino at Pangulong Thien Sein ng Myanmar ng mahalagang pulong sa Malacanang Huwebes

Magpupulong ang Pangulong Benigno S. Aquino III at Pangulong Thein Sein ng Republika ng Myanmar Huwebes sa Malacanang, ayon kay Kalihim Herminio Coloma, Jr. ng Presidential Communications Operations Office.

“Nakatakdang magpulong ang dalawang lider sa Huwebes. Susundan ito ng paglagda sa mga kasunduang ukol sa pagtutulungan sa kalakalan at pamumuhunan, kasapatan sa pagkain at pagsasaka, kasunduan sa renewable energy, tulungan sa impormasyon sa pamamagitan ng palitan ng mga balita sa radyo at telebisyon, industriya ng pelikula, ugnayang pambayan at paglalathala, gayundin ang visa exemption sa ordinaryong pasaporte,” sabi ni Coloma sa pulong balitaan sa Malacanang Miyerkoles.
Idinugtong ni Coloma na lalagda rin sa kasunduan ang mga kinatawan ng chambers of commerce and industries ng dalawang bansa ukol sa pagpapalawak ng pagkakataon sa negosyo at ugnayang pangkalakal.
Matapos lagdaan ang mga kasunduan, sabi ni Coloma, ibibigay ng Ministry of Social Welfare, Relief and Resettlement ng Myanmar sa Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan ng Pilipinas ang tulong ng Myanmar sa mga biktima ng lindol at bagyong Yolanda sa Kabisayaan.
“Isang state luncheon ang ihahandog ng Pangulong Aquino kay Pangulong Thein sa Malacanang at pagkatapos ay pupunta ang Pangulo ng Myanmar sa International Rice Research Institute sa Los Banos, Laguna at sa Cebu ukol sa pamumuhunan sa sektor ng pagsasaka at para dumalaw rin sa ilang pook na naging biktima ng bagyo,” dugtong ni Coloma.
Ito ang unang “state visit” ng Pangulong Thein sa Pilipinas mula nang mahalal na Pangulo noong 2011. Ang huling puno ng Myanmar na dumalaw sa Pilipinas ay si Punong Ministro Soe Win noong 2005.
Unang nagkausap ang Pangulong Aquino at Pangulong Thein sa Nay Pyi Taw noong Hunyo 7, 2013 nang daluhan ng Pangulong Aquino ang ‘World Economic Forum on East Asia’ na ginanap sa Myanmar. Gaganapin ang katulad na pulong sa Pilipinas sa 2015.
Nagbigay ang Myanmar ng pitong toneladang ‘relief goods’ at US$100,000 sa mga biktima ng bagyong Yolanda sa Pilipinas.
Taong 1956 nang magkaroon ng ugnayang diplomatiko ang Pilipinas at Myanmar. Sa 2016 ipagdiriwang ang ika-60 anibersaryo ng ugnayang diplomata ng dalawang bansa. PND(js/zaf)

Sisiyasatin ng PNP ang pagbibili, sabi ng Malacanang ng ‘ready-to-eat meals’ na para sa mga nakaligtas sa Yolanda

Sisiyasatin ng Pambansang Pulisya ang umano ay pagbibili ng ready-to-eat meals buhat sa Estados Unidos na para sa mga nakaligtas sa napakalakas na bagyong Yolanda, sabi ng Malacanang Miyerkoles.

Binigyang diin ni Kalihim Herminio Coloma, Jr. ng Presidential Communications Operations Office na nais ng Malacanang na malaman ang katotohanan tungkol sa pagbibili ng mga pantulong sa mga biktima ng Yolanda.

“Siyempre po ang gusto natin ay ang maayos na paghahatid ng kalinga at tulong sa ating mga mamamayan. Kaya kung ano po ang naganap na labag sa batas, tungkulin po ng ating mga alagad ng batas na siyasatin ito at ipatupad ang batas,” sabi ni Coloma.

Salig sa mga kumalat na balita, ang mga ready-to eat meals para sa mga nakaligtas sa Yolanda ay nadala sa ilang tindahan sa Metro Manila kung saan ipinagbibili.

Sinabi ni Coloma na alam ng PNP ang mandato nitong magpatupad ng batas.

“Batid po ng PNP ang dapat nilang gawin bilang tagapagpatupad ng batas,” sabi pa ni Coloma.

Mahigit na 5,600 ang nasawi dahil sa napakalakas na bagyong Yolanda na naminsala nang malaki sa Silangang Kabisayaan at Timog Luzon. PND(jl/zaf)

Nakahanda ang gobyerno na gawin ang karampatang hakbang upang pangalagaan ang kapakanan ng madla sa ‘power rate adjustment’

Nakahanda ang pamahalaan na gawin ang karampatang hakbang upang pangalagaan ang kapakanan ng taong bayan sa pagtataas ng singil sa koryente ng Manila Electric Company o Meralco kapag napatunayang hindi ito makatarungan, ayon sa Malacanang Miyerkoles.

Sinabi ni Kalihim Herminio Coloma, Jr. ng Presidential Communications Operations Office na “market-driven” ang halaga ng koryente, ang Energy Regulatory Commission ay makasusuri sa saligan ng pagtataas ng halaga ng koryente.

“Mayroon tayong proseso para maituwid iyan kung ito ay naging arbitrary. Kaya tayo may ERC para alamin ang mekanismo ng operasyon ng merkado. May kapangyarihan ang tanggapang ito na rebisahin ang pasiya ng market players,” pahayag ni Coloma sa pulong-balitaan.

“Mayroon ding sapat na safeguard na nakalagay sa batas para protektahan ang karapatan ng consumer kung maipakikita na hindi makatuwiran o labis ang sinisingil at hindi naaayon sa paggalaw ng merkado,” dugtong pa ng Kalihim ng PCOO.

Idinagdag ng Kalihim na kinikilala man ng pamahalaan na ang hakbang ng sektor ng koryente ay market-driven, sagutin ng Pangulo na pangalagaan ang kapakanan ng mga consumer na Pilipino.

“Ang unang-unang inaalagata ng Pangulo sa ano mang pagpapasiyang gagawin ay ang kapakanan ng sambayanang Pilipino,” pagbibigay-diin pa ng Pangulo.

Sinabi ni Coloma na ang mga nasa distribusyon ng koryente na tulad ng Meralco ay nagtatakda ng power generation charge salig sa halaga ng pagbili nito sa merkado.

Ang pinakahuling pagtataas ng halaga ng koryente ay dahil sa pagsasara ng planta ng Malampaya natural gas mula Nobyembre 11 hanggang Disyembre 10, sabi ni Coloma at binanggit ang pahayag ng Meralco na ito naman ay pansamantala lamang.

Samantala, sinabi ni Coloma na bahala ang Kongreso sa pagsusuri at pagsususog sa “Electric Power Industry Reform Act” (EPIRA) at ang batas sa deregulasyon ng langis na siyang sinisisi ng ilang grupo sa pagtaas ng halaga ng koryente. PND(jl/zaf)

Katibayan ng walang puknat na repormang ginagawa ng pamahalaan ang bumuting ranggo ng bansa sa ‘2013 Corruption Perceptions Index’

Ikinalugod ng administrasyong Aquino ang report na bumuti ang iskor at katayuan ng Pilipinas sa Corruption Perception Index 2013 ng Transparency International, ayon sa Tagapagsalita ng Pangulo Edwin Lacierda.

“Walang humpay ang pagbabagong ginagawa, na kinilala ng pandaigdig na koalisyon laban sa katiwalian, ang Transparency International na Corruption Perception Index, kung saan ang Pilipinas ay umangat sa ika-94 na puwesto mula sa 105 noong 2012—11 ang itinaas. Ito ay malinaw na malaking pagtaas ng 24 na baitang (105 buhat sa 129),” sabi pa ni Lacierda.

Ang Pilipinas ay nasa ika-94 na puwesto na may iskor na 36, umangat sa 105 noong isang taon na 34 ang iskor.

Ang Transparency International ay isang non-governmental organization na sumusubaybay at naglalathala ng katiwaliang nagaganap sa mga bansa ng daigdig.

Sinabi ni Lacierda na ang malaking pagbabago ng katayuan ng Pilipinas ay sukatan din ng patuloy na pagtitiwala ng pandaigdig na komunidad sa Pilipinas.

“Nakapag-aambag din ito ng dangal sa cycle of empowerment lahat ng Pilipino sa mga larangan ng buhay patungo sa adhikaing maging palagian ang pagbabago sa bansa,” pahayag pa ni Lacierda. PND(js/zaf)

Tiniyak ng Pangulong Aquino na pangangalagaan ang kapakanan ng Pilipino sa 10 taong palugit sa ‘lifeline subsidy’ sa 100 kilowatt ang gamit

Lubos na pangangalagaan ng Pangulong Benigno S. Aquino III ang kapakanan ng sambayanang Pilipino sa lubos na pagpapatupad ng batas na nagpapalugit sa lifeline subsidy ng mga tahanang ang nagagamit na koryente ay 100 kilowatts o mababa rito.

Ito ang mariing pahayag ni Kalihim Herminio “Sonny” Coloma, Jr. ng Presidential Communications Operations Office Miyerkoles kaugnay ng mga ulat na balak ng Manila Electric Company na ipatupad ang power rate adjustment o pagtataas ng singil sa koryente.

Nilagdaan ng Pangulong Aquino noong 2011 ang batas na nagpapalugit sa lifeline subsidy na sumasaklaw sa mahigit na dalawang milyong tahanang ang gamit lamang na koryente ay 100 kilowatts o mababa pa rito, sabi ni Coloma. Saklaw nito, ayon kay Coloma ay para sa kapakanan ng mahigit na dalawang milyong pinakadukhang pamilya sa bansa.

Sinabi ni Coloma na ang Batas ng Republika Blg. 10150 ay nagbibigay ng 10 taong palugit sa pagpapatupad ng lifeline rate sa ilalim ng Electric Power Industry Reform Act o EPIRA upang matulungan ang maralitang gumagamit ng koryente.

Sa Seksiyon 73 ng Batas ng Republika Blg. 9136 o EPIRA ng 2001 ay nagkaloob ng lifeline rate para sa pinakadukhang pamilya at ito ay natapos noong 2011.

Sa ilalim nito, ang gumagamit ng koryente na hanggang 20 kWh isang buwan ay hindi na mag-babayad ng ano man. Ang gumagamit naman ng 21-50 KWh ay may diskuwentong 50 porsiyento at ang 51-70 KWh ay may diskwentong 35 porsiyento. Ang mga gumagamit naman ng 71-100 kWh ay makatatanggap ng 20 porsiyento subsidiya, samantalang ang nakatatanda (senior citizen) ay may karapatan sa 20 porsiyentong diskuwento.

Sinabi ni Coloma na ang “Energy Regulatory Commission (ERC) ay may karapatang rebisahin ang halaga ng koryente, lalo na kung ito ay alang-alang sa kapakanan ng mga gumagamit nito. Inihayag pa ng ERC na ang “system losses” na hindi dapat humigit sa walong porsiyento ng power rates, alinsunod kay Coloma. PND(js/zaf)

No comments:

Post a Comment