Tuesday, December 10, 2013

Presidential Communications Operations Office - Balitang Malacanang

Presidential Communications Operations Office - Balitang Malacanang

10 DECEMBER 2013


=====================================================================================

 



Sasaksihan ng Pangulong Aquino, Punong Ministro Abe ng Hapon ang paglagda sa tatlong ‘exchanges of notes’

(TOKYO, Japan) Sasaksihan ng Pangulong Benigno S. Aquino III at Punong Ministro Shinzo Abe ng Hapon ang paglagda sa tatlong exchanges of notes na magiging daan upang mapalakas ang kakayahan ng bansa laban sa mga kalamidad.

Inaasahang tatalakayin ng dalawang lider ang mahahalagang bagay na may kaugnayan sa mga isyung pampurok sa pulong nila sa Biyernes sa Tokyo kung saan dadalo ang Pangulong Aquino sa idaraos na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)Japan Comemorative Summit.

“Sa pulong na ito, pag-uusapan ng dalawang lider ang pagtutulungan sa harap ng mga pinsalang bunga ng mga kalamidad at ang pagbabagong tatag na gagawin sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda, gayundin ang ukol sa ekonomya, pagtutulungan sa maritime, palitang tao-sa-tao at ang prosesong pangkapayapaan sa Mindanao,” sabi ni Raul Hernandez, Tagapagsalita ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas.

Sinabi ni Hernandez na sasaksihan ng Pangulong Aquino at ni Punong Ministro Abe ang paglagda sa tatlong “Exchanges of Notes” na kinabibilangan ng:

• standby loan na nagkakahalaga ng 100 bilyong yen ($100 milyon) dahil sa malaking pinsalang idinuoot ng bagyong Yolanda;

• pautang para sa multi-role response Vessels na halagang 18.732 bilyong yen ($187 milyon) upang magamit ng Philippine Coast Guard; at

• isang binagong iskedyul ng ruta para sa Philippines-Japan Air Services Agreement. PND (jl/zaf)

Mga isyung pampurok at pandaigdig, tatalakayin sa ‘ASEAN-Japan Commemorative Summit’

(TOKYO, Japan) Puspusang tatalakayin ang mahahalalagang isyung pampurok at pandaigdig sa idaraos na Association of Southeast Nations (ASEAN)-Japan Commemorative Summit na nakatakdang ganapin dito sa linggong ito.

Nakatakdang makiisa ang Pangulong Benigno S. Aquino III sa mga kapuwa puno ng bansang ASEAN sa pagtalakay sa mga isyung may kinalaman sa pulitika hanggang sa kapanatagan sa Akasaka State Guest House sa Sabado.

Bukod dito, inaasahang tatalakayin din ng mga lider ang pagtutulungan sa larangan ng ekonomya at ang sumisibol na mga hamong panlipunan-pangkabuhayan, people-to-people and cultural challenges, at pagpapalitan ng kuru-kuro sa mga isyung pampurok at pandaigdig.

Inaasahan ding magtatakda sila ng medium-to-long term vision ng pagkakaibigan ng ASEAN at ng Hapon.

“Tungkol sa mahalagang bahagi ng Commemorative Summit, sa mga lider ng ASEAN at ng Hapon, habang kinikilala ang mga nagawa na sa nakalipas na 40 taon, ay magtutuon ngayon ng pansin sa magiging ugnayan ng ASEAN-Hapon sa larangan ng pulitika-kapanatagan, pagtutulungang pangkabuhayan at panlipunan-kalinangan. Magpapalitang kuro din sila sa mga isyung pampurok at pandaigdig,” sabi ni Raul Hernandez, Tagapagsalita ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas.

Idinagdag ni Hernandez na ang dalawang mahalagang kasulatang inaasahan sa “Summit” ay ang Vision Statement of ASEAN-Japan Friendship Cooperation and its implementation plan, at ang pangalawa ay ang Joint Statement of the ASEAN-Japan Summit.

“Itutuon ng Joint Statement and its implementation Plan ang pansin sa katamtaman at pang mas tagalang pagtutulungan ng ASEAN at Hapon, habang ang Joint Statement ay tutugon naman sa mga isyung pampurok at pandaigdig,” dagdag ni Hernandez. PND (jl/zaf)

Nilagdaan ng Pangulong Aquino ang ‘Condolence Book’ para sa yumaong Pangulong Mandela ng Timog Aprika

Nilagdaan ng Pangulong Benigno S. Aquino III Martes ang condolence book para sa yumaong Pangulong Nelson Mandela ng Timog Africa sa Lungsod ng Makati.

Nagsadya ang Pangulong Aquino sa Embahada ng Timog Africa sa Lungsod ng Makati at nilagdaan ang Book of Condolences bilang parangal sa alaala ni Mandela.

“Nawa ay patuloy na maging maluningning na ulirang halimbawa ang inyong kahanga-hanga at katangi-tanging buhay upang bawa’t isang nilalang na may malasakit na ang daigdig na ito ay maging higit na mainam na pamayanan,” wika ng Pangulo sa isinulat niya sa Aklat ng Pakikiramay.

Sinalubong ang Pangulo ni Embahador Agnes Nyamanda-Pitao ng Timog Korea sa Pilipinas nang dumating sa embahada kasama si Kalihim Albert del Rosario ng Ugnayang Panlabas.

Binawian ng buhay si Mandela noong Disyembre 5 sa gulang na 95 taon. Uukulan ng state funeral ang yumaong bayani ng pandaigdig na demokrasya sa Timog Africa sa Disyembre 15.

Martes nang mag-ukol ng seremonyang alaala para kay Mandela sa Carlos P. Romulo Auditorium sa RCBC Plaza sa Lungsod ng Makati.

Ang Embahada ay naglagay ng Book of Condolences na maaaring lagdaan ng madla simula Martes hanggang Biyernes mula ika-10:00 ng umaga hanggang ika-4:00 ng hapon sa RCBC Plaza sa Lungsod ng Makati. PND (co/zaf)

Itinalaga ng Pangulong Aquino si dating Senador Lacson na ‘Presidential Assistant for Rehabilitation and Reconstruction’

Itinalaga na ng Pangulong Benigno S. Aquino III si dating Senador Panfilo Lacson na Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery na ang pangunahing tungkulin ay pag-isahin ang pagsisikap na ginagawa ng pamahalaan at ng iba pang mga ahensiya tungo sa rehabilitasyon at pagbabagong tatag ng mga napinsala ngh napakalakas na bagyong Yolanda.

Sa pulong-balitaan sa Malacanang, sinabi ni Kalihim Herminio “Sonny” Coloma, Jr. ng Presidential Communications Operations Office na Disyembre 6 nilagdaan ng Pangulo ang paghirang kay Lacson sa nasabing tungkulin na may ranggong kagawad ng Gabinete.

IItinalaga si Lacson pagkaraan ng laganap na pinsala at maraming buhay na kinitil ng bagyong Yolanda sa mga lalawigan ng Samar, Leyte, Negros, Sebu, Bohol, Capiz, Aklan, Antique, Iloilo at Palawan.

Inilabas ng Pangulo ang Memorandum Order No. 62 na nilagdaan ni Kalihim Tagapagpaganap Paquito N. Ochoa, Jr. noong Disyembre 6 na lumiliwanag sa mga tiyakang gawain ni Lacson bilang pangkalahatang tagapamahala at tagapagugnay ng rehabilitasyon at rekostruksiyong sinisikap ng mga kagawaran, mga ahensiya at istrumentalidad ng pamahalaan sa mga pook na sinalanta ng bagyong Yolanda.

Makikipag-ugnayan si Lacson sa National Disaster Risk Reduction and Managementy Council at mga ahensiyang kasapi nito at sasangguni sa mga lokal na pamahalaan para balangkasin ang mga panukala at programa ukol sa rehabilitasyon at pagpapaunlad ng mga pook na apektado, kasama na ang paghahanda ng mga programang para sa short-term, medium-term at long-term na ihaharap para pagtibayin ng Pangulo.

Magmumungkahi rin ng budget si Kalihim Lacson upang gamitin sa pagsasagawa ng mga panukala at programa at makahihingi ng tulong sa alinmang kagawaran, kawanihan, tanggapan, ahensiya o sangay ng gobyerno, kabilang ang mga korporasyong pagmamay-ari o kon-trolado ng pamahalaan, gayundin sa mga isistusyong pinansiyal, lokal na pamahalaan, non-government organizations, pribadong sektor at iba pang tanggapan ukol sa pagsasakatuparan ng kanyang mandato.

Maghaharap si Lacson ng ulat sa Pangulo tungkol sa mga ipinatutupad na panukala at programa at tutupad sa mga tungkuling kailangan upang magawa ang mga tadhanain ng kautusang ito o ng iba pang maaaring iaatas ng Pangulo.

Inatasan din ng Pangulo ang lahat ng kagawaran, kawanihan, tanggapan, mga ahensiya o istrumentalidad ng pamahalaan, kasama ang GOCCs and GFIs na tumulong kay Lacson sa larangang ito.

Hinihimok din ang mga LGUs, NGOs at pribadong sektor na makipagtulungan kay Lacson kung kailangan ang tulong nila. PND (js/zaf)

Nakiisa ang Malacanang sa pagdiriwang ng Pandaigdig na Araw ng Karapatang Pantao

Nakiisa ang Malacanang sa buong daigdig sa pagdiriwang ng Pandaigdig na Araw ng Karapatang Pantao ngayong araw na ito, Disyembre 10.

“Kaisa tayo ng buong mundo sa pagdiriwang ng ‘Pandaigdig na Araw ng Karapatang Pantao,’ isang araw matapos alalahanin ang ‘Pandaigdig na Araw Laban sa Katiwalian,” pahayag ni Kalihim Herminio Coloma, Jr. sa pambungad na pananalita sa pulong-balitaan sa Malacanang Martes.

“Kaisa kami ng sambayanang Pilipino na naniniwalang ang pinakamahalagang karapatang pantao ay walang iba kundi ang magkaroon ng isang higit na magandang buhay,” dugtong pa ni Coloma.

Sa pahayag na ito, pinagtibay ni Coloma ang matatag na paninindigan ng Pangulo na magsakatuparan ng mabuting pamamahala at sugpuin ang katiwalian na siyang panulukang bato ng malawakang kasaganaan at patuloy na kaunlarang pangkabuhayan ng bansa.

Idineklara ng UN General Assembly ang Disyembre 10 bilang Araw ng Karapatang Pantao noong 1950 upang mamulat “ang mga mamamayan ng daigdig” tungkol sa Pandaigdig na Deklarasyon ng Karapatang Pantao bilang pangkaraniwang pamantayan ng magagawa para sa lahat ng mamamayan at ng lahat ng bansa.

Noong Disyembre 1993 nilikha ng United Nations General Assembly ang mandato ng High Commissioner ukol sa pagsusulong at pangangalaga sa karapatang pantao.

Ang hakbang ng Pangkalahatang Kapulungan ng Bansang Magkakaanib ay naaayon sa mungkahi ng mga delegado sa Pandaigdig na Kapulungan ukol sa Karapatang Pantao na idinaos sa Vienna nang unang bahagi ng nasabing taon.

Noon ding 1993 kinilala ng Pandaigdig na Kapulungan sa Karapatang Pantao ang Vienna Declaration and Programme of Action na nagpasimula ng puspusang pagsisikap na pangalagaan atg isulong ang karapatang pantao bilang isa sa mahalagang dokumento ukol sa karapatang pantao sa nakalipas na unang kuwarter ng dantaon. PND (as/zaf)

Hinirang ng Pangulo si Danilo Antonio na “Undersecretary” ni Lacson

Hinirang ng Pangulong Benigno S. Aquino III si Propesor Danilo A. Antonio bilang Pangalawang Kalihim sa Tanggapan ng Pangulo upang makawaksi ni Presidential Assistant for Recovery Panfilo Lacson sa rehabilitasyon at pagbabagong tatag ng mga pook na malubhang sinalanta ng napakalakas na bagyong Yolanda.

Disyembre 6 itinalaga ng Pangulo si Antonio na dating Chief Operating Officer ng Eton Property Phil. Inc. Naging direktor din siya ng Ace Center for Entreprenuership and Management Education Inc.

Tapos siya ng economics sa De La Salle University at ng Master in Business Management sa Asian Institute of Management (AIM). Nagturo siya sa Master in Entreprenuership Program sa Ateneo Graduate School of Business.

Naglingkod din siya sa Ayala Corporation, LANDCO, Metro Pacific Corporation, Phoenix Land, Banco de Oro Realty Corporation at Land-Excel Consulting. PND(js/zaf)

Pagdalaw ng Pangulong Aquino sa Hapon, pagkakataon para pasalamatan ang mga tulong nila sa biktima ng mga kalamidad sa Pilipinas

(TOKYO, Hapon) Ang pagdalaw ng Pangulong Benigno S. Aquino III sa Hapon ay pagkakataon upang mapasalamatan niya ang pamahalaan at mamamayang Hapones sa pagtulong nila sa mga Pilipinong sinalanta ng mga kalamidad kamakailan, lalo na ang bagyong Yolanda.

Sinabi ni Embahador Manuel Lopez dito Martes na magkakaroon ng pagkakataon ang Pangulo na personal na pasalamatan si Emperador Akihito at Punong Ministro Shinzo Abe sa pagkikita nila sa pagtungo niya rito.

“Ito ang pagkakataon para sa Pangulong Aquino na magpasalamat sa Hapon, lalo na sa Emperador at sa Punong Ministro. Ang dalawang ito ang pinakamataas na pinunong Hapones. Bukod diyan, ang mga kompanyang nagbigay ng tulong at ang mga mamamayang Hapones sa kagandahang-loob nila,” wika ni Lopez.

Ang Hapon ay nakiisa sa pandaigdig na komunidad sa pagbibigay ng tulong sa mga nakaligtas sa bangis at lupit ni Yolanda na sumalanta sa Sllangang Kabisayaan at Timog Luzon kung saan halos umabot na sa 6,000 ang nasawi.

Ayon kay Embahador Lopez, patuloy ang pamahalaang Hapones sa pagtulong sa mga nakaligtas upang makapagbagong buhay.

“Napakalaki ng tulong ng Hapon sa atin. Kaya angkop lamang na magpasalamat tayo sa mga Hapon. Walang masama sa pagtungo rito ng Pangulo. Palagay ko, napakahalagang ipaktia ng bansa natin ang pagkilala sa kabutihan nilang ginawa. Hindi natin dapat makalimutang ang Hapon ay higit na matagal na mananatili kaysa sa ibang bansang tumutulong sa atin,”dagdag pa ni Lopez.

Idinugtong ni Lopez na ang Pangulong Aquino at Punong Ministro Abe ay inaasahang sasaksi sa paglagda sa tatlong exchanges of notes n a:

• Isang post-disaster standby loan na 10 bilyong yen ($100 milyon)
• Pautang para sa Multi-role response Vessels para sa Philippine Coast Guard na halagang 18.732 bilyong yen ($187 milyon) at,
• Binagong rutang iskedyul ng Philippines-Japan Air Services Agreement

Ayon kay Lopez, ang kasunduan sa air services ay magiging daan para ang mga eroplano ng Pilipinas gaya ng Philippine Air Lines at Cebu Pacific ay magkakaroon nang higit na maraming biyahe sa Hapon at Maynila.

“Malaking bagay ito para matulungan ang industriya ng turismo sa ating bansa dahil magiging madalas ang biyahe ng mga eroplano,” dugtong ni Lopez. PND (jl/zaf)

Nangako ang Hapon na tutulungan ang Pilipinas sa rehabilitasyon

(TOKYO, Hapon) Nangako ang pamahalaang Hapones na tutulungan ang Pilipinas sa gagawing pagbabagong tatag sa mga pook na sinalanta ng napakalakas na bagyong Yolanda, wika ni Embahador Manuel Lopez ng Pilipinas sa Hapon Martes.

Sa panayam, sinabi ni Lopez na binanggit sa kanya ni Ministro Fumio Kishida ng Ugnayang Panlabas ng Hapon na ipaalam lamang sa kanya kung may ano pang tulong na kailangan ang Pilipinas sa Hapon.

“Tungkol sa pangako ng Hapon na tutulungan tayo hindi lamang sa pagbibigay ng relief goods kundi pati sa rehabilitasyong gagawin, natatandaan ko na ang Ministrong Panlabas ay nagtungo sa Embahada para lumagda sa condolence book at sinabi sa akin na kung may kailangan ang bansa natin, ipaalam lamang sa kanya,” dugtong pa ng Embahador.

Idinugtong niya na ganito rin ilang ulit na sinabi ng mga kagawad ng Parlamento ng Hapon na nakausap niya at nagsabing handa silang tulungan tayo kung hihingi ng tulong ang pamahalaan natin sa kanila.

Ang Hapon ang isa sa unang bansang napakalaki ng tulong na ibinigay sa atin pagkaraang salantain tayo ng napakalakas na bagyong Yolanda na nag-iwan ng pinsala at halos 6,000 nang patay.

Binigyang diin ni Lopez na palatandaan ito ng napakainam na samahanng Pilipinas-Hapon at talang ang Hapon ay kabalikat natin.

“Malaking tulong ang ginawa ng Hapon sa atin, lalo na nang manalanta ang Yolanda. Buhos ang tulong hindi lamang ng pamahalaang Hapones, kundi pati ng mga korporasyon nila. Napakalaki ng tulong nilang ito at patuloy pa rin silang tutulong kung kailangan pa natin,” dugtong ni Lopez. PND (jl/zaf)

Bagong puhunan ng Hapon sa Pilipinas sa larangan ng digital TV tech

(TOKYO, Hapon) Mga bagong pamumuhunan ng mga Hapones ang maaasahan ng Pilipinas, lalo na sa larangan ng pamantayang Hapones sa digital television, sabi ni Embahador Manuel Lopez ng Pilipinas sa Hapon.

Sinabi ni Lopez sa panayam na ang mga kompanyang Hapones ay malamang maglagay ng shop sa Pilipinas upang makagawa ng kagamitang ukol sa set-top boxes.

Binigyang diin ni Lopez na ilang kompanyang Hapones ang maglalagay ng shop sa Pilipinas para gumawa ng set-top boxes at iba pang may kaugnayan sa digital TV na magbibigay ng pagkakataong magkaroon ng hanapbuhay ang mga Pilipino sa larangang ito ng negosyo.

Una rito, sinabi ni Kalihim Herminio Coloma, Jr. ng Presidential Communications Operations Office na ang pamahalaan gagamit ng Integrated Service Digital Broadcasting Terrestial (ISDB-T) standard.

Ipinaliwanag ni Coloma na ito ay sa pamamagitan ng makabagong mobile devices, emergency alarm system na magbababala sa madla kung may darating na kalamidad.

Sinabi pa ni Lopez na inaasahan na ng Pilipinas na mapagtitibay na nito ang isang automotive road map.

Kapag nagawa ito, mararagdagan ang aktibidad sa Pilipinas ng mga Hapones na gumagawa ng mga kotse. PND (jl/zaf)

No comments:

Post a Comment